Mga Celebrities na Sobrang Bait sa Kanilang mga Kasambahay
Mga Celebrities na Sobrang Bait sa Kanilang mga Kasambahay
Marami sa mga netizens ang talaga namang curious sa mga buhay ng mga artista at kilalang mga celebrities.
Dahil kahit sila pa ang leading man o kontrabida sa pelikula, maaaring iba ang kanilang personalidad sa totoong buhay. May mga artistang kilala sa pagkakaroon ng mga magagarbong mga bagay. May mga artista naman na kahit ilang milyon na ang kinita sa showbiz ay simple at payak pa rin ang pamumuhay.
Pero alam mo ba na may mga celebrities na naging viral dahil sa ibang klaseng kabaitan sa kanilang mga kasambahay? Kilalanin kung sinu-sino ang mga sikat na artista at personalidad na may pusong ginto sa kanilang mga kasambahay.
Isabelle Daza
Si Isabelle Daza ay isang sikat na aktres sa ilalim ng GMA Network at anak ng dating Miss Universe na si Gloria Diaz.
Noong kasagsagan ng lockdown, nag-viral ang kwento ni Isabelle Daza dahil sa kanyang labis na respeto at pagmamahal sa kanyang mga house staff. Sa kanyang Instagram story, ibinahagi ni Daza ang kanyang pangarap na gawing propesyonal ang trabaho ng pagiging kasambahay.
Ipinakita ng aktres ang kanilang employment contract na lubos na hinangaan ng marami. Sa kontratang iyon, nakalagay ang mga benepisyo na tinatanggap ng kanyang mga kasambahay. Bukod sa mataas na sahod, mayroon din SSS, PAG-IBIG, at PhilHealth benefits ang mga kasambahay.
Klaro rin na nakalagay sa kontrata kung ano lamang ang nakapaloob sa trabaho ng mga kasambahay. Ayon sa aktres, bawal utusan ang kanilang kasambahay ng mga gawain na hindi nakapaloob sa kanilang kontrata. Mayroon din silang mga leave credits na pwede nilang gamitin kung gusto nilang lumiban sa trabaho kung kinakailangan.
Binibigyan din ni Isabelle Daza ng pagkakataon ang kanyang mga kasambahay na maglabas ng hinaing sa kanya para mas mapaganda ang kanilang kinalalagyan sa kanilang trabaho. May questionnaire na ibinibigay ang aktres bawat tatlong buwan kung saan tinatanong niya ang kaniyang mga kasambahay kung ano ang kanilang mga gusto at kinaiinisan sa kanilang trabaho.
Simula nang mag-viral ang post ng aktres, maraming mga netizens ang na-inspire na gayahin ito. Isang bagay na ikinatuwa naman ni Daza.
Ang Pamilyang Kramer
Kilala bilang Team Kramer, sila ang celebrity family na binubuo ng mag-asawang Dough at Cheska Kramer kasama ang kanilang mga anak na sina Kendra, Scarlet, at Gavin. Sikat ang pamilya sa kanilang mga iba’t ibang endorsements at sa kanilang YouTube channel na may halos isang milyong subscribers.
Marami ang nakadiskubre sa Team Kramer sa kanilang bonggang house tour sa YouTube. Kaya naman mas ikinatuwa nang marami nang malaman na surpresang ipinagawa ng pamilya ang bahay ng kanilang katulong sa probinsya.
Sa isang YouTube video, ipinakilala ng pamilya si Yaya Joy na naging tagapag-alaga ng mga bata sa halos apat na taon. Isa sa mga pinag-iipunan ni Yaya Joy ang pagpapagawa ng kanilang bahay sa probinsya na yari lamang kugon na laging tumutulo kapag umuulan at pinapasukan ng baha.
Twenty years na ang bahay kubo ni Yaya Joy sa probinsya kung saan doon naninirahan ang kanyang lola. Nang malaman ito ng Team Kramer, napagpasyang ipaayos ang bahay ni Yaya Joy nang hindi sinasabi sa kanya bilang pamasko sa kasambahay.
Kaya naman ang dating sira-sirang bahay kubo ay ngayon ay isa nang magandang bahay na gawa sa semento at yero. Nang ipinakita ito kay Yaya Joy, lubos ang kanyang pasasalamat dahil hindi na siya mangangamba para sa kaligtasan ng kanyang lola.
Small Laude
Si Small Laude ang bagong kinagigiliwang YouTube tita dahil sa kanyang interesanteng buhay bilang isang socialite at parte ng pamilya na isa sa mga pinakamayaman sa bansa.
Pero bukod sa kanyang mga pink Hermes bags at mamahaling mga damit, si Small Laude ay kilala bilang isa sa mga mapagbigay na amo sa kanyang mga kasambahay, Sa laki ng mansyon ng mga Laude, hindi na kataka-taka na marami rin ang parte ng kanilang house staff. At bukod sa mabuting pagtrato sa kanilang mga kasambahay, pinapa-experience rin ng pamilyang Laude ang lahat ng karangyaan na mayroon sila.
Bukod sa naka-first class na flights patungo sa Europe o kaya sa Los Angeles ang sinumang kasambahay na kasama ng pamilyang Laude, mahilig din sila na i-treat ang kanilang mga kasambahay bilang pasasalamat sa kanilang mabuting pagtratrabaho.
Tulad na lang ng grocery all you can challenge na ginawa ni Small Laude para sa kanyang mga kasambahay kung saan hinayaan niya ang kanyang mga kasambahay na bumili ng kahit ano sa grocery para sa kani-kanilang pamilya. Pinag-shopping din ng pamilyang Laude ang isa sa kanilang kasambahay nang sila ay nasa LA. Bukod dito, may mga katulong din na pinapaaral ni Small Laude para matupad ang kanilang pangarap na makatapos ng kolehiyo.
Kaya naman totoong mas marami ang iyong matatanggap na biyaya kung ikaw ay mapagbigay sa iyong kapwa.
Vice Ganda
Kilala bilang isang komediyante at host ng Its Showtime, si Vice Ganda ay isa sa mga celebrities na may ginintuang puso hindi lamang sa kanyang mga katulong kung hindi sa ibang mga tao, kilala man niya o hindi.
Madalas na ipakita ni Vice ang mga nakaka-inspire na pagtulong sa iba. Mula sa mga random na pagpapasaya sa mga drive thru attendants, pagshopping para sa mga taong hindi niya kilala, pagbigay ng cash bonus sa mga staff sa trabaho, at siyempre, ang kanyang walang katapusang pasasalamat para sa kanyang mga staff.
Sa kanyang YouTube video na pinamagatang “Pa-Ayuda ni Meme!”, ipinaliwanag ni Vice Ganda kung gaano siya nagpapasalamat sa kanyang mga kasambahay dahil pinili nilang huwag muna umuwi sa kanilang mga pamilya sa kalagitnaan ng pandemic para makaiwas sa COVID-19.
Bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo, pinag-shopping ni Vice Ganda ang kanyang mga driver ng bagong mga barong at sapatos. Sinagot na rin ng aktres ang mga gadget ng mga anak ng kanyang mga kasambahay na kanilang gagamitin sa online classes para makabawas ito sa kanilang iniintinding gastos.
Mahilig din si Vice Ganda na isama ang kanyang mga kasambahay sa kanyang mga bakasyon sa loob at labas ng bansa. Isa na lamang dito ay ang kanilang bakasyon sa Amanpulo kung saan umaabot sa higit PHP 60,000 ang bawat gabi.
Para kay Vice Ganda, pamilya ang kanyang turing sa mga kasama niya sa bahay dahil ibang klase ang sakripisyo at dedikasyon ng kanyang mga house staff para maging komportable at ligtas ang kanyang pamumuhay. At ang pagbibigay pabalik ay isa lamang paraan para kay Vice na magpasalamat dahil para sa aktres, parte rin sila ng rason kung bakit siya ay nagtatagumpay sa kanyang career bilang celebrity.
No comments:
Post a Comment