Mga Artista at Personalidad na Pumanaw Ngayong 2023

Mga Artista at Personalidad na Pumanaw Ngayong 2023

Mga Artista at Personalidad na Pumanaw Ngayong 2023

Hindi pa man nangangalahati ang taon ay may iilan ng mga bituin ang nagpaalam sa mundo ng showbiz. 

Kilalanin ang apat na mga artista at personalidad na sumakabilang-buhay sa unang apat na buwan ng taong 2023.

Angela Perez

Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ng dating sexy actress na si Angela Perez nang siya ay pumanaw dahil sa stroke noong March 29, sa edad na 55.

Matatandaang nakilala si Angela noong dekada 80. 

Ilan lamang sa mga proyektong ginawa niya ay "Laruan", "Alexandra", "Nang Maghalo ang Balat sa Tinalupan", "Hayop sa Sarap", at "Take-home Girls".

Patuloy rin siyang nakilala noong 1985 hanggang 1986 dahil sa mga pelikula niyang "Manoy Hindi Ka Na Makakaisa", "Isa Lang Ang Dapat Mabuhay", "Sgt. Villapando: AWOL", at "Paligayahin Mo Ako".

Sa Facebook ay nagluksa naman ang anak ni Angela na si Issa Lim at ibinahagi ang labis na pagmamahal at pag-iispoil ng ina sa kanya.

Ani Issa, "Pinakamasakit sa akin na mawalan ako ng nanay at nawala pa ang mahal ko sa buhay. Nanginginig ako sa kakaiyak ko at nalulungkot pa rin ako nang sobra hanggang ngayon. I love you so much, Ma."

Maging ang mga kasamahan niya noon na sina Cathy Mora at Melissa Mendez ay nagluksa rin sa pagpanaw ni Angela.

Andrei Sison

Isang aksidente noong March 24 ng madaling araw ang nagtuldok naman sa buhay ng nag-uumpisa pa lamang sa showbiz na si Andrei Sison.

Tumama ang sinasakyang BMW ni Andrei sa pader ng New Intramuros Village, Commonwealth Avenue, Quezon City. 

Bukod kay Andrei, nasawi rin ang dalawa pa niyang kasama sa kotse na sina Paolo Bueza at Arman Velasco. 

Ilang oras bago ang trahedya ay nakapag-taping pa si Andrei sa TickToClock noong March 23. 

Si Andrei ay 17 taong gulang at isang Sparkle GMA Artist na unang napanood sa Dead Kids, isang palabas sa Netflix. 

Ayon sa isang public post ng manager nito na si Manny Valera, nagsanay si Andrei ng ilang buwan para mahasa ang talento nito sa pagkanta, pagsayaw, at pag-acting. 

Kabilang sana ito sa pinakabagong grupo ng Sparkle Teens na ipinakilala ngayong buwan. 

Terry Saldaña

Nagpaalam na rin ang beteranong basketbolista na si Antero "Terry" Saldaña noong February 1 dahil sa sakit sa bato o kidney.

Matatandaan na humingi ng tulong-pinansyal si Terry dahil lumalala ang kanyang karamdaman. 

Noong 2021, naging viral ang kanyang larawan habang nakaupo sa wheelchair na may nangingitim at namamagang mga binti.

Toyota ang unang team na kinabibilangan ni Terry noong 1982. 

Naging manlalaro rin siya ng Ginebra mula 1983 hanggang 1987 at kasama si Robert Jaworski ay bumalik muli noong 1997.

Noong 2000 ay naglaro siya para sa Batang Red Bull, naging MVP noong 2003 All-Star Game at naging assistant coach ng Wang's Basketball sa PBA D-League noong 2018.

Si Terry ay tinagurian bilang "Lastik Man" ng Philippine Basketball Association (PBA) dahil sa paikot-ikot nitong tira at mala-lastikong galaw.

Jelyn Dablo

Nag-viral sa social media ang pagpanaw ng sikat na online seller na si Jelyn Dablo.

Ito'y matapos niyang ibunyag na sariling lifestyle ang naging dahilan kaya bumagsak ang kanyang katawan at nagsakit.

Sumakabilang-buhay si Jelyn noong April 7 matapos ang limang taon na pakikipaglaban sa endometrial cancer.

Bago pa man iwan ang mundo, ibinahagi ni Jelyn ang kanyang unhealthy lifestyle na pinaniniwalaan niyang sanhi ng kanyang sakit.

Ayon sa kanya, dahil sa pagka-busy, wala umano siyang maayos na tulog at puro instant foods ang kinakain upang hindi maaksaya ang oras sa pagluluto.

Bagama't hindi naninigarilyo at walang ibang bisyo, bihira lang ang pagkain niya ng gulay, matakaw siya sa kape at mahilig sa matatamis. 

Balewala naman ang mga kinita, naipon, at naipundar ni Jelyn dahil naubos din ang mga ito nang siya ay ma-ospital.

Bago pa man pumanaw, nagpaalala si Jelyn sa social media na maging maingat sa pagkain, iwasan ang pagkain ng mga instant food at juice, at alagaan nang mabuti ang kanilang katawan.


No comments:

Post a Comment

Sponsor