Kilalanin Ang May Pinakamahaba at Pinakamalaking Ilong Sa Mundo

Kilalanin Ang Lalaking May Pinakamahaba at Pinakamalaking Ilong Sa Mundo

Kilalanin Ang May Pinakamahaba at Pinakamalaking Ilong Sa Mundo

Isang lalaki, nakakuha ng karangalan dahil sa laki ng kaniyang ilong!

Hindi na siguro mawawala sa ugali ng tao ang kutyain o gawing katatawanan ang isang bagay na mayroon ang iba, na wala sa karamihan. Natural na kasi sa mga tao, lalo na sa panahong ito, ang punahin ang kapintasan ng kapwa na para bang perpekto sila’t walang depekto o kasiraan sa sarili.

Ang mga ganitong klase ng tao ay walang pakialam sa nararamdaman ng iba, at para sa kanila ay maliit na bagay lang naman ang kanilang ginagawa o mga sinasabi. Hindi nila iniisip na baka nakakasira na sila o ’di kaya’y nakasasakit ng damdamin ng ibang taong nakadaranas ng hindi magandang pagtrato mula sa kanila, dahil lamang sa pagiging kakaiba.

Ngunit ano ang gagawin mo kung isang araw ay mabalitaan mong ang taong noon ay pinagtatawanan mo, ay nagkamit ng isang malaking karangalan, dahil sa kaniyang kapintasan?

Pag-usapan natin ’yan sa artikulong ito!

Si Mehmet Özyürek, isang 72 years old na lalaking ipinanganak noong ikalabing pito ng Oktubre, taong 1949, sa bayan ng Artvin ng bansang Turkey—ang nagkamit ng titulong ‘World’s Longest Nose on a Living Person’ sa kategoryang panlalaki. Muli itong nakumpirma ng Guiness, nito lamang ikalabing tatlo ng Nobiyembre, taong 2021.

Sinasabing umabot daw ng 8.8 centimeters o 3.46 inches ang sukat ng kaniyang ilong, mula sa balingusan nito, hanggang sa pinakatungki. ’Di umano ay maikukumpara daw ito sa sukat ng isang baraha o playing cards! Talaga namang napakahaba nito, kumpara sa karaniwang sukat ng ilong ng tao!

Una itong sinukat noong ikatatlumpu’t isa ng Enero, taong 2001, para sa Guiness World Records: Primetime, sa Los Angeles USA. Mahigit dalawang dekada nang hawak ni Mehmet ang nasabing titulo, kaya naman talagang ipinagmamalaki niya ang nasabi niyang katangian.

Pinabulaanan ng tinaguriang ‘supersized-sniffer’ ni Mehmet ang karaniwang paniniwala, na ’di umano ay patuloy daw na lumalaki ang ilong at tainga nating mga tao habang tumatanda tayo. Sinasabing hindi na raw kasi lumaki o humaba pa ang ilong ni Mehmet mula noong sukatin itong muli sa isang Italian show na ‘Lo Show Dei Record’ noong March 18, 2010, hanggang nitong taong 2021.

Ngunit ano nga ba ang pakiramdam na magkaroon ng pinakamahabang ilong sa mundo?

Ayon kay Mehmet ay naiiba raw ang kaniyang pang-amoy. Halimbawa na lang ay kaya niyang malanghap ang mga hindi naaamoy ng iba, o ’di kaya, sa pagpasok niya pa lang sa bahay ay mabilis niyang natutukoy kung ano ang inilutong putahe, base lamang sa amoy ng paligid.

Ngunit pinatunayan ni Mehmet na hindi lang ’yon ang ang kayang gawin ng kaniyang ilong. Sa isang appearance niya sa Lo Show Dei Record noong Ikalabing walo ng Marso, taong 2010, ay ipinakita niya rin sa publiko ang kakayahan niyang pahanginan ang isang lobo gamit lanang ang butas ng kaniyang ilong!

Sinasabing nasa dugo na raw ng pamilya ni Mehmet ang pagkakaroon ng malalaking ilong, ngunit ang dahilan sa kanilang naiibang katangian ay hindi pa rin alam hanggang ngayon. Ganoon pa man, para kay Mehmet ay espesyal ang pagkakaroon ng ganitong klaseng katangian. Ayon pa sa kaniya, mahal niya ang pagkakaroon nito. Gusto ito ng mundo, maging ng Guiness World Record, ganoon din ng kaniyang asawa!

Tila ba isang malaking sampal ang pahayag na ’yon sa mga taong ginagawang katatawanan ang kaniyang kakaibang katangian noong siya ay bata pa. Noon daw kasi ay hilig siyang kutyain ng iba niyang mga kakilala, dahil sa kaniyang malaki at mahabang ilong.

Sabi pa ni Mehmet ay madalas siyang bansagan ng kung anu-anong pangalan ng kaniyang mga kalaro at kaibigan noon para lang asarin siya. Palagi nila siyang tinatawag na “Big Nose” o Malaking Ilong.

Magpahanggang ngayon, sa tuwing may pupuntahan si Mehmet ay hindi pa rin daw naiiwasang pagtuunan siya ng atensyon ng mga tao. Sa paraan pa lang ng pagtingin ng mga ito sa kaniya ay alam na raw ni Mehmet kung ano ang iniisip nila, ngunit ganoon pa man mahal niya ang kaniyang sarili.

Aniya ay ipinagpala raw siya sa pagkakaroon ng katangiang record-breaking na maituturing. Ginawa raw siyang ganoon ng Diyos kaya naman natutunan niyang mamuhay nang masaya at payapa, dala ang katangiang ito

Conclusion:

Itinuturing daw na karangalan ni Mehmet ang pagkakaroon niya ng malaking ilong, lalo pa at nagawa niyang irepresinta ang kaniyang bayang pinagmulan sa buong mundo—ang bansang Turkey.


Sa katunayan ay sinabi niya ito sa isa sa kaniyang mga pahayag na talaga namang nagbigay ng labis na inspirasyon sa marami.

“I love my nose of course…I was blessed. I am very happy to represent Turkey, the Black Sea or Artvin, on an international level. Some become martyrs, some become prime ministers, and some become record holders.”

Samantala, ’di umano, ang pinakamahabang ilong sa lahat ay pag-aari daw ng lalaking si Thomas Wedders, na nanirahan sa Inglatera noong taong 1770. May mga makasaysayang testimoniya na nagsasabing si Wedders—na miyembro ng isang naglalakbay na sirko—ay may ilong na may hindi kapani-paniwalang sukat na 19 centimeters o halos pito’t kalahating pulgada ang haba!

Si Thomas Wedders o kilala rin sa pangalang Thomas Wadhouse, ay ipinanganak sa Yorkshire, England. Isa siyang tagapagtanghal sa iba’t ibang circus sideshow, noong kalagitnaan ng 18th century.

Kaunti lamang ang kaalaman ng lahat tungkol sa buhay ni Wedders. Ang mga artikulo noong panahon niya sinasabing siya ay lumilitaw na may kapansanan sa intelektwal dahil sa isang hindi maipaliwanag na kondisyong ’di umano ay nauugnay ng hindi pangkaraniwang deformity ng kaniyang mukha. Sumakabilang buhay siya noong mga 1780 sa Yorkshire, sa edad na limampu hanggang limampu’t dalawang taong gulang. Binigyan siya ng Guinness World Records ng posthumous title na “World’s Largest Nose” at isang wax reproduction ng kaniyang ulo ang naninirahan sa Ripley’s Believe It or Not Museum, bilang pagkilala sa kaniya.

Ang ilong ni Wedders ay maituturing na isang matinding kaso ng hypertrophy—Isang kondisyon ng labis na paglaki o labis na pag-develop ng isang organ o bahagi ng katawan.

Sa inyong palagay, maari kayang ito rin ang dahilan kung bakit ganoon na lang din kalaki ang ilong ni Mehmet?


Ano kaya nararamdaman ng mga taong nangutya noon kay Mehmet, tungkol sa karangalang natamo niya ngayon dahil sa kaniyang kakaiba ngunit kahanga-hanga ring katangian?



No comments:

Post a Comment

Sponsor