Mga Artista na Naging OFW Matapos Mawala Sa Showbiz

Kilalanin Ang 7 Artista na Naging OFW Matapos Mawala Sa Showbiz

Mga Artista na Naging OFW Matapos Mawala Sa Showbiz

Walang kasiguraduhan sa mundo ng showbiz. 

Kahit gaano pa kagaling o ka-popular ang isang artista, maaaring magbago ang takbo ng kanyang karera sa isang iglap lamang. 

Kaya't hindi na nakapagtataka kung bakit mayroong ilang artista na sa kabila ng kanilang tagumpay at kasikatan na tinatamasa ay pinili pa rin na lisanin ang makinang na industriya ng showbiz para maghanap ng ibang 
magandang oportunidad sa ibang larangan o bansa.

Sa artikulong ito, kilalanin natin ang mga artista na nagpasyang magtrabaho sa ibang bansa o maging Overseas Filipino Worker (OFW) matapos nilang lisanin ang showbiz.

1. Carol Banawa


Isa sa itinuturing na pinakamagaling na singer sa bansa ay walang iba kundi si Carol Banawa o Carol Claire Banawa sa tunay na buhay. 

Sumikat si Carol noong ‘90s dahil sa kanyang galing sa pagkanta. Ilan lamang sa kantang kanyang pinasikat ay “Iingatan Ka”, “Bakit ‘Di Totohanin,” at “‘Till My Heartaches End" na hanggang ngayon ay nananatiling paboritong mga kanta ng mga Pinoy. 

Bukod naman sa pagkanta, ipinamalas din ni Carol ang kanyang talento sa pag-arte. Naging bahagi siya ng ilan sa hindi malilimutang TV series sa bansa gaya ng "Ang TV" at "Tabing Ilog".  

Hanggang taong 2003 ay pansamantalang huminto sa showbiz si Carol matapos sunod-sunod na dumating ang mga pagsubok sa kanyang buhay.

Isa na rito ang pagpanaw ng kanyang nakakatandang kapatid dahil sa carbon monoxide p0isoning. 

Hindi rin agad nakabalik sa showbiz si Carol pagkatapos ng pagkawala ng kanyang kapatid dahil kinailangan naman dalhin at ipagamot sa Amerika ang kanyang ama.

Hanggang sa nagpasya na nga si Carol na tuluyan nang tumigil sa showbiz para mag-aral ng nursing sa Amerika.  

Noong 2018 ay natapos ni Carol ang kanyang nursing degree kung saan nagtapos siya ng summa cum laude sa Northern Virginia Community College sa Washington DC. 
 
At sa ngayon, nagtatrabaho si Carol bilang isang nurse. 

Sa Amerika na rin niya nahanap ang lalaking kanyang mapapangasawa na si Ryan Crisostomo,  na isang military officer kung saan mayroon silang tatlong anak.


2. Spencer Reyes


Malayo man sa tinapos niyang kurso na nursing, proud pa rin ang dating miyembro ng ‘90s dance group na “Streetboys” na si Spencer Reyes sa kanyang trabaho sa bansang Scotland bilang isang professional bus driver ng mga doctor at nurse doon.

Lingid sa kaalaman ng marami, tumigil sa showbiz si Spencer taong 2008 upang makipagsapalaran sa England. Doon ay nag-aral siya ng nursing sa pag-asang makakapagtrabaho siya roon bilang nurse. Gayunpaman, may ibang plano ang Panginoon para kay Spencer.

Taong 2014 nang lumipat si Spencer kasama ang kanyang asawa’t mga anak mula sa England patungong Scotland, at imbes na maging nurse doon ay naging isang bus driver siya ng mga doctor at nurse.

Malaki ang tulong ni Spencer sa healthcare industry ng Scotland lalo na noong pandemya kung saan bagama’t may banta ng covid ay hindi niya ito alintana basta maihatid lang nang ligtas sa ospital ang mga doctor at nurse.

Bago naman naging bus driver, nag-aral din si Spencer ng ilang vocational courses gaya ng electrical engineering at plumbing.

Ayon naman kay Spencer, hindi naging madali ang pagkuha niya ng lisensya bilang bus driver sa Scotland dahil strikto at kailangan umano niyang pumasa sa ilang pagsusulit at ebalwasyon na aniya, marami raw ang hindi nakakapasa.

Kaya naman itinuturing na malaking biyaya ni Spencer ang kanyang trabaho sa Scotland, hindi man ito ang trabahong pinangarap niya nang umalis siya ng bansa.

3. Princess Punzalan


Nursing din ang kursong kinuha ng award-winning actress at isa sa pinakamahusay na ‘kontrabida’ sa kasaysayan ng Philippine showbiz na si Princess Punzalan sa Amerika. 

Matatandaang marami ang nagulat at hindi maiwasang manghinayang nang lisanin ni Princess ang kanyang karera sa bansa noong 2005 para maging nurse sa Amerika.

Nakilala si Princess dahil sa kanyang pagganap bilang kontrabida sa ilang hit teleserye sa telebisyon gaya ng “Mula Sa Puso” , “Now And Forever”, at “The Last Prince”. At masasabing isa siya sa pinakamatagumpay na aktres ng kanyang henerasyon.

Ngunit hindi napigilan ng magandang karera si Princess upang hindi mag-migrate sa Amerika para sa isang simpleng buhay kasama ang kanyang asawang si Jason Field.

Nag-aral nga si Princess ng nursing sa Amerika at matagumpay na nakapagtapos noong 2013. 

Samantala, bagama’t isa na siyang nurse, hindi naman kinalimutan ni Princess ang kanyang first love na walang iba kundi ang pag-arte.

Noong 2019, gumanap si Princess sa kanyang kauna-unahang Hollywood movie na “Yellow Rose” kung saan nakasama niya ang award-winning singer-actress na si Lea Salonga.

4. Ruby Rodriguez


Matapos ang 31 taon na pagiging co-host ng longest-running noontime show sa bansa na "Eat Bulaga", namaalam sa programa noong 2020 ang TV host-comedian na si Ruby Rodriguez.

Ngunit ayon kay Ruby, dapat sana'y pansamantala lang ang pag-alis niya sa programa dahil balak pa sana niyang bumalik. Bukod dito, hindi pa rin umano siya nakakapagsumite ng resignation letter.

Gayunpaman, tuluyan siyang nawala sa show matapos magpasya ang management nito na tanggalin siya.

Bagama't hindi sinabi ni Ruby ang tunay na dahilan kaya siya tinanggal, matatandaang noong mga panahong iyon, limitado lang ang mga host na pinapayagan na mag-live show dahil sa quarantine restrictions o protocols.

Dahil wala na siyang trabaho, kaya naman nagpasya na lamang si Ruby na umalis ng bansa upang maghanap nv mas magandang oportunidad sa Amerika noong 2021.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Ruby sa konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles, California, sa Amerika.

5. Jaya


Noong Hulyo 2021, lumipad si Maria Luisa Ramsey Kagahastian-Gotidoc, na kilala bilang Jaya, patungong Amerika kasama ang kanyang anak at para narin makasama ang kanyang asawa na si Gary Gotigoc. Ayon sa kanya, mahirap ang kanyang desisyon dahil marami pang fans ang gustong marinig ang kanyang boses at makita siya sa telebisyon.

Bukod pa dito, nagkaroon sila ng magandang samahan ng kanyang mga dating katrabaho mula sa GMA-7 hanggang sa lumipat siya sa ABS-CBN at naging hurado sa Tawag ng Tanghalan segment ng It's Showtime.

Hindi raw madali ang kanilang pag-adjust lalo na nang masunog ang kanilang tinitirhang bahay doon. Ngunit sa tulong ng kamag-anak at mga kaibigan ay nakahanap agad sila ng bagong bahay na lilipatan. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin si Jaya sa pag-perform para sa kanyang mga kababayan sa Amerika.


6. Donita Rose


Matagal nang hindi napapanood si Donita Rose simula nang talikuran niya ang kanyang karera sa showbiz noong 2020 para tuparin ang isa sa kanyang mga pangarap na maging chef sa Amerika.

Sa isang panayam ni Dyan Castillejo, inamin ni Donita na nahihirapan siyang kumita ng pera sa Pilipinas lalo na ngayong pandemya at wala rin siyang natatanggap na suporta mula sa ama ng kanyang anak na si John Paul 'JP' Villarama.

Isa rin sa mga dahilan kung bakit siya nagdesisyon na bumalik sa Amerika ay dahil namimiss na rin niya ang kanyang pamilya. Halos nabenta na rin niya ang lahat ng kanyang gamit at pag-aari sa Pilipinas. Noong Abril, inanunsyo niya sa kanyang social media na isa na siyang corporate chef sa isang supermarket chain na pagmamay-ari ng isang Pinoy sa Amerika.

Si Donita ay dating kasal kay Eric Villama at mayroon silang isang anak na lalaki. Noong 2015, nababalita na may problema sa kanilang relasyon at noong Disyembre 2016, ipinagkaloob ang kanyang petisyon na mapawalang-bisa ang kanilang kasal.

7. Michelle Madrigal


Noong 2016, iniwan ni Michelle ang kanyang karera sa showbiz upang mag pursige sa culinary sa Amerika. Ikinasal siya sa kanyang ex-husband na si Troy Woolfolk noong 2019 at biniyayaan sila nang anak na si Anika Austin. Subalit tumagal lamang ng dalawang taon ang kanilang kasal.

Naging online fitness coach din si Michelle at noong 2021, sumali siya sa global fitness competition na Ms. Health & Fitness at nakapasok siya sa Top 5. Noong 2022 naman ng ibahagi niya ang kanyang bagong trabaho bilang broker sa Texas, kung saan siya nakabase sa nakaraang anim na taon.

Inanunsyo din niya sa kanyang Instagram account ang kanyang relasyon sa kanyang bagong boyfriend na si Kyle. Parehong binisita ng magkasintahan ang Pilipinas at Thailand noong mga nakaraang holidays. 

No comments:

Post a Comment

Sponsor