Anong Nangyari Kay Sphencer Reyes Ng Streetboys?
Anong Nangyari Kay Sphencer Reyes Ng Streetboys?
Naaalala n’yo pa ba si Sphencer Reyes? Ito na ang kanyang buhay ngayon.
Maraming sikat na personalidad noong dekada 90 ang mas piniling lisanin ang makinang na mundo ng showbiz para sa mas simple, mapayapa, at matatag o ‘stable’ na buhay para sa kanilang mga pamilya. Isa na rito si Sphencer Reyes.
Kilalanin Si Sphencer Reyes:
Unang sumikat si Sphencer bilang isang mahusay na mananayaw noong dekada 90. Isa siya sa mga miyembro ng sikat dance group na "Streetboys". Talagang hinahangaan at tinitilian ng marami ang grupo nila lalo na ng mga babae.
.Bukod kasi sa kanilang kahanga-hanga at swabeng dance moves, nabihag din nila ang puso ng mga manonood dahil sa kanilang karisma at kagwapuhan. Kaya naman sila ang nangibabaw sa entablado noong panahon nila.
Bukod naman sa pagiging isang magaling na dancer, gumawa rin ng pangalan si Sphencer sa larangan ng pag-arte. Ilan sa mga pelikulang kinabibilangan niya noon ay ang "Esperanza: The Movie", "Computer Combat", at "Istokwa". At sino ba naman ang makakalimot sa love team nila noon ng singer-actress na si Aiza Seguerra? Matatandaang kinakikiligan ang love team nila ni Aiza na ngayon ay mas kilala bilang "Ice Seguerra".
Ngunit maagang nagwakas ang karera ni Sphencer sa showbiz matapos niyang isakripisyo ito sa pag-aaral ng nursing sa pag-asang mabigyan niya nang mas maliwanag at magandang kinabukasan ang kanyang pamilya sa ibang bansa.
Buhay ni Sphencer matapos lisanin ang showbiz:
Noong 2004, nagtapos si Sphencer sa kursong Nursing. Isang pagkakataon naman ang nagbukas para sa kanya taong 2008 at ito ay ang makapagtrabaho sa United Kingdom. Nagtrabaho siya doon bilang isang nurse sa isang nursing home. Kung ilalarawan nga ni Spencer ang kanyang buhay sa England, ito ay 'back to zero'.
Aniya sa isang panayam sa GMA News, “Sinacrifice ko ‘yung showbiz, ‘yung career ko diyan. Masakit, ang dami kong iniwan especially mga mahal ko sa buhay. Back to zero ako.”
Samantala, pagkatapos lamang ng isang taon ng pagtatrabaho, kinuha ni Spencer ang kanyang pamilya sa bansa at dinala sila sa England, UK.
Sa loob ng 10 taon ay nanirahan sila sa England bago lumipat sa Scotland.
Isang bus driver sa Scotland:
Mula naman sa pagiging nurse sa England, nagtatrabaho na ngayon si Sphencer bilang bus driver sa Scotland.
Sa kasagsagan ng pandemya, isa si Sphencer sa mga frontliner na hindi alintana ang banta ng COVID-19 para lang maihatid sa ospital ang mga doktor at nurse.
Proud na proud si Sphencer sa kanyang trabaho dahil marami siyang nailigtas na buhay dahil dito.
Ani Sphencer, “Dito meron silang clapping respect for the frontliners, lahat ng tao lalabas papalakpakan ka. Ang sarap ng feeling kasi ako nagda-drive tapos lahat ng tapos nakatingin tapos papalakpak sa ‘yo.”
Ang buhay ay talagang puno ng mga sorpresa at hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng panahon. Katulad ng nangyari kay Sphencer. Mula sa pagiging dancer at aktor ay natagpuan na niya ang kanyang tunay na 'purpose' sa buhay at ito ay ang makatulong sa kapwa.
Gayunpaman, kahit wala na siya sa showbiz, hindi makakalimutan ng marami ang markang iniwan niya bilang artista.
No comments:
Post a Comment