May-ari ng Dimple bus, pinaaaresto ni Duterte, sumuko
Sumuko ang may-ari ng Dimple Star bus Biyernes ng gabi matapos mag-utos si Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ito, at kanselahin ang prangkisa ng bus nito na nasangkot sa malagim na aksidente sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Nagngingitngit sa galit si Duterte nang dumating sa mismong crash site kung saan nangyari ang pagdausdos ng Dimple Star bus sa bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Dito niya iniutos ang pag-aresto sa may-ari ng Dimple Star Transport na si Hilbert Napat at ang pagkansela sa buong prangkisa ng kompanya nito.
Sumuko si Napat kasama ang kaniyang pamilya at abogado Biyernes ng gabi.
Hindi ito ang unang aksidenteng kinasangkutan ng Dimple Star.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mula 2011 hanggang ngayon ay aabot na sa 24 ang nasawi at higit 100 ang nasugatan sa mga aksidente ng Dimple Star.
Ipinapasuri rin ng Pangulo ang katawan ng nasawing drayber sa paghihinalang gumagamit ito ng ilegal na droga para hindi antukin dahil sa haba ng biyahe.
“Sabi ko sa pulis buksan ang katawan tingnan niyo kung may mga kemikal,” ani Duterte.
Bago umalis, tiniyak ng pangulo ang mga tulong para sa mga biktima.
Umaaray naman ang ilang pasaherong nakapag-book na ng biyahe sa Dimple Star para sa paparating na Semana Santa matapos ang pagpapatigil ng operasyon nito.
May 118 bus units ang Dimple Star na bumibiyahe sa Occidental Mindoro, Maynila, Iloilo, at Masbate.
Hindi na nag-o-operate ang opisina ng kompanya pero nananatili itong bukas para sa mga pasaherong magpapa-refund.
Isa sa nga pasaherong sumugod sa Dimple Star si Jun Anario para magpa-refund.
“Nu’ng isang linggo pa ako nagpa-book pero ganito pala mangyayari,” hinaing ni Anario.
Sinamahan ng ABS-CBN News si Anario sa pagpunta sa ibang istasyon ng bus sa Cubao para maghanap ng hindi pa punong biyahe pero nanlumo siya dahil lahat ay fully-booked na.
Aniya, susubok na lamang siyang muli hanggang sa makahanap ng bagong biyahe.
Siniguro naman ng Department of Transportation (DOTr) at I-ACT (Inter-Agency Council for Traffic) na hindi sila titigil sa pag-inspeksiyon ng bus companies sa kasagsagan ng Semana Santa.
[SOURCE]- NEWS.ABS-CBN.COM
No comments:
Post a Comment