Michael V, May Patama sa Bashers ng Voltes V
Michael V, May Patama sa Bashers ng Voltes V
Maaanghang ang patutsada ng batikang komedyante at aktor na si Michael V sa mga bumabatikos sa upcoming Kapuso series na “Voltes V: Legacy”.
Isa si Michael V sa mga tagahanga ng serye na local adaptation ng hit Japanese anime na "Chodenji Machine Voltes V" na sumikat sa Pilipinas noong dekada 90.
Ngayong taon ay muli ngang mapapanood ng mga die hard fan at bagong henerasyon ang serye.
‘Childhood coming to reality’:
Noong Bagong Taon, ipinalabas naman ng GMA ang ‘mega’ trailer ng Voltes V: Legacy.
Sa kanyang Facebook post, ipinahayag nga ni Michael V ang kanyang reaksyon matapos mapanood ang trailer ng serye.
Ayon sa kanya, kinilabutan siya dahil sa ganda ng trailer nito.
Inilarawan din niya ang serye bilang “childhood coming to reality”.
Masaya naman si Michael V dahil marami ang sumang-ayon sa kanyang opinyon.
Aniya, “Just finished watching the #VoltesVLegacy Mega Trailer… kinilabutan ako sa ganda! This is my childhood coming to reality!”
“I know, nag-express na ‘ko ng excitement ko sa previous post ko pero this trailer got me more excited than ever! Nabasa ko rin ‘yung mga comments n’yo and I’m glad na maraming nag-a-agree especially ‘yung TOTOONG FANS ng V5,” dagdag niya.
Patama sa bashers ng Voltes V: Legacy:
Ngunit marami pa rin ang bumatikos sa serye na siya namang hindi pinalampas ni Michael V.
Sa kanyang post, sunod-sunod nga ang maaanghang na patutsada na pinakawalan ni Michael V laban sa mga basher ng serye na tinawag pa niyang “nagpapa-cool”, “naggagaling-galingan”, at “ignorante”.
May patutsada rin siya sa mga kumikuwestiyon sa kapasidad ng GMA na mag-produce sa serye.
Aniya, “Pero s’yempre hindi mawawala ‘yung mga nagpapa-cool at naggagaling-galingang mga ignoranteng bashers. Kung hindi talaga kayo fan, wala nang magpapasaya sa inyo kahit sino at kahit kailan. Marami pa rin ang mga nagpapanggap at hindi matanggap na kaya nang gawin ‘to ng network with the right tools, right people and a ton of passion.”
Giit pa niya, “Basta ako, sa trailer pa lang na ‘to SOLD na ako! Kudos kay Direk Mark Reyes, sa cast, sa animators and everyone involved sa production ng Voltes V: Legacy! You made me travel back to my childhood and relive a feeling that has long been waiting to be rekindled. I’m looking forward to that feeling in every episode.”
Sa huli, iginiit ni Michael V na walang makakaagaw sa sayang nararamdaman niya bilang isang tunay na fan sa muling pagbabalik ng serye.
Aniya, “To all the fans and the bashers, this show is for you! Wala kahit isa sa inyo ang p’wedeng magnakaw ng saya na naramdaman ko nu’ng napanood ko ‘to. Happy 2023!”
Samantala, wala pang eksaktong petsa na inilabas ang GMA kung kailan eere ang Voltes V: Legacy.
No comments:
Post a Comment