Mga Artistang Magkapatid Pala (Sa Ina o sa Ama)

Mga Artistang Magkapatid Pala (Sa Ina o sa Ama)

Mga Artistang Magkapatid Pala (Sa Ina o sa Ama)

Hindi maikakailang malaking industriya ang showbiz. Kaya naman minsan nagugulat na lamang tayo kapag nalaman natin na magkapatid pala ang dalawang artista, sa ina man o sa ama. 

Narito ang ilan sa mga artistang maaaring hindi mo pa alam na magkapatid pala.

Magkaiba man sila ng ama o ina, pinatunayan ng mga celebrity half-siblings na ito na hindi ito naging hadlang para magkaroon sila ng magandang relasyon bilang magkapatid. 

Kilalanin sila!

Ara Mina at Cristine Reyes

Kabilang ang mga aktres na sina Ara Mina at Cristine Reyes sa mga artistang hinahangaan lalo na pagdating sa pag-arte, kagandahan, at kaseksihan. 

Ngunit ang mga katangiang ito ay tila namana naman nila sa kanilang ina na si Venus Imperial. 

Si Venus na isang half-Filipina at Half-German ay isang dating artista at isang beauty queen. 

Bago sumali sa showbiz, si Venus o Francis Marie Klenk sa tunay na buhay ay kinoronahang "Mutya Ng Pasig" noong 1967 at binansagang kauna-unahang "Eskinol Girl".

Si Cristine o Ara Marie Cristine Reyes ay anak ni Venus sa kanyang asawa na si Romeo Reyes habang si Ara Mina o Hazel Reyes ay anak ni Venus kay dating congressman at mayor ng Quezon City na si Ismael "Chuck" Mathay III.

Lumaki si Ara na si Romeo ang kinikilala niyang ama. Hanggang noong 2000, nalaman niyang si Chuck ang kanyang biological father.

Sa mga nakalipas na taon, dumaan naman sa maraming pagsubok ang relasyon nina Ara at Cristine bilang magkapatid. Kabilang na rito ang away nila noon na nauwi sa demandahan. Gayunpaman, kalaunan, ay nagkabati rin sila at inurong ni Ara ang kaso laban kay Cristine.

Wynwyn Marquez at Vandolph Quizon

Ang Kapuso actress at beauty queen na si Teresita Ssen Marquez o mas kilala ng marami sa kanyang screen name na Wynwyn Marquez at ang aktor at komedyanteng si Vandolph Quizon ay magkapatid sa ina. 

Si Wynwyn ay isa sa apat na anak ng beteranang aktres na si Alma Moreno sa kanyang dating asawang si Joey Marquez. 

Samantalang si Vandolph ay anak ni Alma sa kanyang dating nobyo, ang yumaong "King of Comedy" na si Dolphy Quizon.

Andi Eigenmann at Sid Lucero

Magkapatid din ang dating aktres at ngayon ay social media personality na si Andi Eigenmann at ang award-winning actor na si Sid Lucero. 

Si Sid ay anak ng yumaong beteranong aktor na si Mark Gil sa aktres na si Bing Pimentel habang si Andi ay anak ni Mark sa actress-director na si Jaclyn Jose. Ang multi-awarded na aktres na si Cherie Gil ay kanyang tiyahin, at ang award-winning na aktor na si Michael de Mesa ay kanyang tiyo habang sina Ryan at Geoff Eigenmann naman ay kanyang mga pinsan.

Karylle and Zia Quizon

Magkapatid naman sa ina ang TV host at theatre singer-actress na si Karylle at ang singer-songwriter na si Zia Quizon. 

Si Karylle ay anak ng Kapamilya singer-actress na si Zsa Zsa Padilla sa doktor na si Modesto Tatlonghari. 

Samantalang si Zia naman ay anak ni Zsa Zsa sa kanyang yumaong partner na si Dolphy Quizon.

Mickey Ferriols at Jackie Forster

Noong dekada 90 ay sabay na pumasok sa showbiz ang mga aktres na sina Mickey Ferriols at Jackie Forster. 

Bagama’t noong una ay hindi pa nila inamin sa publiko ang kanilang ugnayan, hindi rin nagtagal ay ibinunyag nila na magkapatid sila sa ama. 

Si Mickey ay lumaki sa Pilipinas habang si Jackie o Michelle Forster ay lumaki naman sa Amerika kasama ang kanilang Amerikanong ama.

Mark Anthony Fernandez at Renz Fernandez

Magkapatid naman sa ama ang mga aktor na sina Mark Anthony Fernandez at Renz Fernandez.

Naunang pumasok sa showbiz si Mark noong dekada 90 kung saan sumikat siya matapos maging miyembro ng grupong “Gwapings”. Habang si Renz ay pumasok sa showbiz noon lamang 2011.

Si Mark ay anak ng yumaong aktor at producer na si Rudy “Daboy” Fernandez sa aktres na si Alma Moreno. Habang si Renz ay anak naman ni Rudy sa aktres na si Lorna Tolentino.

Mark Lapid at Ysabel Ortega

Si Senator Lito Lapid ay kasal kay Marissa Tadeo, at may apat na anak kasama na si Mark Lapid na mister ng aktres na si Tanya Garcia. Mayroon din na isang anak si Lito Lapid sa dating supermodel na si Melanie Marquez at isa pang anak na si Ysabel Ortega sa dating singer na si Michelle Ortega. Si Ysabel ay isa sa mga rising star ng GMA Network at katambalan ngayon ni Miguel Tanfelix.

Sa isang interview kay Ysabel sa "Fast Talk with Boy Abunda", inamin ni Ysabel na maraming nagugulat kapag sinasabi niyang si Senator Lito Lapid ang kanyang ama. Inamin din ng aktres na nagkaroon ng problema at isyu ng kanilang ama noon na nagdulot ng pagbabago sa kanilang relasyon bilang mag-ama pero maayos na sila ngayon.

Sherwin Ordoñez at CJ Ramos

Si Sherwin Ordoñez ay nakilala noon bilang JB sa Kapuso teen-oriented show na 'Click.' Ang kanyang pagkakasama sa show ay tumagal ng hindi bababa sa apat na taon. Ang show na ito ay naging daan para makilala ang ilang mga celebrities tulad nina Richard Gutierrez, Angel Locsin, Chynna Ortaleza, Alessandra de Rossi at marami pang iba.

Si CJ Ramos ay kilalang aktor at half brother ni Sherwin. Una siyang nakilala bilang isang child actor noong dekada nobenta kung saan siya ay napabilang sa ilang mga pelikula na kasama ang Ang TV Movie: The Adarna Adventure at Biyudo Si Daddy, Biyuda Si Mommy. Noong Hulyo 31, 2018, nahuli si Ramos sa isang drug buy bust operation sa Quezon City. 

Matapos siyang makalaya sa kulungan, binigyan siya ng pagkakataon na bumalik sa pag-arte at mapanood muli sa telebisyon sa pamamagitan ng FPJ Ang Probinsyano. Gayunpaman, sinabi ng kuya nitong si Sherwin na kahit ano pang mangyari ay hindi niya tatalikuran ang kapatid at lagi siyang nandoon para sa kanya.


No comments:

Post a Comment

Sponsor