Dating Sikat na Action Star na si John Regala, Hiling na Makabalik sa Pag-arte
Dating Sikat na Action Star na si John Regala, Hiling na Makabalik sa Pag-arte
Maraming netizens ang naawa at naantig sa kalagayan ngayon ng dating action star na si John Regala. Isa lamang kasi si John sa mga matagumpay na aktor noon na ngayon ay naghihirap na. Nanawagan nga si John sa mga TV network na bigyan siya ng trabaho at pagkakataon na makabalik sa pag-arte.
Kung matatandaan, dekada 80 nang unang pasukin ni John o John Paul Guido Boucher Scherrer sa tunay na buhay ang mundo ng showbiz nang mapabilang siya sa sikat na variety show na "That's Entertainment", na pinangungunahan ng namayapang si German Moreno o 'Kuya Germs'.
Noong Dekada 90, ay lalong sumikat at nakilala si John dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa iba't ibang pelikula at teleserye bilang 'bad boy' at 'kontrabida'.
Ilan lamang sa mga pelikula na kanyang pinagbibidahan na tumatak sa marami ay ang "Boy Kristiano" (1989), "Isa-Isahin ko Kayo" (1990) , "Primitivo Ebok Ala: Kalaban Mortal ni Baby Ama" (1992), at "Vizconde M@ssacre: God Help Us" (1993).
Ngunit nagsimulang mawala ang kinang ng karera ni John noong huling bahagi ng 2000, matapos lumabas ang mga isyu tungkol sa pagkalulong umano niya sa bisyo, gaya ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hanggang na-diagnose siya na may Liver Cirrhosis, isang uri ng sakit sa atay na mas lalong nagpahirap sa pagbalik niya sa pag-arte.
Samantala, sa kabila ng kanyang karamdaman at kalagayan, iginiit ni John na kaya pa rin niyang umarte. Nanawagan nga si John sa mga TV network na bigyan siya ng trabaho.
Matatandaang huling napanood sa telebisyon si John sa longest-Kapamilya action series na "Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Mensahe pa ni John, "Pakiusap ko lang po sana sa mga television network, bigyan niyo naman ako ng trabaho."
Nilinaw din ni John na maayos pa rin ang kanyang kalagayan ngayon at nagpapalakas umano siya.
Sinabi rin niyang alam niyang walang kagalingan ang kanyang karamdaman kaya inuubos na lamang niya ang kanyang lakas sa paglilingkod sa Panginoon.
Bukod dito, kaya nais din umano niyang bumalik sa pag-arte dahil ito raw ang nagbibigay kasiyahan sa kanya.
Ani John, "Kaya ko pa naman [umarte] dahil ito ang makapagpapasaya sa akin. Maraming salamat po."
Pinasalamatan naman ni John ang kinabibilangan niyang relihiyon na Iglesia Ni Cristo at iba niyang loyal supporters dahil hindi raw siya pinabayaan ng mga ito, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Aniya, “Maraming-maraming salamat sa mga tao na patuloy na naniniwala sa akin at nananalangin para sa akin. Maraming salamat din sa mga sa tao na tumutulong at sumusuporta sa akin. Hinding-hindi ko kayo makakalimutan, baon-baon ko kahit saan ako makarating ang kagandahang-loob n’yo sa akin."
Sa ngayon ay nasa kanyang condo unit lamang si John—at naghihintay ng pagkakataon na makabalik sa pag-arte.
Aniya, “Okay lang po ako ngayon at nagpapalakas…Nandito lang po ako sa aking condominium unit at naghihintay ng pagkakataong makabalik sa pelikula. Pero ang pag-arte sa mga pelikula at teleserye ang mga bagay na inaasam-asam na muling maranasan ang hiling ko lang."
No comments:
Post a Comment