10 Pinakanakakatakot Na Beaches Sa Buong Mundo
10 Pinakanakakatakot Na Beaches Sa Buong Mundo
Sino ba naman ang ayaw na magtampisaw sa dagat at maramdaman ang simoy ng dalampasigan? Pagdating sa mga beach, hindi magpapahuli ang Pilipinas sa dami ng pwedeng puntahan. Pero alam mo ba na may mga beach sa iba’t ibang bahagi ng mundo na hindi mo gugustuhing languyan kahit gaano pa ito kaganda?
Mula sa mga tubig na walang dudang hihigupin ka pailalaim at mga hayop na hindi magdadalawang-isip na gawing hapunan ang sinumang makita nito —narito ang sampung nakakatakot na dagat sa buong mundo.
1. Skeleton Coast
Una sa listahan ay ang Skeleton Coast sa Namibia. Sa pangalan pa lamang ay alam mo nang hindi biro ang dagat na ito. Higit sa 500 kilometro ang baybayin ng Skeleton Coast at puno ito ng mga buto ng iba’t ibang hayop at daan-daang mga barko na naging biktima ng marahas na alon sa dagat. Madalas na tawaging “The Gates of Hell” ang Skeleton Coast ng mga manlalaot dahil sa oras na ikaw ay ma-stranded sa baybay nito ay makakasalubong mo ang mga leon, cheetah, leopard, hyena at iba pa na rumoronda at naghahanap ng makakain. Sa tubig naman ay may tinatayang 11 shark species na umaaligid.
2. New Smyrna Beach
Kung ikaw naman ay mahilig mag-surfing, ang New Smyrna Beach sa Florida ay isa sa mga magiging dream destination mo dahil sa perpektong mga alon, mapuputing buhangin, at mainam na panahon.
Iyon nga lang ay kung kaya mo ring makipag-sabayan sa mga pating. Ang New Smyrna Beach ay nasa lugar na tinaguriang Shark Attack Capital of the World. Para sa mga gusto pa ring lumangoy dito, pinapayuhan ng mga awtoridad na huwag lumayo sa baybay at lumangoy lamang sa mga parte na hindi lalagpas sa tuhod ang tubig dahil mahirap makita kung may umaaligid na pating sa tubig.
3. Cape Tribulation
Ang pangatlo sa listahan ay ang Cape Tribulation na sa unang tingin ay parang nasa paraiso ka. Pero huwag kang magpapalinlang dahil ang dagat dito ay puno ng mga dikya, kasama na ang box jellyfish na kapag natusok ka nito ay maaari kang maatake sa puso bago ka pa man makaahon. Bukod sa mga dikya ay puno rin ito ng saltwater crocodile na umaaligid sa mababaw na parte ng tubig.
Meron ding mga cassowaries na isang uri ng ibong kasinglaki ng ostrich at may matutulis at mahahabang kuko na magagamit nila para sa isang brutal na pag-atake. Pati rin ang halaman sa Cape Tribulation ay delikado. Puno ito ng mga Stinging Trees na mukhang malambot at masarap hawakan pero sa oras na gawin mo ito ay para kang nakuryente sa sakit at kirot na aabot ng ilang linggo.
4. Hanakapiai Beach
Kilala ang Hawaii bilang isang destinasyon para sa mga magaganda beach. Kaya naman hindi mo aakalain na ang Hanakapiai beach sa Hawaii ay napakadelikado na higit sa 400 na katao na ang namatay dito.
Marahas ang alon ng Hanakapiai beach na kahit ang mga sanay na lumangoy sa maaalon na dagat ay mahihirapan makaahon. Tinatangay at hinihigop ng agos ng tubig ang sinumang lumangoy dito at marami na rin ang mga nawawala pa hanggang ngayon dahil hindi makita ang kanilang bangkay na tinangay na ng dagat.
5. Chowpatty Beach
Hindi dahil sa mga pating o malalakas na alon naging mapanganib ang Chowpatty Beach sa Mumbai, India kung hindi dahil sa sobrang daming basura, kemikal, at dumi ng tao at hayop ang inaanod dito. Kilala ang Chowpatty Beach bilang pinakamaruming dagat sa buong mundo at ang paglangoy dito ay tiyak na magsasanhi ng kung ano-anong sakit at impeksyon.
6. Bikini Atoll
Sunod sa listahan ay ang beach na pinagbatayan ng Spongebob Squarepants. Kung balak mong bumisita at lumangoy sa Bikini Bottom, tiyak na magdadalawang-isip ka kung malaman mo ang kasaysayan ng lugar.
Ang Bikini Atoll sa Marshall Islands ay dating naging testing site ng US Military para sa kanilang nuclear weapon. Tinatayang higit sa 20 nuclear bombs at ilang mga hydrogen bombs ang pinasabog sa lugar kaya naman hanggang ngayon ay radioactive pa rin ang mga dagat dito. Pinagbabawal ang lumangoy sa Bikini Atoll at marami sa mga dating lokal na residente dito ay nagkaroon ng kanser dahil sa radiation exposure.
7. Fraser Island
Ang Fraser Island sa Australia ay delikado kahit sa tubig o sa lupa. Ang dagat sa Fraser Island ay puno ng mga irukandji, isa sa mga pinakanakalalasong dikya sa buong mundo. Malilit at klaro ang katawan ng irukandji kaya naman hindi mo ito mamamalayan sa tubig. Tahanan din ng mga dingoes ang Fraser Island. Ang dingoes ay isang uri ng aso na likas sa Australia at kilala ang mga ito sa madalas na pag-atake sa mga tao.
8. Utakleiv Beach
Parang kinuha mula sa isang fairytale ang Utakleiv Beach sa Norway dahil sa ganda ng tanawin. Pero huwag kang magkakamali na lumapit sa dagat dahil umaabot ang temperatura nito sa 7°C. Makikita mo rin na may usok na umiibabaw sa dagat dahil sa lamig nito. Ang sinumang lumangoy dito ay maaaring magkaroon ng hypothermia na pwedeng ikamatay.
9. Kilauea Beaches
Kung ang Utakleiv Beach ay sobrang lamig, ang Kilauea Beaches naman sa Hawaii ay kumukulo sa init. Dahil ito sa patuloy na pagputok ng bulkang Kilauea kung saan diretsong napupunta sa dagat ang lava na nilalabas nito. Bukod sa higit 100°C na temperatura ng tubig, puno rin mga fumes at kemikal mula sa bulkan ang paligid nito.
10. Amazon River Beaches
Ang huli sa listahan ay ang mga dagat na nakakonekta sa Amazon River sa Brazil. Ang sikat na Amazon forest ay tirahan ng mga maraming delikadong hayop at ganoon din ang sa tubig nito. Tinuturing isang breeding ground ang tubig ng Amazon ng mga iba’t ibang hayop na ayaw mong makasalamuha kapag lumalangoy. Kasama na dito ang mga pirana, electric eel, iba’t ibang mga ahas, at ang sikat na candiru na isang parasitikong isda na sumusuot sa kahit anong butas sa iyong katawan.
No comments:
Post a Comment