Bakit Uso ang Boyfriend for Hire sa Japan?

Bakit Uso ang Boyfriend for Hire sa Japan?

Pagod ka na ba sa paulit-ulit na tanong ng iyong mga kamag-anak kung kailan ka magkaka-jowa? O kaya naman gusto mo lang maranasan ang isang sweet na date tuwing Valentine’s na hindi pumapasok sa isang commitment ng relasyon?

Kung dito sa Pilipinas ay madalas ginagawang biro o meme lang ang mga Boyfriend for Hire sa social media, iba ang kwento sa Japan. Ang kakaibang serbisyong ito ay patok na patok sa mga single sa bansang ito at napukaw din ng konsepto ng Boyfriend for Hire ang atensyon ng buong mundo. 

Isa ka rin ba sa mga curious na malaman kung ano ang Boyfriend for Hire sa Japan? Paano nga ba ito nagsimula? Jowa lang ba ang pwede mong rentahan sa Japan? At bakit usong-uso ito sa bansang ito? Alamin ang katotohanan sa likod ng industriya ng Boyfriend for Hire sa bansang Japan.

Ang Simula ng Boyfriend for Hire sa Japan

Sikat ang bansang Japan sa kanilang mabilis na pag-unlad matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinapatan ng bansang ito ang kayamanan ng mga malalaki at mayayamang bansa sa Kanluran kaya naman sadyang napakalaki ang pagkabighani ng buong mundo sa Japan.

Idagdag mo pa ang mga kakaibang tradisyon at kultura na hindi pa naririnig o nasasaksihan ng mga dayuhan. Isa sa mga umusbong na kakaibang serbisyo sa Japan ay ang Boyfriend for Hire.

Nagsimula ang konsepto ng Boyfriend for Hire noong simula ng 1990s. Ang kumpanya ng Japan Efficiency Corporation ay nagbukas noong 1991 at opisyal na ipinakilala ang konsepto ng Boyfriend for Hire sa publiko. 

Ang Japan Efficiency Corporation ay pinamumunuan ni Satsuki Oiwa. Bago pa man niya buksan ang kanyang kumpanya, personal na tinuruan niya ang kanyang mga empleyado simula pa noong 1987. At nang magbukas ang Japan Efficiency Corporation, nag-alok sila ng serbisyo na Family for Hire.

Ayon kay Oiwa, nakalimutan na ng Japan ang kahalagahan ng puso dahil sa matinding pagka-abala ng mga Hapon sa pag-manufacture at pag-iimbento ng mga makina nang matapos ang World Wars. Inilarawan niya ito bilang “hard service” versus “soft service” kung saan magaling ang mga Hapon sa “hard service” na pagbibigay ng dekalidad na mga produkto pero kulang na kulang pagdating sa “soft service” o pakikipagkapwa sa sariling pamilya.

Naging matagumpay ang Japan Efficiency Corporation sa loob lamang ng isang taon. Para sa isang bagong konsepto, naging patok ang serbisyo ng Family for Hire. Nagkaroon sila ng 21 na kliyente na may waiting list pa ng halos 100 at may higit 400 na aplikante para maging mga aktor at bahagi ng Family for Hire.

Kalimitan sa mga kumukuha ng serbisyo ng Family for Hire sa Japan Efficiency Corporation ay mga matatanda na nasa edad 70 pataas. Ayon sa kumpanya, maraming mga matatanda sa Hapon ang gusto ulit maranasan ang magkapamilya kung saan ang kanilang anak ay hindi sobrang abala sa trabaho na hindi na nila nabibisita ang kanilang mga magulang. 

Ang iba naman ay kumukuha ng Family for Hire na serbisyo para lamang may madatnan sila sa hapag kainan pagkatapos ng trabaho. Ang iba naman ay naghahanap lamang ng kausap para mailabas ang kaniilang damdamin dahil hindi masyadong hinihikayat sa kultura ng Japan ang pag-open up sa kanilang mga saloobin.

Dahil sa tagumpay ng Japan Efficiency Corporation, marami nang mga kumpanya ang sumunod sa kanilang yapak at naglabas ng sari-sariling For Hire na serbisyo. Bukod sa Family for Hire, nauso rin ang Friend for Hire, Girlfriend for Hire, at syempre, ang Boyfriend for Hire.

Ang Sistema ng Boyfriend for Hire sa Japan

Curious ka bang malaman kung paano mag-renta ng boyfriend sa Japan? 

Madali lamang ang proseso ng paghahanap ng Boyfriend for Hire sa bansang ito. Madami nang mga kumpanya ang nagbibigay ng ganitong serbisyo kaya naman marami kang pagpipilian. Maaari kang direktang tumawag sa isa sa mga kumpanyang may Boyfriend for Hire o kaya naman tumingin sa website nila at pumili kung sino ang magiging boyfriend mo at gaano kayo katagal na magiging magkarelasyon.

Ang paraan ng pagrenta ng boyfriend ay nakadepende sa kumpanya pero halos magkaparehas lang ang proseso nito. Una ay pupunta ka sa kanilang website kung saan makikita mo ang roster ng kanilang mga aktor. Andoon ang kanilang larawan, pangalan, edad, at pisikal na description. Magbibigay din sila ng maikling introduction kung ano ang kanilang hilig na gawin para makapili ka ng boyfriend na kaparehas din ng iyong mga interes.

Pagkatapos mong makapili ng lalaking aktor, kailangan mong magbigay ng application na naglalaman ng iyong personal na impormasyon, detalye ng gusto mong mangyaring date, at kung kailan at saan ito gaganapin. Kailangan ng kumpanya na malaman ang eksaktong mga gagawin ng kliyente at ng kanilang aktor para na rin sa kanilang kaligtasan. Kapag naaprubahan na ng kumpanya ang iyong application, ikaw ay makakatanggap ng email mula sa iyong nirentahan na boyfriend.

Pero mahalagang alalahanin na sila ay propesyonal na mga aktor at may mga hangganan ang kanilang pagpapanggap. May mga palatuntunin ang kumpanya pagdating sa mga Boyfriend for Hire. Isa na rito ang pisikal na limitasyon sa pagitan ng kliyente at ng aktor. Mahigpit na pinagbabawal ang kahit anong pisikal na affection bukod sa pagyakap at holding hands. Bawal ka ring magbigay ng kahit anong regalo sa mga aktor, ngunit pwede silang magpanggap at palihim na isauli ang regalo matapos ang iyong date.

Ikaw din dapat ang sasagot sa lahat ng gastusin pagdating sa araw ng inyong tagpuan. Para sa mga ibang babae, mas gusto nila na ang lalaki ang magbabayad sa lahat ng gagawin nila. Kaya naman bago pa man magsimula ang kanilang date kasama ang Boyfriend for Hire ay nagbibigay na sila ng pera o credit card na gagamitin ng lalaki. Kung gusto mo rin makatanggap ng bulaklak o regalo galing sa iyong Boyfriend for Hire, kailangan mong magbigay ng pera pambili nito.

Kung ikaw ay nag-aalala kung basta-basta na lamang nila kukunin ang iyong pera, masinop ang mga Boyfriend for Hire para masiguro na bawat barya ay kumpleto. Kapag cash ang binigay mo sa iyong Boyfriend for Hire na pang gastos, makakakuha ka ng isang sobre sa dulo ng iyong date na naglalaman ng lahat ng sukli at resibo na inyong nagastos. 

Para maprotektahan ang mga Boyfriend for Hire, lahat din ng mga messages sa pagitan ng aktor at kliyente ay nirereport sa kumpanya. Bawal din na direkta mong kakauusapin ang aktor kung hindi mo siya nirentahan sa oras na iyon. Dahil dito, bawal magbigay ng espesipikong impormasyon ang aktor tungkol sa kanyang buhay.

Magkano ang Boyfriend for Hire sa Japan?

Curious ka ba kung magkano ang aabutin ng Boyfriend for Hire? 

Oras ang basehan kung magkano ang ibabayad mo para sa iyong Boyfriend for Hire. Depende rin ito sa itsura ng lalaki dahil may mga aktor na in-demand sa kanilang mga kliyente. Kapag tinuturing na “expert” ang aktor, mas mahal ang kanyang rental fee kumpara sa mga baguhan.

Karaniwang naglalaro sa 9,000 yen o nasa 3,600 pesos ang Boyfriend for Hire kada oras. Pero kalimitan na may polisiya ang kumpanya na may minimum at maximum na oras kang susunduan para sa kanilang mga aktor. Kung bitin ang oras, pwede ka ring mag-extend sa mismong araw ng iyong date sa halagang 3,000 yen o 1,800 pesos kada 30 minuto.  

May dagdag din na bayad kapag gusto mong mag-date na malayo sa lugar kung saan nakabase ang kumpanya. Kaya kung gusto mong pumunta sa ibang siyudad kasama ng iyong Boyfriend for Hire, kailangan mong magbayad ng additional vicinity fee.

At katulad ng aming nabanggit, ikaw din ang magbabayad sa lahat ng gastos. Kasama na dito ang pagkain, pamasahe, at kung mayroon kang gustong ipabili sa iyong Boyfriend for Hire. 

Kung ayaw mo naman na ikaw ang magplano ng iyong date, usong-uso ang mga “date plans” na inaalok ng mga kumpanya. Isa na rito ang Tokyo Disney Resort date plan na nagkakahalaga ng 70,000 yen o halos 29,000 pesos kung saan magiging isang sweet couple kayo na namamasyal sa Disneyland. May mga kumpanya rin na nag-aalok ng Premium Date Course sa halagang 50,000 yen o  20,000 pesos kung saan sasabihin mo ang mga bagay na gusto mong maranasan sa isang date tulad ng pagpunta sa beach, pagnood ng sunset, at iba pa. 

At dahil ikaw ang masusunod sa iyong date, sa tamang halaga ay pwedeng-pwede na kahit saan kayo pumunta. May mga ibang mayayaman na kumukuha ng Boyfriend for Hire para makipagdate sa ibang bansa o kaya sumama sa isang bakasyon kasama ang kanilang pamillya. Basta ay hindi ito lalabag sa palatuntunan ng kanilang kumpanya, susundin ng iyong Boyfriend for Hire ang lahat ng gusto mo.

Bakit Sila Naghahanap ng Boyfriend for Hire?

Hindi lahat ng tao ay tanggap ang konsepto ng Boyfriend for Hire. Maaaring para sa iba ay isa itong kakaiba at nakakatawang bagay pero sa kultura ng Japan, isa itong malaking tulong lalo na sa mga taong malungkot at mag-isa sa buhay. 

Karamihan sa mga kumukuha ng Boyfriend for Hire ay ang mga babaeng nasa edad na 20 hanggang 40. Sa kultura ng Japan kung saan inaasahan ang lahat na ituon ang kanilang buong atensyon sa trabaho, maraming mga babae ang wala nang panahon at oras na pumasok sa isang tunay na relasyon. 

Pero dahil gusto pa rin nilang maranasan ang magkaroon ng boyfriend, kumukuha na lamang sila ng Boyfriend for Hire. Ganoon din ang solusyon ng iba kapag nagiging makuliit at mapilit na ang kanilang pamilya na pumasok na sa isang relasyon ang kanilang dalagang anak. 

Marami rin sa mga naghahanap ng Boyfriend for Hire ay gusto lang magkaroon ng kausap sa kanilang mga problema. Kahit maunlad ang bansang Japan, malaki ang kanilang problema pagdating sa mental health.

Noong 2020 sa Japan, mas marami pang namatay sa suicide sa loob ng isang buwan kaysa sa mga namatay sa COVID sa loob ng isang taon. Tumaas ng 83% ang suicide rate pagdating sa mga babae at itinuturo ito sa mahabang oras ng pagtratrabaho, social isolation o pag-iisa, matinding pressure sa tahanan at eskwelahan, at ang kultural na stigma sa Japan kung saan hindi masyadong pinag-uusapan ang mental health.

Ang Boyfriend for Hire at iba pang parehas na serbisyo ay naging paraan para sa mga Hapon na maibsan ang kanilang kalungkutan kahit pansamantala lamang ito. Napupunan din ang kanilang pangangailangan sa pisikal at verbal na affection. Habang hindi man ito maintindihan ng karamihan lalo na sa labas ng Japan, hindi maikakaila na naging positibo ang naidulot nito para sa mga kababaihan at sa mga ibang Hapon na naghahanap ng For Hire na serbisyo. 

For Hire Services Bukod sa Fake Boyfriend

Hindi lang sa boyfriend nagtatapos ang mga for hire services sa Japan. Mayroon ding Family for Hire kung saan pwede kang mag-renta ng tatay, nanay, o anak na magiging parte ng pamilya mo sa isang araw. Kalimitang kumukuha ng serbisyong ito ay ang mga matatanda na naninirahang mag-isa. Meron ding mga single parent na kailangan ng pansamantalang asawa para makapasok ang kanilang anak sa magandang paaralan dahil gawain sa Japan ang kumuha ng impormasyon tungkol sa family background.

Alam mo bang pwede ka ring magrenta ng tao para pumunas ng iyong luha? Tinatawag silang Handsome Weeping Boys na magiging kasama mo kung ikaw ay nakararanas ng matinding kalungkutan. Hinihikayat din ng Handsome Weeping Boys na ilabas ang kanilang saloobin sa pag-iyak para gumaan ang kanilang pakiramdam.

Kung gusto mo naman ng kasama lang sa pang-araw araw, pwede kang magrenta ng tao na literal na walang ginagawa. Kailan lamang ay nag-viral sa buong mundo si Shoji Morimoto kung saan pinaparentahan niya ang kanyang sarili para lang sumunod sa iyo.

Hindi siya magsasalita kung hindi kailangan at sasama lang siya sa iyo. Marami nang lumapit kay Shoji at ilan sa mga naging kliyente niya ay kinailangan siya para may makasamang kumain ng tanghalian, makumpleto ang bilang ng isang gaming team para sa kompetisyon, mag-file ng divorce papers, at noong pandemic, makinig sa mga health care workers sa kanilang mga dinadaing sa trabaho.

Maraming mga bagay sa Japan na tanyag dahil sa angking kakaibahan nito at isa lamang sa maraming halimbawa ang serbisyong Boyfriend for Hire. Kung bibigyan ka ng pagkakataon, kukuha ka rin ba ng For Hire na serbisyo? 


No comments:

Post a Comment

Sponsor