Panalangin Para kay Doc Willie Ong
Panalangin Para kay Doc Willie Ong
Ito'y matapos siyang puntiryahin ng sunod-sunod na fake news sa social media.
Hindi kaila sa marami na laganap ang fake news at misinformation sa social media.
At isa nga si Doc Willie sa mga naging biktima nito.
Kamakailan lang ay nasangkot sa isang kontrobersiya si Doc Willie matapos siyang idemanda ni Kris Aquino kaugnay ng fake advertisement ng "miracle food" na isang mixed nuts na epektibong gamot sa cancer na naka-post sa kanyang verified Facebook page.
Ayon sa kampo ni Kris, ginamit daw ni Doc Willie ang kanyang pangalan at mga larawan sa nasabing advertisement.
Pero, lumalabas na peke nga ang advertisement at hindi ito naka-post sa verified Facebook page ni Doc Willie.
At kamakailan, isang fake news na naman ang kumakalat na kine-claim na sinabi raw ni Doc Willie na masama ang gamot na metformin.
Ang metformin ay gamot para mapababa ang blood sugar level sa katawan.
Ngunit paglilinaw ni Doc Willie, fake news ito at kailanman ay hindi niya sinabing masama ang metformin.
Katunayan, matagal na raw niyang sinasabi na nakakatulong ang metformin.
Aniya, "'Yung unang problema nasagot ko na ngayon naman may kumakalat naman na isang…ewan ko ano ba to, sulat? Wala ngang source eh na sinabi ko daw masama daw ang metformin…Sabi pa dito na fake news naman, "kung ang doktor niyo ay nagrereseta ng metformin magpalit ka ng doktor ngayon din."
Depensa ni Doc Willie, "Grabe po yung paninira sa atin. Hindi ito totoo. Ang tagal ko na sinasabi, thirty years na akong doktor, lagi akong nagrereseta ng metformin. Sinusulat ko sa Pilipino Star since 10 years ago uminom ng metformin 500mg three times a day. Oh, sa lahat ng article ko metformin ang binibigay…Marami akong video paano iinumin ang metformin."
"So impossible ko pong gawin ito. Ang balita ko kumakalat na ito at marami nang doktor at pasyente nagagalit sa akin," dagdag niya.
Kaya naman nanawagan si Doc Willie ng panalangin at tulong sa gitna ng sunod-sunod na paninira sa kanya na palagay niyang isa raw "political attack".
Aniya, "Kaibigan humihingi po ako ng prayers at tulong nyo at iba po ang nangyayari sa atin ngayon…grabe po. Tuloy-tuloy po yung atake sa atin and wala akong maisip na ibang dahilan kundi isang political attack ito ngayon eh."
Ibinahagi naman ni Doc Willie na maaaring konektado ang mga pag-atake sa kanya sa mga balitang 'di umano'y posible siya ang itatalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. bilang secretary ng Department of Health (DOH).
Aniya, "Wala na akong ibang maisip eh. Sa tingin ko connected to sa DOH post. Wala na po akong ibang maisip. Iyong una, iniisip ko na baka tsamba. Ito tuloy na tuloy na po."
Nilinaw naman ni Doc Willie na hindi siya nag-apply para maging secretary ng DOH.
Aniya, "I’ll be very honest with you, hindi naman ako nag-a-apply. Wala nga akong pinapasang resume, text, o pahiwatig kahit kanino…Sabi ko lang, just in case tumawag ang presidente, sasabihin ko lang, ‘Ita-try natin kung ano ang kaya nating itulong sa bayan.’ Yun lang pero pag-iisipan pa natin. Pero hindi po ako nag-aapply."
Dagdag niya, "Nandito lang ako. Tuloy-tuloy lang kami sa charity work. Dito lang sa pag-educate namin. Kaya nagtataka ako bakit tuloy-tuloy yung atake nila."
Samantala, inamin ni Doc Willie na nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan sa gitna ng sunod-sunod na paninira sa kanya.
Aniya, "We are also afraid for our safety sa ngayon kaya nga humihingi ng tulong kasi hindi muna tayo maglalalabas hangga't wala pang na-a-appoint ang ating mahal na presidente. Kasi tingin ko hindi na ako safe lumabas ngayon eh."
No comments:
Post a Comment