Top 10 Countries With The Highest Female Population

Top 10 Countries With The Highest Female Population

Top 10 Countries With The Highest Female Population

Sampung bansa kung saan mayroong mas maraming bilang ng mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan—iyan ang paksang pag-uusapan natin ngayon!

Ano nga ba ang mga dahilan at maaaring maging epekto ng pagkakaroon ng mas malaking porsiyento ng mga babae sa populasyon ng isang bansa? Halina’t alamin natin ang kasagutan!

1. Nepal

Unang-una na sa ating listahan ay ang bansang Nepal, kung saan humigit-kumulang 54.19 percent sa kanilang populasyon ay kababaihan. Nangangahulugan ito na ang Nepal ay may isa sa pinakamataas na ratio ng kababaihan kaysa sa kanilang kalalakihan. Isa sa mga dahilan nito ay ang mas mahabang buhay ng mga babae kaysa sa mga lalaki. 

Sa Nepal, ang average year ng buhay ng isang babae ay umaabot ng 73 years, habang ang isang lalaki naman ay may inaasahan lamang na 70 years. Ito ay dahil na rin sa biological differences at mga kultural na kaugalian nila tungkol sa kalusugan at nutrisyon.

Ang isa pang dahilan para sa mataas na bilang ng mga kababaihan sa Nepal ay out-migration. Dahil sa mga oportunidad sa ekonomiya at kawalang-tatag sa pulitika, marami sa lalaking Nepali ang umaalis sa kanilang sariling bansa upang maghanap ng mas magandang buhay sa ibang lugar.

Nagreresulta ito sa isang uri ng tinatawag na “brain drain” o ang pag-alis ng maraming bilang ng highly skilled, highly trained at matatalinong mga kalalakihan sa kanilang sariling bansa. Maaaring magkaroon ng negatibong epekto ang brain drain sa isang bansa, ’tulad ng pagbawas sa kapital ng tao, limitadong kapasidad na mag-innovate, kabawasan sa paglago ng ekonomiya, pagbabago ng demograpiko, at mas mataas na halaga ng mga pampublikong kalakal, lalo pa at halos 43 percent lamang ng mga kababaihan sa nepal ang marunong bumasa at sumulat, habang 66 percent naman ang sa kalalakihan. 

Bagama’t pinahahalagahan ng Nepal ang pagkakapantay-pantay ng kasarian pagdating sa primary school enrollment, mas madalas pa ring huminto sa pag-aaral ang mga babae, lalo na sa mga matataas na baitang. Ito ay dahil na rin iba’t ibang factors ’tulad ng kinabibilangan nilang pamumuhay na nasa mga malalayong lugar, low income sa kanilang pamilya, maagang pag-aasawa, gender-based violence at iba pa.

2. Latvia

Sinasabing ang 53.12 percent ng populasyon sa bansang Latvia ay binubuo ng mga kababaihan. Ito ay dahil sa mataas na early male mortality rate na sanhi ng maraming rason, kabilang na ang mas mataas na pagkakaroon ng mga aksidente at pagpapakamatay na kinasasangkutan ng mga lalaki, at mas mataas na prevalence ng mga peligrosong gawain ’tulad ng paninigarilyo at pag-inom.

Nangangahulugan ito na ang mga babaeng Latvian ay madalas na nasa posisyon ng pagiging breadwinner para sa kanilang mga pamilya. Ang mataas na early male mortality rate ay nangangahulugan na mayroong walong porsiyentong mas maraming kababaihan kaysa sa mga lalaki sa nasabing bansa.

Hindi maikakaila ang pagkakaroon ng gender imbalance, lalo na sa mga eskuwelahan ’tulad University of Latvia, Riga. Ayon sa sociologist at lecturer na si Baiba Bela, mayroong 50% na mas maraming kababaihan ang naka-enrol doon kaysa sa mga lalaki. 

Dahil dito, ang mga kababaihan ay kadalasang nahihirapang makahanap ng kapareha na may pantay na antas ng edukasyon. Bukod pa roon, ang mga lalaki ay mas maagang pumapanaw at apat na beses na mas mataas ang porsiyento ng pagpapatiwakal. Iyon ay ilan sa mga dahilan kung bakit mas marami talaga ang mga kababaihan sa nasabing bansa.

3. Lithuania

Ang Lithuania ay isang bansa sa northeastern Europe. Ang pinakatimog at pinakamalaki sa tatlong estado ng Baltic. 

Ang Lithuania ay isang makapangyarihang imperyo na nangingibabaw sa kalakhang bahagi ng silangang Europa noong 14th to 16th century, bago ito naging bahagi ng kompederasyon ng Polish-Lithuanian. 

Ang Lithuania ay isa pang bansa kung saan mas marami ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Ayon sa isang statistics, ang populasyon ng kababaihan sa nasabing bansa ay umaabot 53.71 percent. Nangangahulugan ito na ang mga lalaki ay bumubuo lamang ng 46.29 percent ng kanilang populasyon. Ang dahilan nito ay ’tulad din ng mga rason ng mga unang nabanggit na bansa.

Sinasabing ang mga babae ay may posibilidad na mabuhay nang mas mahaba kaysa sa mga lalaki. Sa Lithuania, ang average life expectancy para sa mga kababaihan ay umaabot ng walumpu’t isang taon, habang para sa mga lalaki ay naman ay umaabot lamang ng pitumpung taon.

4. Ukraine

Ang Ukraine ay isang bansang matatagpuan sa eastern Europe na kilala sa magagandang tanawin at arkitektura nito. Ito rin ay isang bansa kung saan ang mga babae ay mas marami kaysa sa mga lalaki. Ito ay dahil marami sa mga nasawi noong World War II ay mga kalalakihan. Kaya naman ngayon, ang mga kababaihan sa Ukraine ay umabot na sa 53.67 percent.

5. Russia

Malaki ang layo sa pagitan ng porsiyento ng mga kababaihan sa bilang ng mga kalalakihan sa Russia. Binubuo 53.65 percent ang mga babae habang 46.35 percent naman ang mga lalaki. Ito ay dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan, kabilang na ang uri ng pamumuhay at ang epekto ng World War II.

Ang Soviet Union ay isa sa mga pinakabrutal na rehimen ng kanilang kasaysayan. Milyun-milyon ang binawian ng buhay o ipinadala sa mga labor camps. Ito ay nagkaroon ng malalim na epekto sa demograpiko ng bansa. Ang mga lalaki ay mas malamang na pumanaw sa digmaan o ipinadala sa bilangguan, kaya ang ratio ng babae sa lalaki ay lumihis.

6. Belarus

Binubuo ng 53.44 percent ng mga babae ang populasyon ng Belarus, habang ang mga kalalakihan naman ay binubuo lamang ng 46.56 percent. Ito ay dahil na rin alkoholismo, labis na katabaan, at paninigarilyo, na talamak sa mga kalalakihan doon. 

Ang bansa ay may isa sa pinakamataas na rate ng pag-inom ng alak sa mundo, at ang mga lalaking Belarusian ay mas malakas uminom ng alsk kaysa sa mga lalaki sa ibang bansa. Higit pa rito, ang labis na katabaan ay kilala na nauugnay sa mga problema sa kalusugan ’tulad ng sakit sa puso at diabetes. 

Isa pa, maraming lalaking Belarusian ang naninigarilyo, na lalong nagpapataas ng kanilang panganib sa mga problema sa kalusugan.

7. El Salvador

Ang El Salvador ay isang bansa sa Central America na may populasyong umaabot ng 6.5 million. Ang populasyon ng babae ay higit sa populasyon ng lalaki nang halos 400,000. Ang ratio na ito ay dahil sa malaking bilang ng mga lalaki na lumipat sa ibang mga bansa upang maghanap ng trabaho. Karamihan sa mga natitirang lalaki ay matanda o napakabata, habang ang mga naiiwan naman ay halos puro kababaihan. Dahil doon ay umabot sa ganoon kataas ang porsiyento ng mga babae kaysa sa mga lalaki.

8. Armenia

Binubuo naman ng 52.97 percent ang populasyon ng mga kababaihan sa Armenia. Maraming dahilan kung bakit ganito kataas ang female population sa nasabing bansa, ngunit ang madalas na binabanggit ay ang emigration ng mga kalalakihan sa kanila at ang mga epekto ng Armenian Genocide. Ang Armenia ay may mahabang kasaysayan ng pandarayuhan, lalo na sa Soviet Period. Ito ay humantong sa kawalan ng timbang sa kasarian sa Armenia.

9. Portugal 

Na mayroon namang 52.69 percent ng female population. Ano ang dahilan ng imbalance na ito? Ito ay dahil maraming lalaking Portuges ang umalis sa kanilang bansa upang maghanap ng trabaho sa ibang lugar noong panahon ng krisis sa ekonomiya ng Portugal. At, sa kasamaang palad, marami sa kanila ang hindi na bumalik. O maaari ding dahil ito sa mas mababang life expectancy ng mga lalaki sa nasabing bansa. 

Ang mga kalalakihan kasi sa kanila ay mayroon lamang average life expectancy na umaabot lamang sa 78 years old, kumpara sa mga kababaihan na 84 years old na average life expectancy.

10. Estonia

Ang Estonia ay isang bansang may mahaba at complicated na kasaysayan. Sa kabuuan ng unang kalahati ng 20th century, ang Estonia ay naipit sa gitna ng dalawang malalaking kapangyarihan sa daigdig: ang Soviet Union at Nazi Germany. 

Dahil dito, maraming lalaking Estonian ang kinuha sa serbisyo militar at binawian ng buhay sa iba’t ibang digmaan. Ito ay nagresulta sa pagkakaroon ng imbalance sa populasyon ng bansa, na may mas maraming babae kaysa lalaki. 

Ang pagkakaroon ng imbalance na ito ay makikita pa rin hanggang ngayon, dahil ang Estonia ay isa sa may pinakamataas na ratio ng kababaihan kaysa sa kalalakihan sa mundo. Ayon sa mga eksperto, ang populasyon ay nahahati sa 52.62 percent ng mga kababaihan, at 47.38 percent naman ng mga lalaki.

Interesting, hindi ba?

Kung may nais kang sabihin tungkol sa artikulong ito ay huwag nang mahiyang ibahagi ’yan sa comment section! 


No comments:

Post a Comment

Sponsor