Dolly de Leon, Malaki ang Utang na Loob kay Eugene Domingo
Dolly de Leon, Malaki ang Utang na Loob kay Eugene Domingo Dahil sa Pagpapaaral Nito sa Kanyang Anak
For good and bad times ang pagkakaibigan nina Dolly De Leon at Eugene Domingo.
Ipinagmamalaki ni Dolly sa panayam niya sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong April 26 ang pagiging mabuting kaibigan ni Eugene sa kanya.
Ibinunyag ni Dolly na bago pa man umano naging matagumpay ang kanyang buhay at karera bilang aktres ay naging sandigan muna niya ang veteran comedian-actress.
Lingid pala sa kaalaman ng marami, bago pumasok sa showbiz ay magkaibigan na sila ni Eugene.
Ayon kay Dolly, magkasama sila ni Eugene sa University of the Philippines (UP) theatre arts program kung saan naging mentor nila pareho ang National Artist for Theater na si Tony Mabesa.
Kwento ni Dolly, “Si Uge (palayaw ni Eugene) magkakilala na kami n’yan bata pa lang kami, teenagers pa kami. Magkasama kami sa UP theater arts so, barkada na kami n’yan.”
Ibinahagi nga ni Dolly na noong naghihirap siya sa buhay na umabot sa puntong wala na siyang pantustos sa pag-aaral ng kanyang anak, isa si Eugene sa mga taong hindi nagdalawang-isip na tulungan siya.
Masayang pagbabalik-tanaw pa niya, “At the time when I was going through really hard times kasi may time talaga na walang-wala na talaga akong pambayad ng kuryente, napatigil ‘yung anak ko sa pag-aaral dahil wala akong pambayad ng tuition. A lot of friends came to support me and Uge is one of them.
Si Eugene raw ang nagpaaral ng tatlong taon sa kanyang anak nang tumigil ito sa pag-aaral.
“She paid for my son’s tuition for three years. She never left,” paglalahad ni Dolly.
Ayon pa kay Dolly, sa kabila ng natamo na kasikatan at tagumpay ni Eugene, hindi raw ito nagbago bilang isang kaibigan.
Aniya, “Even if she reached that superstardom level already, she was always a friend. She was always Uge, as we know her.”
Samantala, masaya si Dolly dahil hanggang ngayon ay hindi raw nagbago ang pagkakaibigan nila ni Eugene at patuloy pa rin nilang sinusuportahan ang isa’t isa.
Lahad pa niya, suportado ni Eugene ang kanyang karera ngayon at nagbigay pa ng mga tips sa kanya bago ang awards ceremony.
“Ang laking tulong niya sa akin nito... nitong buong thing na nangyayari sa akin. Kasi, kumbaga, dinaanan niya ‘to, e, so alam niya kung anong gagawin,” ani Dolly.
Kumikinang ang pangalan ngayon ni Dolly nang maging kauna-unahang Pinay actress na na-nominate bilang Best Supporting Actress ng Golden Globe sa 76th British Academy for Films and Television Awards (BAFTA).
Ang karakter niyang si Abigail sa pelikulang “Triangle of Sadness” ang nagbigay sa kanya ng nominasyon sa BAFTA na katumbas ng Oscars sa Amerika.
Mula nang umani ng papuri ang kanyang pag-arte sa nasabing pelikula, sunod-sunod naman ang pagdating ng proyekto kay Dolly.
Una na rito ang kanyang cameo appearance sa Kapamilya teleserye na “Dirty Linen” kung saan gumanap siya bilang ina ng karakter ni Janine Gutierrez (Alexa) na si Olivia.
Samantalang makakasama naman ni Dolly si Kathryn Bernardo sa bago nitong proyekto na ang dark comedy film na “A Very Good Girl” na ipapalabas ngayong taon.
No comments:
Post a Comment