Kilalanin Ang Lalaking May Pinakamalaking Dila

Kilalanin Ang Lalaking May Pinakamalaking Dila Na Si Dante Barnes

Kilalanin Ang Lalaking May Pinakamalaking Dila
Isang lalaking naisipang sukatin ang sariling dila, biglang naging record holder sa Guiness!

Sa tuwing nanunuod tayo ng iba’t ibang videong nakikita natin sa internet, minsan ay hindi natin naiiwasang makisabay sa trend o ’di kaya’y gawin ang anumang makita natin dito. Ganoon na siguro talaga ang impluwensiya ng social media sa buhay nating mga tao sa panahon ngayon. 

Mapamatanda, mapabata, babae man o lalaki at kahit nasaang lupalop man ng mundong naaabot ngayon ng internet. Ngunit minsan mo na bang naisipang sukatin ang kahit anong parte ng iyong katawan, pagkatapos ay i-post ito sa social media? ’Tulad ng ginawa ng lalaking ito, na ngayon ay hawak na ang titulong “Man With The Largest Tongue Circumference In The World” ayon sa Guiness Book of World Records! 

Paano nga ba ’yon nangyari? Sino nga ba ang lalaking ito? At ano nga ba ang hatid ng ’di pangkaraniwang katangian ng dila niya sa kaniyang buhay? Tara’t alamin! 

Disyembre abente kuwatro ng taong 2021, kinilala ng Guiness Book of World Records ang isang lalaki, bilang may pinakamalaking dila sa buong mundo! Siya si Dante Barnes ng Battle Creek, Michigan, USA. 

Ipinanganak noong Ikalabing apat ng Disyembre, taong 2000 ang Tiktok Star na si Dante Barnes. Sumikat siya dahil sa pagpapakita ng tricks na ginagawa niya gamit ang kanyang dila. Nagpo-post siya ng mga optical illusions, comedy content at mga video na tumutugon sa mga komento ng fan sa kanyang infernoarts account, kung saan nakakuha siya ng mahigit 850,000 followers at 16 million likes. 

Ayon mismo rito kay Dante Barnes ay aksidente lamang ang naging pagkakadiskubre niya sa kakaiba at tila hindi pangkaraniwang katangian ng kaniyang dila. 

Isang araw, matapos niyang manuod ng video ng isang taong nagpapakita ng sukat ng circumference ng dila nito ay naisipan niya rin daw iyong gayahin. Nang subukan niyang sukatin ang sariling dila, ay nagulat siya nang umabot sa 4.8 inches ang circumference nito! 

Talaga namang kakaiba iyon, kumpara sa normal na sukat ng dila ng isang tao dahil ’di hamak na mas malaaki ito sa iba! Dahil doon ay naisipan ni Dante na ibahagi iyon sa publiko sa pamamagitan ng papo-post ng video sa social media tungkol dito. 

Hindi niya naman inaasahang sa isang iglap ay naging internet-sensation ang nasabing video ni Dante, hanggang sa umabot na iyon sa mahigit-kumulang 69 million views! Nakarating sa kaalaman ng Guiness Book of World Records ang impormasyong iyon, at agad silang nagsagawa ng assessment tungkol dito. 

Hindi nagtagal ay kinumpirma nilang may sukat ngang 12.19 centimeters o 4.80 inches ang circumference ng dila ni Dante Barnes, na ayon din sa kanila ay maikukumpara naman sa diameter ng isang Ping Pong ball. 

Kapag pinalawak, ang dila ni Dante ay umaabot din sa humigit-kumulang 1.65 inches ang taas at 1.57 inches naman ang lapad. Ang ating dila ay isa sa pinakamalakas na muscle ng ating katawan. Ito ang dahilan kaya tayo nakakakain at nakapagsasalita…at dahil ’di hamak na mas malaki nga ang dila ni Dante kumpara sa normal na dila ng tao, ay mas marami rin siyang nagagawa sa pamamagitan nito. 

Ayon sa kaniya ay kaya niya raw itong igalaw-galaw kagaya ng iba pang kalamnan, ’tulad ng pagbaluktot ng daliri o ’di kaya’y pag-aangat ng timbang. Ngunit ’tulad din naman ng iba pang muscles sa kaniyang katawan ay nakadaranas din daw ito ng ngalay at pagod. 

Hindi sigurado si Dante kung ano nga ba ang tawag sa kakaibang katangiang ito ng kaniyang dila, o kung bakit nga ba mayroon siya nito. Hindi pa raw kasi niya kailan man naipatitingin ’yon sa isang espesyalista. 

Ngunit may ilang videos daw siyang nakitang ginawa ng mga tao tungkol sa kaniyang dila, at ayon sa kanila ay tinatawag daw itong Macroglossia—isang kondisyon kung saan ang taong mayroon nito ay may malalaking dila kumpara sa tipikal na sukat nito. 

Ayon sa pag-aaral ay mas nakaaapekto raw ito sa bata kaysa sa matatanda, at kadalasan ay kaakibat ito ng iba pang kondisyon ’tulad ng Down Syndrome, o ’di kaya’y impeksyon at ilang uri ng kanser. Bagama’t proud siya at marami rin namang mga taong naaaliw sa kaniya at sa kaniyang dila, ’di maikakaila ni Dante Barnes na hindi lahat ay natutuwa sa pagkakaroon niya ng kakaibang katangian. 

Hindi raw ito gusto ng kaniyang nobya. Para sa babae ay nakadidisgusto raw iyon. Maging ang sariling mga magulang ni Dante ay nagulat din nang makarating sa kanila ang balita tungkol sa pagkakaroon niya ng kakaibang dila at sinabihan daw siya ng mga itong huwag na ulit iyong gagawin! 

Bagama’t may mga negatibong puna siyang natatanggap dahil sa kaniyang hindi pangkaraniwang dila, para kay Dante, ang pagkakaroon ng ganitong klase ng katangian ay dapat na ipagmalaki at hindi dapat ikahiya. 

Para sa kaniya ay isa raw itong ‘regalo’ na hindi niya akalaing magbibigay sa kaniya ng pagkakataong magkaroon ng titulo sa Guiness Book Of World Records. 

CONCLUSION: 

Hindi lang naman si Dante Barnes ang mayroong tongue-related record sa Guiness. 

Ilan pa sa mga ito ay ang mga titulong: World’s Longest Tongue, na hawak nina Nick Stoeberl ng Salinas, California, USA, habang ang female counterpart naman ng titulong ito ay hawak ni Chanel Tapper ng Los Angeles, California, USA. Ang World’s Widest Tongue na hawak naman nina, Brian Thompson ng La Cañada, California, USA at Emily Schlenker ng Syracuse, New York, USA. 

At ang Dog With The World’s Longest Tongue na ibinigay noon sa asong nagngangalang Mochi—isang female Saint Bernard mula sa South Dakota, USA, na sa kasamaang palad ay sumakabilang buhay na sa ngayon.

Ikaw, ano ang gagawin mo kung isang araw ay bigla ka na lang maging record holder ng titulo sa Guiness Book of World Records dahil lang sa panggagaya mo sa isang napanuod mong video? Ano ang masasabi ninyo tungkol sa paksa natin ngayon? Tara na at pag-usapan ’yan sa comment section

No comments:

Post a Comment

Sponsor