Top 10 Pinakamayamang Tao sa Buong Mundo
Top 10 Pinakamayamang Tao sa Buong Mundo
Nangarap ka na ba na manalo ng jackpot sa Lotto? Para sa isang ordinaryong Pilipino, nakakalula kung isipin na baka bukas ay gigising ka na may ilang daang milyon sa banko mo. Dahil kung gusto mong yumaman kaagad, ang one-in-a-million na jackpot ng Lotto ay ang tanging pag-asa mo.
Pero alam mo ba na may mga piling indibidwal sa buong mundo na kahit manalo ka pa sa Lotto ng sampung beses ay hindi mo pa rin mapapantayan ang kanilang yaman? Bukod sa mga kilalang bilyonaryo na sina Bill Gates, Elon Musk, at Jeff Bezos, marami pa ang may hawak ng sandamakmak na salapi at ari-arian na karamihan sa atin ay maaabot lang sa panaginip.
Kilalanin ang sampung pinakamayamang tao sa buong mundo at ang kanilang kwentong paglalakbay tungo sa katanyagan.
Number 10: Steve Ballmer
Kilala si Steve Ballmer bilang may-ari ng Los Angeles Clippers ng NBA. Tinatayang nasa 95.9 billion US dollars ang net worth ni Ballmer o halos 5.4 trillion pesos. Pero ang kalakhan ng pera ni Steve Ballmer ay hindi niya nakuha sa pagiging may-ari ng isang basketball team kung hindi ay sa pagiging business partner niya sa Microsoft founder Bill Gates.
Magkakilala na si Ballmer at si Gates noong nasa kolehiyo silang dalawa sa Harvard University. Parehas silang nakatira sa iisang dorm at doon naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Habang si Bill Gates ay nag-drop out sa kolehiyo para simulan ang Microsoft, nanatili si Ballmer sa pag-aaral hanggang sa matanggap siya sa Master’s program sa Stanford University.
Doon, kinumbinsi ni Gates si Ballmer na itigil muna ang kanyang post-graduate degree at tumulong kay Gates sa pagpapalaki ng Microsoft. Opisyal na naging empleyado ng Microsoft si Ballmer noong 1980 at siya ang ika-30 tauhan sa kumpanya ni Gates. Sa taong 2000, si Steve Ballmer ang pinangalanang CEO ng Microsoft matapos ang pagreretiro ni Bill Gates.
Number 9: Mukesh Ambani
Si Mukesh Ambani ay ang chairman, managing director, at main shareholder ng Reliance Industries, ang pinakamalaking kumpanya sa India. Siya ay may net worth na $96 billion o 5.41 trillion pesos. Lumaki sa isang ordinaryong pamilya si Mukesh kung saan ang kanyang ama ay isang attendant sa gasoline station. Kinalaunan, nagtayo ang kanyang ama ng isang spice trading business at sinimulan niya ang Reliance Industries noong 1977.
Si Mukesh at ang kanyang kapatid ay lumaki na may responsibilidad sa tinatayong kumpanya ng kanilang ama. Nagtapos ng Chemical Engineering si Mukesh mula sa University of Mumbai at natanggap siya sa Standford University noong 1979 para sa isang master’s degree in Business Administration. Hindi niya natapos ang kanyang post-graduate degree dahil bumalik na siya sa India para maging head ng expansion ng Reliance Industries sa petrochemicals, oil refining, at oil drilling.
Nang yumao ang kanilang ama, ang malawak na kumpanya ay hinati sa pagitan ni Mukesh at ng kanyang kapatid. Kilala ang pamilya Mukesh sa India bilang isa sa mga prominenteng pamilya sa bansa.
Number 8: Guatam Adani
Si Guatam Adani ang kinikilalang pinakamayaman na indibidwal sa buong Asia. Siya ay may net worth na $98.1 billion o higit sa 5.5 trillion pesos.
Si Adani ang founder at chair ng Adani Group of companies na may kumpanya sa enterprises, power, transmission, energy, gas, at trading at pantalan. Kung susumahin, ang kabuuang halaga ng Adani Group ay nasa $174 billion o higit sa 9.8 trillion pesos.
Bukod sa pagiging pinakamayaman sa India at buong Asia, kilala rin si Guatam Adani bilang isang pilanthropist. Siya ang presidente ng Adani Foundation na isa sa mga pinakamalaking corporate-funded foundations sa India. Nagbigay din ng halos $14 million ang foundation para sugpuin ang COVID-19 outbreak sa kanilang bansa.. Kamakailan ay nangako rin ang pamilya Adani na magbibigay ng halos $8 billion na donasyon para sa mga iba’t ibang charity.
Number 7: Sergey Brin
Si Sergey Brin ay ipinanganak sa Moscow, Russia bago nag-migrate patungong United States noong 1979 nang siya ay anim na taong gulang. Ngayon ay kilala siya bilang isa sa mga pinakamalalaking business magnate sa US at bilang co-founder ng Google. Tinatayang nasa $99.1 billion ang kanyang net worth na nagkakahalagang 5.58 trillion sa pesos.
Nagtapos si Brin sa kursong Computer Science at Mathematics tulad ng kanyang ama at lolo. Pagkatapos ng kanyang bachelor’s degree, kumuha rin siya ng masterals in Computer Science sa Stanford University kung saan nakilala niya si Larry Page, ang isa pang co-founder ng Google.
Sinimulan nila ang pagbuo ng isang web search engine na naging popular sa Stanford. Parehas silang nag-drop out sa post-graduate studies para simulan ang Google at ang una nilang naging opisina ay sa garahe ni Susan Wojcicki na ngayon ay CEO ng YouTube.
Number 6: Larry Page
Si Larry Page ay ang co-founder ng Google kasama ni Sergey Brin. Tinatag nila ang Google noong 1998 kung saan naging CEO si Page ng kumpanya hanggang 2001 at 2011 hanggang 2019. Dahil sa napakalaking tagumpay ng Google, nasa $103 billion ang net worth ni Page o nasa 5.8 trillion sa pesos.
Tulad ng kanyang co-founder, lumaki rin si Page sa isang pamilya na halos computer science ang tinappos. Ang kanyang ama ay isang computer science professor habang ang kanyang ina ay isang instructor sa computer programming. Ang mga magulang ni Larry Page ay kinikilala bilang mga pioneer sa computer science at artificial inteliigence.
Kaya naman hindi nakapagtataka na naging isang tanyag na indibidwal din si Larry Page sa larangan ng teknolohiya. Ngayon, ang Google ang pinakadominanteng presensya sa Internet at patuloy pa rin ang tagumpay nito.
Number 5: Warren Buffet
Si Warren Buffet ay isa sa mga kilalang tanyag na bilyonaryo sa USA. Itinatag ni Buffet ang Berkshire Hathaway, isang conglomerate na nagmamay-ari ng GEICO, Duracell, Dairy Queen, Helzberg Diamonds, at iba pa. Ang net worth ni Warren Buffet ay nasa $114 billion o higit sa 6.4 trillion pesos.
Kilala si Buffet bilang isa sa mga pinaka-successful na investors sa buong mundo na binansagan pa siyang “Oracle of Omaha” dahil sa kanyang pag-invest sa mga maliliit na kumpanya na nagiging matagumpay.
Si Buffet din ay isa sa mga kilalang philantrophist buong mundo. Sinimulan niya ang the Giving Pledge noong 2010 kasama ni Bill Gates kung saan nangangako silang mga bilyonaryo na ipapamigay ang higit sa kalahati ng kanilang kayamanan sa iba’t ibang charities. Naging parte rin si Warren Buffet sa Bill & Melinda Gates Foundation kung saan direktang napupunta ang ilang porsyento ng kaniyang kinikita.
Simula noong 2006, nakapag-donate si Warren Buffet ng halos $41 billion o higit 2 trillion pesos sa mga charity.
Number 4: Bill Gates
Marami sa atin ang may kilala kay Bill Gates bilang pinakamayamang tao sa buong mundo. Si Gates ang may hawak sa titulo ng Forbes richest person in the world simula noong 1995 hanggang 2017. Ngayon, si Bill Gates ay pang-apat sa pinakamayamang tao sa buong mundo na may net worth na $123 billion o nasa 6.9 trillion pesos.
Si Bill Gates ang co-founder ng Microsoft kasama ng kanyang childhood friend na si Paul Allen. Sinimulan nilang dalawa ang Microsoft noong 1975 at naging pinakamalaking personal computer software company sa buong mundo. Opisyal silang nagretiro mula sa Microsofft noong 2014 bilang chairman at noong 2020 ay bumaba rin siya sa kanyang board positions sa Microsoft at Berkshire Hathaway para bigyang pansin ang kanyang philanthropic projects tulad ng Bill & Melinda Gates Foundation at ang Giving Pledge na sinimulan niya kasama ni Warren Buffet.
Sa kasalukuyan, inaasikaso ni Gates ang kanyang charity efforts sa climate change, global health development, at education.
Number 3: Bernard Arnault
Hindi lamang sa teknolohiya at gaas yumayaman ang mga bilyonaryo. Si Bernard Arnault ay kilala bilang chair at CEO ng LVMH, ang pinakamalaking luxury goods company sa buong mundo. Hawak ng LVMH ang mga kilalang luxury brands tulad ng Moet & Chandon, Dom Perignon, Dior, Givenchy, Lous Vuitton, Marc Jacobs, Bulgari, Tiffany & Co, Sephora, Tag Heuer, at iba pa.
Sa kasalukuyan, may net worth na $136 billion o 7.6 trillion pesos si Bernard Arnault na naglalagay sa kanya bilang pangatlong pinakamayaman na tao sa buong mundo.
Si Bernard ay lumaki na may hilig sa fashion dahil sa impluwensya ng kanyang ina. Ngunit siya ay nagtapos ng engineering at nagtrabaho sa civil engineering company na pagmamay-ari ng kanyang ama. Noong 1984, nabalitaan ni Arnault na ang gobyerno ng France ay namimili ng mamumuno sa Boussac Saint-Freres empire, isang kumpanya na nagmamay-ari ng iba’t ibang brands kabilang na ang Christian Dior at ang sikat na department store Le Bon Marche.
Nanalo sa bidding si Arnault at isa sa mga una niyang ginawa ay tanggalin ang iba’t ibang brands sa ilalim ng kumpanya hanggang ang Dior at Le Bon Marche lamang ang natira. Dahil dito, mas kumita ang kumpanya hanggang sa unti-unting nabili ni Arnault ang iba’t iba pang mga malalaking pangalan at brands sa industriya.
Number 2: Jeff Bezos
Marami ang nakakakilala sa multi-billionaire na si Jeff Bezos. Siya ay isang entrepreneur, investor, engineer, at pati rin na isang commercial astronaut. Si Bezos ang founder, executive chairman, at CEO ng Amazon. Ang kanyang net worth ay tinatayang nasa $144 billion o higit sa 8.1 trillion pesos na naglalagay kay Bezos bilang ikalawang pinakamayamang tao sa buong mundo.
Graduate si Bezos ng electrical engineering at computer science sa Princeton University noong 1986. Nagtrabaho siya sa ibat ibang kumpanya sa Wall Street mula 1986 hanggang 1994. Pumasok ang ideya ng Amazon kay Bezos nang mabalitaan niya na ang presenya ng Internet ay palaki nang palaki kada taon. Nagsimula ang konsepto ng Amazon bilang isang online bookstore na ginawa niya kasama ng kanyang asawa na si MacKenzie Bezos noong 1994.
Umani ng iba’t ibang investors ang Amazon kahit si Bezos mismo ang nagsabi na mayroong 70% chance na bumagsak ang kanyang negosyo. Ngunit sa mga susunod na taon ay naging matagumpay ang Amazon hanggang sa lumawak ang mga produkto na ibinebenta rito. Ngayon, tinatayang nasa $1.1 trillion ang kabuuang halaga ng Amazon o nasa 62 trillion pesos.
Bukod sa Amazon, itinayo rin ni Jeff Bezos ang Blue Origin noong 2000. Ang Blue Origin ay isang human spaceflight startup na naglalayong maging commercially available ang paglipat patungo sa outer space. Inanunsyo ni Bezos noong 2018 na ang spaceflight ticket ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa $200,000 o 11 million pesos kada tao.
Dating naging pinakamayamang tao si Jeff Bezos sa listahan ng Forbes pero siya ay nalagpasan ng kasalukuyang pinakamayamang indibidwal na si Elon Musk.
Number 1: Elon Musk
Sikat sa Internet, partikular na sa Twitter, ang multi-billionaire tech mogul na si Elon Musk. Siya ang founder at CEO ng Tesla at chief engineer at CEO ng Space Exploration Technologies o mas kilala bilang SpaceX.
Tinatayang nasa $224 billion o higit sa 12.6 trillion pesos ang kabuuang net worth ni Elon Musk na naglalagay sa kanya bilang pinakamayamang tao sa buong mundo.
Lumaki si Elon Musk sa South Africa at nag-migrate patungong Canada sa edad na 17. Graduate siya ng University of Pennsylvania kung saan nagtapos siya sa kursong Economics at Physics. Lumipat siya sa California noong 1995 para pumasok sa Stanford University pero napag-isipan niya na simulan na lang ang kanyang business career.
Kasama ng kanyang kapatid, itinayo niya ang Zip2 company na nabenta nila sa halagang $307 million. Naging co-founder din siya ng X.com na ngayon ay naging PayPal at nabenta niya ito sa halagang $1.5 billion.
Noong 2002, sinimulan ni Elon Musk ang SpaceX at noong 2004, naging early investor siya ng isang electric vehicle manufacturer na Tesla Motors. Naging chairman siya at product architect ng Tesla na kinalaunang naging CEO noong 2006.
Ngayon, kilala si Elon Musk bilang isa sa mga tanyag na indibidwal sa larangan ng teknolohiya. Sinimulan ng SpaceX ang development ng Starlink constellation na naglalayong makapagbigay ng satellite Internet access. Inanunsyo ni Elon Musk noong May 2022 na malapit nang maging available sa Pilipinas ang Starlink at ang Pilipinas ang magiging kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na papasukin nito.
Malaki rin ang tagumpay ng Tesla simula nang hinawakan nito ni Elon Musk, lalo na nang inilabas nila ang self-driving software sa kanilang mga sasakyan.
No comments:
Post a Comment