Mga Celebrities na Maagang Nabuntis

Kilalanin ang 6 na Filipina Celebrities na Maagang Nabuntis

Mga Celebrities na Maagang Nabuntis
Para sa maraming kababaihan, ang pagbubuntis ay isang malaking biyaya.

Ngunit, para sa mga babae na nabuntis nang maaga, lalo na kung sila ay celebrity at nag-uumpisa pa lang o nasa tugatog ng kasikatan, isa itong malaking hamon dahil maaari nitong maapektuhan ang kanilang karera.

May mga aktres na nawalan ng proyekto at hindi makakuha ng mga papel dahil maaga silang nabuntis, at may ilan pa nga na tuluyang nawalan ng karera.

Pero may mga aktres din na nakayanan ang hamong ito at nabigyan pa rin ng pagkakataon na makabalik sa pag-arte.

Kilalanin sila sa artikulong ito:

Dimples Romana


Sa edad na 19, naranasan ng TV actress at entrepreneur na si Dimples Romana ang dalawang pinakamahirap na tungkulin sa mundo: ang maging asawa at ina. Bagamat maraming tao ang nagdududa sa kanilang pagpapakasal sa murang edad, nakita nina Dimples at ng kanyang asawang si Boyet Ahmee ang pagpapakasal ng maaga bilang isang biyaya. 

19 taong gulang lamang si Dimples nang sila ay ikinasal noong 2003, at ilang buwan matapos ang kanilang kasal, isinilang niya ang kanilang panganay na si Callie.

Gayunpaman, kahit nagpapasalamat si Dimples sa pagdating ni Callie nang maaga sa kanilang buhay, inamin niya na isang pagkakamali ang pagbubuntis niya nang maaga at hindi niya ito ipino-promote.

Sa kasalukuyan, bukod kay Callie, mayroon na ring dalawang anak si Dimples na sina Alonzo at Elio.

Jennylyn Mercado


Lubha namang naapektuhan ang karera ng “StarStruck” first season “Ultimate Female Survivor” na si Jennylyn Mercado matapos niyang i-anunsyo noong 2007 ang kanyang pagbubuntis na bunga ng relasyon nila ng aktor na si Patrick Garcia. Noong panahon na iyon, nawala kay Jennylyn ang kanyang role sa seryeng “Sine Novela presents Maging Akin Ka Lamang” na pagbibidahan sana nila ni Patrick. Dahil sa kanyang kalagayan, kaya pinalitan siya ni Nadine Samonte.

Sa sumunod na taon ay isinilang ni Jennylyn ang panganay niya na si Alex Jazz sa edad na 21, sa pamamagitan ng caesarian section.

Noong 2021, ikinasal si Jennylyn sa kanyang longterm boyfriend na si Kapuso actor Dennis Trillo. Winelcome naman nila ang kanilang unang anak na si Dylan Jade nooong April 25, 2022.

Andi Eigenmann


Si Andi Eigenmann, anak ng veteran actress na si Jaclyn Jose at yumaong aktor na si Mark Gil, ay nasa tugatog din ng kanyang karera nang siya ay mabuntis noong 2011 sa edad na 21. Sa katunayan, noong mga panahong iyon, ginagawa ni Andi ang Kapamilya teleserye na "Minsan Lang Kita Iibigin.” Ngunit ang kanyang karakter ay namatay sa huling tatlong linggo ng serye dahil limang buwang buntis na siya noon. 
Hanggang isinilang ni Andi ang panganay niyang si Ellie noong November 2011. Naging isang malaking isyu naman noon ang pagkakakilanlan ng ama ni Ellie pagkatapos sabihin ni Andi na ang kasalukuyang boyfriend niya noon na si Albie Casiño ang ama ng kanyang anak. 

Gayunpaman, itinanggi ni Albie ang mga pahayag ni Andi. Hanggang noong 2016, lumabas din ang katotohanan matapos ibunyag ng kapatid ni Andi na si Max na ang dating boyfriend noon ni Andi na si Kapamilya actor Jake Ejercito ang tunay na ama ni Ellie.

Noong 2017, tuluyang nilisan ni Andi ang mundo ng pag-arte para hanapin ang kanyang sarili. Napadpad naman siya sa isla ng Siargao kung saan natagpuan niya ang kanyang fiancé ngayon na si Philmar Alipayo. At bukod kay Ellie, nabiyayaan muli si Andi ng dalawang anak kay Philmar na sina Lilo at Koa.

Sarah Lahbati


Nabalot ng matinding kontrobersiya ang pagbubuntis ng actress-model na si Sarah Lahbati sa edad na 19. Noong 2013, bigla kasing umalis si Sarah sa set ng Kapuso series na “Indio” matapos siyang tumanggi na gawin ang ilang flying scenes. Umalis din siya ng Pilipinas para mag-aral sa Switzerland kahit hindi pa natatapos ang kontrata niya sa GMA-7.

Hindi rin nagtagal ay napabalitang buntis si Sarah sa panganay nila ng kanyang boyfriend pa noon na si Richard Gutierrez. Sa mga sumunod na buwan, todo-tanggi ang dalawa hinggil sa pregnancy issue.

Hanggang noong June 2014, ipinakilala nila sa lahat sa pamamagitan ng reality show ng pamilya ni Richard na “It Takes Gutz To Be A Gutierrez” ang kanilang panganay na si Zion.

Sa ngayon, happily married na sina Sarah at Richard sa isa't isa. At bukod kay Zion, may isa pa silang anak na si Kai.

Sofia Andres


Mahigit anim na buwan mula nang isilang ng Kapamilya actress-model na si Sofia Andres ang panganay nila ng kanyang boyfriend na si Daniel Miranda na si Zoe Natalia ay tsaka pa lamang niya inanunsyo sa publiko ang kanyang pagbubuntis.

Matatandaang ginulat ni Sofia ang lahat matapos niyang ibunyag sa pamamagitan ng isang documentary video na ibinahagi niya sa kanyang Instagram noong June 21, 2020, na may anak na siya.

Isinilang ni Sofia si Zoe sa edad na 21 noong November 24, 2019 sa Australia.

Janella Salvador


Katulad ng kanyang kaibigan na si Sofia, naging first-time mom din si Janella nang siya ay nasa kanyang early 20s pa lamang. Siya ay 22 taong gulang nang siya at ang kanyang dating kasintahan na si Markus Paterson ay magkaroon ng kanilang unang anak na si Baby Jude na isinilang noong Oktubre 20, 2020 sa United Kingdom.

Dahil sa kanyang pagbubuntis, pansamantalang nagpahinga ang aktres sa showbiz at sa kalaunan ay bumalik sa pamamagitan ng pagiging regular performer sa ASAP Natin 'To at siya ang napili para gampanan ang papel bilang ang iconicsupervillain na si Valentina sa kakatapos lamang na Darna: The TV Series sa ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment

Sponsor