Kubol bumalik din sa NBP, naka-tiles pa at may aircon – Aguirre
Agad umanong ipinag-utos ni Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre II na gibain at imbestigahan kung paano naitayo ang mga bagong kubol sa New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Aguirre na maliban sa panunumbalik ng droga sa pambansang piitan, sa isinagawa umanong “Oplan Galugad” kanina kasama sina PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa at Special Action Force (SAF) Dir. Benjamin Lusad ay nadiskubre ang katatayong mga kubol.
Aniya itinayo ang mga kubol sa loob ng Medium Security Compound na halos katatapos lamang gawin at mayroon pang aircon at naka-tiles din.
Hindi naman idinitalye ni Aguirre kung ilan ang naitayong kubol at kung kanino nakalaan ang nasabing mga kubol na sinasabing dapat ay bawal talaga sa Bilibid.
Pero nilinaw naman ni Aguirre na hindi raw niya personal na nakita ang mga kubol pero ang kumpirmasyon ay galing umano mismo kay SAF Director Lusad.
Naniniwala si ang kalihim na posible umanong lumakas ang loob ng mga inmate na magpatayo ng kubol sa loob ng NBP dahil sa pagpayag ng nakalipas na administrator ng Bilibid.
No comments:
Post a Comment