Kilalanin Ang Pulubi Na Naging Milyonaryo Na Si He Rongfeng
Kilalanin Ang Pulubi Na Naging Milyonaryo Na Si He Rongfeng
Karamihan sa ating mga tao, bata pa lamang ay tinuturuan na ng ating mga magulang na tumulong sa kapwa at magbigay nang naaayon sa ating kakayahan. ‘Share your blessings’ ika nga ng matatanda, maging ng mga guro natin sa eskuwelahan. Kung minsan nga, maging sa mga programa sa telebisyon, lalo na iyong mga palabas na pambata, ay itinuturo din ang aral na ito. Mahalaga kasi talagang matutunan ito, lalo na sa mga panahong katulad ngayon kung saan laganap ang kahirapan.
Ngunit paano, kung isang araw ay bigla na lamang bumalik sa ’yo ang taong noon ay tinulungan mo nang buong puso, upang ibalik sa ’yo ang kabutihang ginawa mo sa kaniya noon?
Iyan ang nangyari sa kuwentong buhay ni He Rongfeng at ng babaeng bumago sa kaniyang kapalaran, sa pamamagitan lamang ng taos puso nitong pagtulong sa kaniya at sa kaniyang mga kaibigan noong sila ay bata pa lang.
Nagsimula ang lahat, dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas, si He Rongfeng na noon ay labing pitong taong gulang pa lamang ay umalis sa kaniyang nayon kasama ang kanyang dalawang kaibigan at nagtungo sa Taizhou City sa Zheijang Province, China. Desidido si He Rongfeng na maghanap ng trabaho sa lungsod para suportahan ang kanyang naghihirap na pamilya at ganoon din naman ang pangarap ng dalawa niya pang kaibigan, kaya naman nakipagsapalaran sila.
Ngunit hindi akalain ni He Rongfeng at ng kaniyang mga kaibigan na ibayong hirap pala ang daraanan nila sa pag-uumpisa pa lang ng pag-abot nila ng kanilang minimithing mga pangarap. Hindi kasi sila matanggap-tanggap sa mga trabahong pinag-a-apply-an nila, kaya naman nang maubos ang kaunting perang ibinaon nila patungong lungsod ay nauwi sila sa pamamalimos sa kalsada upang may maipanglamang-tiyan. Hindi nila inaasahang ito ang mararanasan nila sa ginawang pagluwas mula sa kanilang nayon patungo sa lungsod.
Talagang nakakaawa ang kanilang sitwasyon nang mga panahong iyon na tumagal din ng ilang araw. Umabot pa nga sa puntong isang araw ay napadpad sila sa tapat ng isang noodle shop na puno ng mga tao, kung saan ang tanging nagawa lamang nila ay tumingin sa mga kumakain sa loob, mula sa salaming nagsisilbing pader ng nasabing establisyimento. Hindi kasi nila kayang bumili man lang ng kahit isang mangkok ng noodles kahit pa pagsama-samahin nina Rongfeng at ng kaniyang mga kaibigan ang kanilang kita. Lalanghap-langhap na lamang sila mula sa labas, ng mabangong amoy ng nasabing putahe upang kahit papaano ay maisip nila kung ano ang lasa nito.
Ang hindi nila alam, buhat nang pumuwesto silang tatlo sa tapat ng nasabing noodle shop ay mataman na pala silang pinagmamasdan ng isang babae. Si Dai Xingfen, ang may-ari ng nasabing noodle shop na talaga namang naantig ang puso nang makita silang tila takam na takam sa labas, habang nagse-serve ito ng mga orders ng kaniyang customers.
Sa kabutihang palad, hindi naman nagdalawang isip si Dai Xingfen na imbitahan silang tatlo, papasok sa kaniyang shop upang alukin silang kumain nang libre. Sinasabing hindi maipaliwanag nina He Rongfeng at ng kaniyang mga kaibigan ang tuwang naramdaman nila nang mga sandaling iyon kaya naman labis ang pasasalamat nila sa mabuting babae.
Nalaman ni Dai Xingfen ang sitwasyon ng tatlo, na ilang araw nang nanlilimos sa kalsada ang mga ito, kaya naman sa awa niya ay muli siyang nagbukas ng kaniyang palad at inalok ang mga ito na tumira muna sa maliit na apartment na kaniyang tinutuluyan, kasama ang kaniyang asawa.
Labis-labis ang pasasalamat ng tatlo sa mabait na babae, lalo na nang noong gabing iyon ay sinubukan pa ni Dai Xingfen na makipag-usap sa kaniyang mga kakilalang nagtatrabaho sa mga kalapit na pabrika, upang itanong kung mayroon bang mga bakanteng posisyon doon para maipasok niya sina He Rongfeng at ang dalawa pang kaibigan nito. Bagama’t nang mga sandaling iyon ay wala pang job openings ay taos puso pa rin ang pasasalamat ng tatlo sa pagmamalasakit sa kanila ni Dai Xingfen.
Nakita naman ni Dai Xingfen ang labis na determinasyon ng tatlo upang baguhin ang kanilang buhay, kaya naman kalaunan ay sinabihan niya ang mga ito na subukang muli ang kanilang kapalaran sa kalapit pang lungsod…ang Huangyan City. Bukod doon ay pinabaunan pang muli ni Dai Xingfen ang mga ito ng pera upang mayroon silang maipamasahe patungo sa nasabing lugar.
Tumatak sa isip ng batang He Rongfeng ang taos pusong pagtulong na ginawa sa kaniya ni Dai Xingfen, lalo na at dahil doon ay nagsimula nang gumanda ang kanilang sitwasyon dahil nang makarating sila sa Huangyan, sa wakas ay nahanap na rin nila ang kanilang suwerte. Natanggap ang tatlo sa isang furniture factory at doon ay nakapag-umpisa silang magtrabaho.
Upang hindi masayang ang ginawang pagtulong sa kanila ni Dai Xingfen, pati na rin ang sarili nilang mga pagod ay ginawa ni He Rongfeng ang lahat upang pagbutihin ang kaniyang trabaho. Nagsumikap siya at pinag-igi ang kaniyang mga ginagawa. Doon ay marami siyang natutunang mga bagong kakayahan na sa paglipas ng mga taon ay ginamit niya nang magdesisyon siyang magtayo na ng sarili niyang negosyo sa Shenyang City sa probinsya ng Liaoning. gamit ang inipon niyang pera mula sa kaniyang ilang taong pagsisipag sa trabaho.
Doon na nagtuloy-tuloy ang pag-angat ng buhay ni He Rongfeng. Salamat sa kaniyang matinding dedikasyon, kasipagan at pagtitiis, dahil ngayon ay may-ari na siya ng isang maganda at malaking kompaniyang tinatawag na Shenyeng Jiu Jiu Li Feng Group at naging pinuno pa ng lokal na industriya ng mga furnitures at pintura sa nasabing lugar. Doon ay nagsimula siyang maging milyonaryo mula sa kinikita ng kaniyang nasabing negosyo. Talaga namang mula sa kawalan ay naging napakaganda na ng kapalaran niya!
Ngunit isa sa dahilan kung bakit naabot ni He Rongfeng ang nasabing estado ay dahil sa hindi niya pagkalimot sa aral na itinuro sa kaniya ng babaeng noon ay tumulong sa kanila nang buong puso—si Dai Xingfen, na nagsabing “Ang yaman ay hindi kasinghalaga ng integridad.”
Pinanghawakan ni He Rongfeng ang mga katagang iyon kaya naman hanggang sa siya ay naging milyonaryo na, at kahit pa lumipas na ang ilang taon ay hindi niya nakalimutan si Dai Xingfen, na siyang nag-iisang taong tumulong at naniwala sa kanilang magkakaibigan, nang halos wala na silang ibang malapitan pa.
Kaya naman noong taong 2014 ay muling bumalik si He Rongfeng sa Taizhou City upang hanapin si Xingfen. Maswerte siya dahil ang mabait na babae ay naroon pa rin at nagtatrabaho sa kaparehong tindahan ng noodle shop, kahit pa dalawang dekada na ang dumaan.
Sa muling pagkikita nina He Rongfeng at Dai Xingfen, hindi nagdalawang isip ang lalaki na alukin ito ng pabuyang walumpung libong dolyar na halos katumbas na ng apat na milyong piso, upang gamitin ito bilang pagpapaayos sa lumang bahay ni Xingfen. Ayon pa kay Rongfeng ay maliit na halaga lamang ito kumpara sa tulong na ginawa ni Dai Xingfen noon para sa kaniya.
Ganoon pa man ay tinanggihan ito Dai Xingfen, at ang rason ay halos umantig na naman sa puso ni He Rongfeng. Sinabi kasi sa kaniya ng ngayon ay matanda nang babae, hindi siya tinulungan nito noon upang kalaunan ay humingi lamang ng kapalit. Dalawampung taon na ang nakalilipas, taos-puso niyang gustong tulungan ang batang si He Rongfeng dahil sa awa at simpatya sa dinaranas nito at ng mga kaibigan noon. Sinabi niya na alam din niya kung ano ang pakiramdam na subukang mabuhay sa isang bagong lugar upang maghanap ng pagkakakitaan kaya naman dinamayan niya ang mga ito.
Tila ba hindi nauubusan ng ‘words of wisdom’ ang babae, kaya naman talagang hinangaan ito ni He Rongfeng. Bukod pa sa tulong na ginawa nito noon para sa kaniya ay ipinagpapasalamat din niya rito ang mga life-changing lessons na itinuturo nito sa kaniya magpahanggang sa ngayon.
Gusto niya talagang pasalamatan si Dai Xingfen, kaya naman nagpagawa na lamang si He Rongfeng ng isang malaking karatulang may nakasulat na “Gratitude As Heavy As A Mountain” upang maisabit iyon ni Dai Xingfen sa kaniyang tindahan, bilang tanda ng labis at taos pusong pagkilala sa kaniya ni He Rongfeng. Isa itong paalala na kailan man ay hinding-hindi malilimutan ni He Rongfeng ang kaniyang kabutihan.
Conlusion:
Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang dating pulubi ay magiging milyonaryo, buhat nang tulungan sila ng isang babaeng may ginintuang puso?
Ang kuwentong ito ay patunay lamang na ang maliit at simpleng pagtulong at pagbabahagi natin ng biyaya sa iba, gaano man ito kaliit o kalaki, ay maaari pa ring pagsimulan ng pagbabago ng kapalaran at ng buong buhay ng isang tao. ’Tulad ng ginawang pagtulong ni Dai Xingfen nang walang hinihintay na kapalit sa tatlong nakaaawang binatilyo na kalaunan ay nakamit ang mga pangarap.
Talaga namang nakaaantig at kapupulutan ng aral ang kuwento ng kanilang buhay at sana ay makapaghatid ito sa inyo ng inspirasyon.
Nagustuhan mo ba ang kuwentong tampok ngayon sa ating artikulo? Ano ang masasabi mo tungkol sa mga taong ito? I-share mo naman ’yan sa comment section!
No comments:
Post a Comment