Bakit Bawal Ang Kulay Yellow sa Malaysia?
Bakit Bawal Ang Kulay Yellow sa Malaysia?
Maraming kahulugan ang pwedeng ibigay sa kulay dilaw. Maaaring ito ay simbolo ng kasiyahan at muling pagsikat ng araw. Kulay din ito ng pagiging optimistic at katalinuhan.
Iba’t iba rin ang pagtingin ng bawat bansa o siyudad sa kulay dilaw. Sa New York, ang kanilang mga taxi cabs ay naging iconic dahil sa matingkad na kulay dilaw. Ang dilaw sa China ay itinuturing simbolo ng kapangyarihan at kayamanan kaya naman tradisyon sa kanila na maglagay ng mga bagay na kulay dilaw sa kanilang tahanan. Pagdating naman sa Pilipinas, sikat ang kulay dilaw dahil sa isang partikular na political party.
Pero alam mo ba na may isang bansa na may partikular na abersyon sa kulay dilaw?
Sa bansang Malaysia, ang simpleng pagsuot ng kulay dilaw ay maaari kang mahantong sa kulungan. Noong February 2016, inanunsyo ng dating Malaysian Deputy Prime Minister Ahmad Zahid Hamidi ang pagbawal sa damit na kulay yellow. Nagdulot ito ng malawakang protesta at civil unrest sa buong bansa na maigting na pinanood ng buong mundo.
Pero bakit nga ba bawal ang kulay dilaw sa Malaysia? Ano ang sinisimbolo ng kulay na ito at napagpasyahan ng gobyerno na arestuhin ang mga Malaysians na may suot nito? At bakit naging sanhi ito ng malawakang protesta? Kilalanin ang kwento sa likod ng kulay dilaw at ang Bersih 4 rallies sa Malaysia.
Ano ang Bersih 4 Rally?
Para maintindihan kung bakit naging bawal ang kulay dilaw sa bansang Malaysia, mahalagang balikan natin ang serye ng mga demonstrasyon at rallies na nangyari sa mga lungsod ng Kuala Lumpur, Kota Kinabalu, Kuching, at sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ang Bersih 4 rally ay ang bansag sa isinagawang sunod-sunod na kilos protesta sa iba’t ibang malalaking lungsod sa Malaysia noong August 29 hanggang August 30, 2015. Ang bulto ng rally ay ginanap sa siyudad ng Kuala Lumpur, Kota Kinabalu, at Kuching. Sinabayan din ito ng mobilisasyon sa higit na 70 mga siyudad sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang pakikiisa sa mga mamamayan ng Malaysia.
Pero ano nga ba ang ipinupunto ng Bersih 4 rally?
Ang Bersih sa salitang Malay ay nangangahulugang malinis. Inorganisa ang malawakang rally ng The Coalition for Clean and Fair Elections. Ang grupong ito ay isang koalisyon ng non-government organizations sa Malaysia na naglalayong panatilihing malaya, malinis, at walang dayaan ang eleksyon.
Sa Bersih 4 rally inilabas ng mga Malaysians ang kanilang malawakang panawagan na pababain sa pwesto ang dating Prime Minister na si Najib Razak. Ayon sa mga organizers ng Bersih 4, tinatayang nasa halos kalahating milyon ang dumalo sa rally na isinagawa sa Kuala Lumpur at hindi imposible na lumagpas ang bilang sa higit na isang milyon para sa kabuuan ng Bersih 4.
Naging sikat ang kulay dilaw sa Malaysia matapos itong suotin ng mga nagpro-protesta sa Bersih 4. Ang dilaw na damit na may salitang “Bersih” na nangangahulugang malinis ang naging simbolo ng opposisyon na naging kilala sa buong mundo.
Dahil dito, inanunsyo ng dating security minister ng Malaysia na ipagbawal ang pagsusuot ng damit na kulay dilaw noong 2016 dahil ito raw ay umanong banta sa seguridad ng bansa. Rallyista man o hindi, hinuhuli ng mga pulis ang sinumang makitang magsuot ng dilaw na damit dahil sa koneksyon nito sa Bersih 4 rally noong 2015.
Ano ba ang dahilan ng Bersih 4 rally na yumanig sa bansa ng Malaysia at tinutukan ng buong mundo?
Sino si Najib Razak?
Nagkaroon ng Bersih 4 rally dahil sa kagustuhan ng mga Malaysians na pababain sa pwesto ang dating Prime Minister Najib Razak. Mahaba ang kasaysayan ni Razak sa pulitika at kung susuriin ang mga pangyayari, ang Bersih 4 rally ay bunga ng matagal na kawalang-tiwala ng mga Malaysians sa kanya.
Balikan natin ang pagkapanalo ni Najib Razak sa general elections ng Malaysia noong 2013. Iba ang paraan ng pagpili ng Prime Minister sa Malaysia at hindi ito tulad sa Pilipinas kung saan lahat ng matataas na posisyon sa gobyerno tulad ng President at mga Senador ay pagbobotohan ng mga tao. Sa Malaysia, ang mga botante ay pipili ng kanilang mga representatives sa gobyerno at ang mga mananalong representatives ay magbobotohan kung sino ang magiging Prime Minister.
Parte si Najib Razak ng isang pro-government party sa Malaysia. Noong panahon ng kampanya, malakas ang hatak ng oposisyon sa mga Malaysians kaya naman naging malaking gulat para sa mga nakararami na nakuha ng pro-government party ang mayorya ng elected representatives. Nang magbotohan ang mga representatives para sa pwesto ng Prime Minister, nanalo si Najib Razak.
Kahit klaro ang pagkapanalo ni Razak sa pagiging Prime Minister, hindii nakuntento ang mga Malaysians na naging patas at malinis ang general elections para sa mga representatives. Mula sa mga third party reports, nakita na may mga iregularidad sa mga polling preciints tulad ng pagkakaroon ng mga phatom voters, mga kaso ng blackouts, pati na rin ang umano’y kwestyonableng paggamit ng indelible ink ng Malaysian Election Commission.
Dahil dito, sinalubong ng protesta ang unang termino ni Razak sa pagiging Prime Minister. Nangyari ang 2013 Malaysian General Election Protest o mas kilala bilang Himpunan Black Out 2013. Tumagal ang protesta ng halos isang buwan at ginanap ito sa iba’t ibang siyudad ng Malaysia. Ganumpaman, hindi naging matagumpay ang protesta dahil nanatiling matatag ang Election Commission ng Malaysia na walang nangyaring dayaan.
Sa unang dalawang taon ng pamumuno ni Razak bilang Prime Minister, hindi na muling naulit ang malawakang rally tulad ng Himpunan Black Out 2013. Ngunit nang sumiklab ang isang malawakang corruption scandal noong taong 2015, sinalubong muli si Razak ng isang malawakang protesta at sa pagkakataong ito, naging mas malakas ang pwersa ng mga mamamayan ng Malaysia.
2015 Malaysian Corruption Scandal
Pumutok ang malawakang corruption scandal sa Malaysia noong July 2015 kung saan natuklasan ang bilyon-bilyong dolyar na ninakaw ni Najib Razak mula sa 1Malaysia Development Berhad, isang tinuturing government super fund.
Nagsimula ang scandal dahil sa isang document leak na naglalaman ng impormasyon kung saan halos 700 million USD o halos 39 billion pesos ang inilipat ni Razak mula sa 1MDB patungo sa kanyang personal bank accounts gamit ang iba’t ibang international shell companies at offshore bank accounts. Kinalaunan, natagpuan ng US Department of Justice na nasa hit na 4.5 billion USD o halos 250 billion pesos ang ninakaw ng pamilyang Razak mula sa Malaysian public funds.
Mariing itinanggi ni Najib Razak at ng kaniyang asawa na wala silang ninakaw na pera at tanging biktima lamang sila ng propaganda at fake news. Sinubukan nilang pigilan ang paglabas ng balita ng kanilang korapsyon sa pag-block ng mga websites ng news agencies na naglalabas ng report sa 1MDB scandal. Hindi rin binigyan ng renewal of franchise o prangkisa ang isang news publication na isa sa mga unang naglabas ng impormasyon tungkol sa corruption scandal.
Bumuo ng isang task force ang ibang kawani ng gobyerno para imbestigahan si Razak at ang 1MDB scandal. Ngunit matapos lamang ang halos dalawang linggo ay sinibak ni Razak ang mga iba’t ibang kritiko at opposisyon sa gobyerno na may koneksyon sa pag-iimbestiga ng anomalya sa 1MDB at pinalitan niya ito ng mga tao na kampi sa kanya.
Dahil dito, naging matagumpay si Najib Razak sa pagpapatigil ng imbestigasyon sa 1MDB scandal.
Ang Magarbong Buhay ng Pamilyang Razak
Sa kaliwa’t kanang imbestigasyon ng 1MDB corruption scandal bago ito mapahinto at sa mga sunod-sunod na document leaks, nalaman ng publiko kung gaano naging karangya ang buhay ng pamilya at mga kaibigan ni Najib Razak gamit ang public funds ng Malaysia.
Ayon sa mga iba’t ibang ebidensya at testimonya, bilyon-bilyon ang winaldas ng pamilyang Razak sa pagbili ng mga luxury items, ari-arian, at mga mamahaling paintings. Kasama sa mga natunton ay ang 22-carat pink diamond necklace na binili ng asawa ni Razak na nasa 27.3 million USD o higit sa 1.2 billion pesos ang halaga, mga paintings ni Pablo Picasso, Van Gogh, Monet, at Warhol na tinatayang nasa higit 200 million USD o halos 11 billion pesos, at mga iba’t ibang luxury real estates sa America.
Hindi lamang ang pamilyang Razak ang nakinabang sa nakaw na yaman. Nagbigay din ng mga mararangyang regalo si Najib at ang kanyang asawa sa kanilang mga kaibigan. Isa rito ay si Jho Low na itinuturing mastermind ng 1MDB scandal na nakatanggap ng isang superyacht galing kay Razak na tinatayang may halagang 250 million USD o halos 14 billion pesos.
Ang Pagkulong kay Najib Razak
Panandaliang naging matagumpay si Razak sa pagpapatigil ng imbestigasyon sa kanya ngunit dahil sa Bersih 4 rally, nakilala siya sa buong mundo bilang isang korap na pulitiko.
Hindi rin sinunod ni Razak ang demanda ng mga mamamayan ng Malaysia na magbitaw sa pwesto. Sa halip ay nanawagan siya ng pagkakaisa ng lahat. Bagay na mas lalong ikinagalit ng mga Malaysians.
Pagdating ng 2018 elections, tagumpay na napatalsik si Najib Razak sa pwesto. Sa ilalim ng bagong pamumuno, nabuksan muli ang pag-iimbistiga sa mga alegasyon laban sa dating Prime Minister at sa mga kasangkot sa 1MDB corruption scandal.
Bukod sa imbestigasyon sa Malaysia, nagkaroon din ng paglilitis sa United States para mabawi ang mga nakaw na yaman ng pamilyang Razak. Kinuwestyon ang mga iba’t ibang ari-arian ni Najib Razak at ng kanyang asawa na naging sikat dahil sa kanyang magarbong koleksyon ng mga mamahaling designer handbags at alahas.
Lumabas ang iba’t ibang mga testimonya laban kay Najib Razak at sa kanyang asawa. Kahit ang sarili nilang kamag-anak ay publikong kinundena ang kanilang pagnanakaw. Sa isang statement na inilabas ng stepdaughter ni Najib Razak, sinabi niya na masaya siya dahil sa wakas ay pagbabayaran na ng kanyang mga magulang ang kanilang ginawa.
Dagdag dito, kinuwento rin niya kung papaano siya ginawang “cash mule” ng mag-asawa. Ayon sa kanya, maraming mga naglalakihang steel safe ang punong-puno ng pera at alahas ang tinago ni Razak. Kinumpirma naman ito ng mga awtoridad matapos ma-raid ang mga ari-arian ni Najib Razak.
Inaresto si Razak noong July 2018 ng Malaysian Anti-Corruption Commission ngunit nakapag-piyansa rin siya. Sa loob ng dalawang taon, dininig ang patong-patong na kaso laban kay Najib Razak na konektado sa 1MDB corruption scandal at grave abuse of power. Nahaharap sa 42 na kaso ang dating Prime Minister.
Noong July 2020, dineklarang guilty ng Malaysian High Court si Najib Razak sa seven counts ng abuse of power, money laundering, at criminal breach of trust at sinentensyahang makulong ng 12 taon. Si Razak ang kauna-unahang Prime Minister ng Malaysia mahatulang guilty ng korappsyon.
Bukod sa 12 taon na pagkakakulong, nahaharap din si Najib ng sintensyang anim na sunod-sunod na 10 taon ng pagkakakulong mula sa iba pang mga kaso na isinampa sa kanya.
Hindi lamang si Najib Razak ang humarap sa patong-patong na kaso. Kasama rin sa mga akusado ang kanyang asawa na itinuturing First Lady of Malaysia. Sa isinagawang raid, kinumpiska ng gobyerno ang kanyang luxury collection na may halos 300 na designer handbags at 72 malalaking supot ng mga alahas at luxury watches. May mga ebidensya rin na nakita na siya ay tumulong sa pagnanakaw ni Najib Razak. Humaharap ngayon ang First Lady of Malaysia sa patong-patong na kaso ng money laundering at tax evasion habang ang karamihan sa kanyang mga kayamanan ay kunimpiska ng gobyerno.
Patuloy pa rin ang pagdinig sa mga natitirang kaso laban sa mag-asawa. Noong December 2021, humingi ng appeal ang mga abogado ni Najib Razak laban sa mga kaso sa kanya ngunit hindi ito pinayagan ng Court of Appeal of Malaysia. Sa kasalukuyan, si Razak at ang kanyang asawa ay on-bail at patuloy na ginigiit na wala silang ninakaw na yaman sa kabila ng mga ebidensya at testimonya.
Usap-usapan din sa Malaysia ang pagbabalik ni Najib Razak sa pulitika ngayong 2022 matapos niyang tulungan ang isang political party na manalo sa isang snap election. Bagay na lubhang ikinabahala ng mga Malaysians dahil sa kabila ng pagnanakaw ng pamilyang Razak, may mga tao paring patuloy na sumusuporta kay Najib Razak.
Ayon naman sa mga lider ng Bersih rally, handa silang magsagawa ng ika-limang Bersih rally kung patuloy pa rin na mananatili ang mga kriminal at kurap na pulitiko sa gobyerno ng Malaysia. At kung nagkataon, muling mamamayagpag ang kulay dilaw sa kalsada ng bansang Malaysia.
No comments:
Post a Comment