Tunay Na Dahilan Ng Pag-Alis Ni Willie Revillame Sa GMA Network
Tunay Na Dahilan Ng Pag-Alis Ni Willie Revillame Sa GMA Network
Marami sa mga artistang kilala natin ang palipat-lipat ng TV Network. Kabilang nga sa kanila ang TV host na si Willie Revillame.
May ilang dahilan kung bakit gustong lumipat ng ibang tahanan ang isang artista. Gusto ng iba ang bagong 'environment'. Habang may iba naman na mas mabibigyan ng 'spotlight' sa ibang network. Pero madalas, gusto nilang lumipat dahil natapos na ang kontrata nila at may mas magandang opportunity na ino-offer ang ibang network.
Kasaysayan ng Karera ni Willie Revillame:
Si Wilfredo Buendia Revillame o mas kilala sa tawag na Willie Revillame ay ipinanganak sa Nueva Ecija noong January 27, 1961. Siya ay nakilala ng marami sa tawag na na ‘Kuya Wil’. Sumikat rin siya dahil sa iconic na linya niya sa kanyang show na ‘Bigyan ng Jacket Yan’.
Malapit siya sa puso ng mga mahihirap dahil sa likas niyang pagtulong sa mga totoong nangangailangan. Mahal na mahal rin siya ng mga matatanda dahil sa kanyang likas na pagkalinga.
Lingid sa kaalaman ng marami, hindi naging madali ang karanasan ni Willie bago niya marating ang kinalalagyan niya ngayon.
Nag-umpisa si Willie sa showbiz bilang isang drummer nang magkrus ang landas nila ng aktor na si Randy Santiago noong minsang nagtanghal siya. Doon nadiskubre ni Randy na may angking husay sa pagpe-perform si Willie.
Inalok nga ni Randy si Willie na maging sidekick niya sa noontime show noon na “Lunch Date”. At doon na nga nagsimulang magbago ang takbo ng buhay ni Willie. Dahil sa maganda niyang performance kaya pinapirma siya ng kontrata ng Regal Films kung saan naging parte siya ng pelikulang “Bobocop” kasama ang comedian-actor na si Joey Marquez.
Sa mga sumunod na taon, ay naging sidekick sa mga show at pelikula si Willie. Katunayan, naging sidekick siya ng mga sikat na mga artista gaya nina Philip Salvador, Rudy Fernandez, Edu Manzano, Cesar Montano, Aga Muhlach, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Nagsimula naman ang karera ni Willie bilang isang host nang maging co-host siya sa “Sang Linggo nAPO Sila” ng ABS-CBN noong 1998. Naging co-host din siya at sinamahan ang dating kasamahan sa “Lunch Date” na si Randy Santiago at John Estrada sa “Magandang Tanghali Bayan”.
Big Break sa Showbiz:
Ngunit sa kanyang pagsikat ay kaliwa’t kanang isyu naman ang ibinato kay Willie. Isa na rito ang palipat-lipat niya ng istasyon.
‘Blessing in disguise’ kung maituturing para kay Willie ang paglipat niya sa Kapamilya network. Taong 2005 nang makamit niya ang kanyang ‘big break’ sa showbiz nang maging host siya sa Kapamilya programa na “Wowowee”.
Doon na talagang sumikat nang husto si Willie at ang programa niya. Nagkaroon siya ng malawak ng fanbase, dito at sa ibang bansa. At kahit umalis na siya sa ABS-CBN, nanatili namang trending ang programa ni Willie kung saan ipinalabas din ito sa TV5 bilang “Willing Willie” at “Wil Time Bigtime” at kamakailan lang sa GMA bilang “Wowowin”. Nag-iba man ang pangalan ng show ni Willie ay lagi pa rin itong sinusundan ng mga Pinoy.
Dahil dito kaya naman yumaman ng tuluyan si Willie at napabilang sa isa sa mga pinakamayaman na personalidad sa bansa. Ngunit kahit na ganun pa man, mas pinili niyang magpatuloy at mag-host pa rin upang makatulong pa lalo sa mga nangangailangan.
Dahilan pag-alis sa GMA Network:
Kaya naman marami ang nalungkot nang matapos ang kanyang variety show sa GMA na "Wowowin", kasunod lamang ng pagtatapos ng kanyang kontrata sa network.
Ipinaliwanag naman ni Cristy Fermin sa kayang online show na ‘Cristy Ferminute’ kamakailan ang totoong dahilan kung bakit umalis sa GMA si Willie.
Ayon sa kanya, pipirma naman na raw talaga sana si Willie ng renewal of contract sa Kapuso network. Kaso ay biglang nagbago raw ang kanyang desisyon dahil sa naisip niyang wala raw siyang pahinga sa loob ng mahigit anim na taon.
“‘Sa loob po ng anim na taon at walong buwan, hindi po ako nagkaroon ng kahit konting pahinga.’” Ani Willie.
“Siya lang po ang TV host na hindi nagpahinga, araw-araw po siyang nagpapaligaya sa ating mga kababayan at nagbibigay ng ayuda dahil tunay namang kailangan ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho,” sabi pa ni ‘Nay Cristy.
Bagong Tahanan:
Matatandaan din na inamin ni Willie sa final episode ng “Wowowin” noong Pebrero na kaya hindi siya pumirma ng panibagong kontrata sa GMA ay dahil binigyan siya ng mas magandang oportunidad na magtrabaho sa ilalim ng bagong TV network ng kanyang kaibigang si dating senator Manny Villar.
Kasunod nga ng pag-alis niya sa GMA, ipinakilala si Willie bilang bagong mukha ng “ALLTV”, ang istasyon na pag-aari ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ng bilyonaryong si Manny Villar.
Sa susunod na taon, nangako naman si Willie na babalik muli ang kanyang programa sa mga telebisyon upang magbigay ng saya, tuwa at maraming sorpresa sa masa.
No comments:
Post a Comment