Andrew Schimmer, Handa Nang Pakasalan Si Jorhomy Rovero

Andrew Schimmer, Handa Nang Pakasalan Si Jorhomy Rovero

Andrew Schimmer, Handa Nang Pakasalan Si Jorhomy Rovero

Kailan nga ba natin masasabi na tamang panahon na para magpakasal ang dalawang tao? Masusukat ba ito sa haba ng kanilang relasyon, o sa dami na ng pinagdaanan nilang pagsubok?

Anuman ang batayan ng nakararami para masabing tamang panahon na para magpakasal, ang tanging masasabi lang ng aktor na si John Andrew Schimmer ay hindi na sila maghihintay pa ng kanyang misis na si Jorhomy Rovero sa 'tamang panahon' dahil para sa kanya ay mangyayari na ito sa lalong madaling panahon. 

Kalagayan Ngayon ni Jorhomy sa Ospital:

Matatandaang Nobyembre noong nakaraang taon, unang naiulat ang tungkol sa kritikal na kondisyon ni Jorhomy o ‘Jho’. Ito’y matapos humingi ng panalangin at tulong pinansyal si Andrew sa publiko para sa paggaling ni Jorhomy at para sa lumulobo nilang bayarin sa ospital. 

Ikinuwento noon ni Andrew na isinugod nila si Jorhomy sa St. Luke’s Medical Center, Bonifacio Global City sa Taguig matapos nitong makaranas ng matinding asthma attack na nauwi sa cardiac arrest at brain hypoxia, isang kondisyon kung saan kulang ang supply ng hangin sa utak ng isang tao. 

Noong nakaraang Oktubre 10 ay isang napakagandang balita naman ang ibinahagi ni Andrew at ito’y walang iba kundi ang paglabas ni Jorhomy sa ospital matapos ang halos isang taon nitong pagkaka-confine.

Ngunit tumagal lamang ng isang linggo sa kanilang tahanan si Jorhomy at na-confine muli siya sa ICU ng St. Luke’s matapos siyang makaranas ng mataas na lagnat, hindi regular na heart rate, pagsusuka, at pamamanas. Gayunpaman, hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Andrew na gagaling ang kanyang asawa mula sa karamdaman nito.

Sa mga nakalipas nga na linggo ay patuloy ang pagbibigay update ni Andrew sa kalagayan ng kanyang misis. Inamin naman ni Andrew na kaya siya hindi nawawalan ng pag-asa ay dahil nararamdaman niyang lumalaban si Jorhomy para sa kanila. 

Katunayan, unti-unti na raw bumubuti ang lagay nito ngayon. Ayon pa kay Andrew, nasa magandang lagay na ang digestive system ng kanyang asawa at very stable na rin daw ang blood pressure at oxygen saturation nito ngayon. Bukod pa rito ay nawala na rin daw ang pamamanas ni Jorhomy.

Plano ni Andrew na Pakasalan si Johromy sa kabila ng kalagayan nito ngayon:

Samantala, bukod sa mga update niya sa lagay ni Jorhomy, isa namang nakakaantig na balita ang ibinahagi kamakailan ni Andrew sa marami nilang followers! Ito’y walang iba kundi ang plano niyang pakasalan si Jorhomy kahit nakaratay pa rin ito sa ospital. 

Sa hinaba-haba nga ng kanilang paghihintay ay talagang tuloy na tuloy ang pag-iisang dibdib nina Andrew at Jho sa simbahan. Kinumpirma ni Andrew sa isang Facebook post na pinaplano na niya ang church wedding nila ni Jho sa lalong madaling panahon.

Kalakip ng post ni Andrew ay isang larawan ng dalawang singsing na hindi maikakaila na nakalaan para sa inaabangan nilang kasal ni Jorhomy.

Giit pa ni Andrew, hindi na sila maghihintay pa na dumating ang tamang panahon dahil sa awa ng Diyos ay mangyayari umano ito sa lalong madaling panahon.

Aniya, “We will not wait anymore for the right moment to come…by GOD’s grace it will HAPPEN.very very”

Mga Netizen Naantig:  

Bumaha naman ang mensahe ng pagbati mula sa maraming netizens na talagang sinubaybayan ang kwento ni Jorhomy at ang wagas na pagmamahal ni Andrew para sa kanya. 

Inulan agad ng pagbati ang post ni Andrew at bumuhos ang mga positibong komento mula sa mga sumusuporta sa kanila.

Hiling ng netizens na tuluyan nang gumaling si Jorhomy para tuluyan na silang maging masaya at matupad ang pangarap nilang tumanda kasama ang kanilang mga anak.

Marami rin ang nagsabing tiyak na mas masaya ang kanilang pag-iisang dibdib kapag makakapagsabi si Jorhomy ng “I do”.

Talagang mapagbiro ang tadhana. Hindi man natin lubos na alam kung ano magiging kapalaran natin bukas ay isa lamang ang tiyak. Kapag mahal mo ang isang taong, kailanman ay hindi mo ito susukuan. Dumating man ang bagyo at unos sa inyong relasyon, hindi ninyo binibitawan ang kamay ng isa’t isa. 

Dahil kumakapit kayo sa inyong pagmamahal at tiwala sa isa’t isa at higit sa lahat pananampalataya sa Diyos na balang araw ay malalampasan ninyo ang lahat ng pagsubok nang magkasama. 

Sa huli, pinatunayan na lamang nina Andrew at Jorhomy na kayang hamakin ng tunay na pag-ibig ang anumang sakit at pagsubok na darating sa kanila. At anumang oras ay maaaring maging tamang panahon, lalo na kapag ito ay talagang itinakda ng Diyos.

Ikaw, ano ang kaya mong gawin sa ngalan ng pag-ibig?


No comments:

Post a Comment

Sponsor