Duterte, nag-alok ng tulong sa misis ni Comelec Bautista para makahanap ng abogado


Pinagbintangan ng kanyang asawa si Commission on Elections Chairman Andres Bautista na may hanggang P1 bilyon ng tago o hindi maipaliwanag na yaman — isang akusasyong maaaring makapagtanggal sa posisyon sa hepe ng ahensiyang nangangasiwa ng halalan sa Pilipinas. 
Pahayag ng asawa ni Bautista na si Patricia Bautista, nadiskubre niya ang mga dokumento ng mga pag-aari at ilang mga passbook na nakapangalan sa kanyang asawa na hindi kasama sa ipinasa nitong 2016 statement of assets, liabilities and net worth (SALN). 

Nag-alok naman si Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong kay Patricia para makahanap ng abogado sakaling itutuloy nito ang pagsasampa ng kaso sa kanyang dating asawa na si Comelec Chair Bautista.

Ayon kay Duterte, hindi niya pakikialaman o pipigilan ang anumang kasong kriminal na maaring maisampa laban kay Bautista, matapos ibunyag ng kaniyang dating asawa na si Patricia Bautista na mayroon siyang P1 bilyong halaga ng ill-gotten wealth.

Ani Duterte, magkakaroon talaga ng case field kaya ayaw na lang niyang ma-preempt ang anumang magiging hakbang ng Office of the Ombudsman o ng Kongreso.

Wala aniya siyang hurisdiksyon sa kaso kaya mananahimik na lang siya.

Maari aniyang imbestigahan ng Ombudsman ang kaso, at hindi na rin siya mag-aabala pa tungkol dito dahil hindi naman siya mambabatas para magsampa ng impeachment case.

May plano ngayong maghain ng impeachment complaint laban kay Bautista sa Kamara kasabay ng imbestigasyon sa NBI.

May resolusyon na rin sa Senado para imbestigahan ang akusasyon laban kay Bautista. 

Ayon kay Sen. Grace Poe, hindi ito basta away-mag-asawa na lang. Kailangan daw ng lifestyle check, hindi lang kay Bautista kundi sa lahat ng mga matataas na opisyal ng Comelec.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na kailangang lubos na maimbestigahan ang bintang laban kay Bautista. 

Source:  Radyo Inquirer

No comments:

Post a Comment

Sponsor