Bong Revilla sa pagdalo niya sa kaniyang PDAF case: ‘Biktima rin ako’
Inihayag ni dating senador na si Ramon Bong Revilla Jr. na biktima rin siya ng multi-billion peso priority development assistance fund (PDAF) scam at nanawagan na parusahan ang mga tunay na nasa likod ng katiwalian.
“Biktima rin ako e. Dapat managot dito kung sino ‘yung dapat managot,” pahayag ni Revilla sa ikatlong araw ng kaniyang plunder trial sa Sandiganbayan First Division nitong Huwebes.
Sa naturang pagdinig, iprinisenta ng prosekusyon ang tatlong lokal na opisyal mula sa Quirino province na itinangging pumirma sila sa mga dokumento na nagpapatunay na natanggap nila ang mga produktong agrikultural at livelihood projects na pinondohan umano ng PDAF ni Revilla.
Paliwanag ni Revilla, ipinadaan sa implementing agency ang proyekto at hindi niya alam kung sino ang mga benepisaryo nito.
“Implementing agency ‘yon e. I have nothing to do with this, hindi ko kilala ‘yung mga taong ito, so yun. Ang ano lang natin, alam natin biktima sila,” ani Revilla.
“Kung ghost project ito, sino ‘yon? Sino yung nagpeke ng signature namin? Sino yung may kagagawan? ‘Yon ang dapat managot, not me. Three years na po akong nakakulong. ‘Yun ang masakit dito,” dagdag pa ng dating senador.
Nahaharap ngayon si Revilla sa plunder at graft charges sa diumano’y pagbulsa ng P224.5 milyon na kickback matapos ipadaan ang kaniyang PDAF allocations sa mga bogus na non-government organizations umano ng nakakulong na businesswoman at inaakusahang mastermind na si Janet Lim Napoles.
Sinabi naman ni Jeanien Cervantes, private secretary ni dating Atimonan Mayor Jose Mendoza noong 2007, na nabigla siya nang makita ang pangalan niya na may pirma sa acknowledgement receipt at certificate of acceptance matapos ipakita sa kaniya ng Ombudsman ang mga dokumento.
“I told them (Ombudsman investigators) I did not sign any documents,” anang opisyal. “I was surprised to see my name on those documents because I haven’t seen these documents before and I haven’t signed any documents.”
Sinabi pa ni Cervantes na iprinesenta na niya ang kaniyang income tax return at iba pang government-issued IDs para patunayang pineke ang mga pirma niya sa mga dokumento.
Sa kaniyang cross-examination, tinanong ni lead defense counsel Estelito Mendoza si Cervantes kung alam niya ang tungkol sa PDAF at kung alam niya rin na nanggaling ang pondo sa allotment ni Revilla.
Sinabi ni Cervantes na wala siyang alam ukol dito.
Iprinisinta rin ng prosekusyon ang mga residente ng Plaridel na sina Efren Notorio, konsehal sa Barangay Duhat, at Sofronio Jimenez, farmer leader sa Barangay Ilusong. Pareho nilang sinabi na pineke rin ang kanilang pirma sa listahan ng mga benepisaryo ng ghost project.
Samantala, itinanggi rin ni Quirino Vice Governor May Calaunan na nakatanggap ng mga agricultural products at livelihood projects ang bayan ng Diffun mula sa PDAF ni Revilla noong termino niya bilang municipal mayor.
Sinabi ni Calaunan na bineripika niya ang impormasyon base sa delivery, acceptance, and acknowledgment receipts mula sa accounting office ng Diffun municipal hall.
Nauna nang nanawagan si Mendoza sa Sandiganbayan na huwag kilalanin ang testimonya ng mga testigo dahil hindi nila napatunayan na nanggaling sa PDAF ni Revilla ang mga proyekto.
Sinabi pa niyang tinutulungan lamang ng kanilang mga testigo na patunayang inosente si Revilla.
“It seems the prosecution is trying very hard to prove that Revilla is not in any way guilty,” ani Mendoza. “The prosecution is trying very, very hard to prove that we were correct.”
No comments:
Post a Comment