Pamahiin ng mga Koreano na Hanggang Ngayon ay Kanila pa ring Pinaniniwalaan
Pamahiin ng mga Koreano na Hanggang Ngayon ay Kanila pa ring Pinaniniwalaan
’Tulad nating mga Pilipino, ang mga Koreano ay mayroon ding mga pamahiing kanila pa ring sinusunod magpahanggang ngayon. Ano-ano nga ba ang mga ito? ’Yan ang ating tatalakayin ngayon!
Bagama’t kilala ang bansang Korea bilang isa sa mga bansang mayroong world-class technology sa panahon ngayon, hindi pa rin maikakaila na ang bansang ito ay dating pinag-ugatan ng Shamanism—isang religious practice na kinasasangkutan ng isang practitioner na nakikipag-ugnayan sa pinaniniwalaan nilang isang spirit world sa pamamagitan ng mga binagong estado ng kamalayan.
Dahil d’yan ang mga Koreano ay naniniwala pa rin maraming pamahiin magpahanggang ngayon, at narito ang ilan sa mga iyon.
Una, ang pamahiin nila tungkol sa sapatos. Alam n’yo ba na sa bansang Korea ay pinaniniwalaang kapag ikaw ay nagbigay o nagregalo ng sapatos sa iyong karelasyon, ikaw ay iiwan nito? Bukod sa ang katotohanang mahirap hulaan ang laki ng sapatos ng ating kapareha, ang pagbibigay ng mga sapatos bilang mga regalo sa isang mahal sa buhay sa South Korea ay isang malaking pagkakamali.
Sinasabi ng pamahiin na ang pagbibigay sa isang manliligaw ng isang pares ng sapatos ay magiging dahilan upang iwan siya nito o takbuhan, na malamang ay gamit ang parehong pares ng sapatos na ibigay niya!
Pangalawa ay ang tungkol sa pamahiin nila sa mga fan o bentilador. Ang kamatayan mula sa pagtulog kasama ang isang aktibong bentilador sa isang saradong silid ay maaaring mukhang hindi totoo para sa atin, ngunit hindi ito biro sa South Korea. Ang Seonpoonggi samangseol na ang ibig sabihin sa ingles ay “fan death” ay pinaniniwalaang isang aktwal na sanhi ng kamatayan at hindi lamang pamahiin.
Ang takot tungkol sa mga electric fan sa Korea ay nagsimula noong 1927, nang ang isang kuwento ay nai-publish sa isang pambansang pahayagan na nagbabala sa mga mambabasa na ang bagong teknolohiya ay may mga medikal na panganib ’tulad ng nausea, facial paralysis, at pati na rin asphyxiation. Pinaniniwalaan kasing ang sirkulasyon daw ng hangin dahil sa mga bentilador ag nagiging dahilan mabulunan ang mga tao sa sarili nilang carbon dioxide.
May ilan namang nagsasabi na ang “fan death” daw ay ipinagkalat lang ng kanila mismong gobiyerno upang limitahan ang paggamit ng kuryente noong 1970s energy crisis. Gayunpaman, ang mga kuwento tungkol sa pagkamatay ng mga tao dahil sa mga bentilador ay patuloy na lumalabas sa South Korean media, lalo na sa mga buwan ng tag-init.
Pangatlo naman ang pamahiin tungkol sa malalagkit na pagkain o Taffy. Hindi na kakaiba sa Korea—isang bansang malaki ang pagpapahalaga sa edukasyon—na magkaroon sila ng maraming pamahiin tungkol sa pagkuha ng pagsusulit. Isa sa mga ito ang nagsasabing ang pagkain daw ng mga malalagkit na pagkain, tulad ng toffee at yeot (isang traditional Korean taffy) ay makatutulong upang mag-‘stick’ sa utak ng mga estudyante ang mga kaalamang natutunan nila sa pag-aaral.
Dahil d’yan ay karaniwan nang makikitang mayroong namimigay ng yeot sa mga mag-aaral habang pumapasok sila sa mga sentro ng pagsusulit upang kumuha ng Suneung—o ang South Korea’s College Scholastic Ability Test. Kabaliktaran naman ’di umano ang epekto kapag kumain ka ng madudulas na pagkain ’tulad ng seaweed soup. Ito raw ay magiging dahilan upang ‘madulas’ ang isang estudyante sa mga rating ng resulta ng pagsusulit.
Pang-apat, pamahiin tungkol sa pagsusulat gamit ang pulang tinta. Noong araw, pulang tinta ang ginagamit upang isulat ang mga pangalan ng namatay sa rehistro ng pamilya. Samakatuwid, ang pagsusulat ng pangalan ng isang tao sa pulang tinta ay nangangahulugan na sila ay namatay na, o, kung sila ay nabubuhay pa, ikaw ay naghahangad ng pinsala o kamatayan sa kanila. Bagama’t hindi na ito ginagawa ngayon, itinuturing pa rin ng maraming Koreano na napakabastos na isulat ang pangalan ng isang tao gamit ang pulang tinta.
Panglima, pamahiin tungkol sa panaginip. Sa maraming bansa, ang mga baboy ay madalas na nakikita at itinuturing bilang maruruming hayop. Ngunit sa Korea, sila ay kinatawan ng kasaganahan at kayamanan. Ito ay dahil ang pagbigkas ng “baboy” ay katulad ng pagbigkas ng “jade” sa kanilang salita. Samakatuwid, maraming mga Koreano ang naniniwala na ang pangangarap ng mga baboy ay isang senyales na ang malaking kayamanan ay malapit nang ipagkaloob sa kanila.
Pang-anim ay tungkol naman sa isang numero—ang number four. Ang pamahiing ito ay unang nagmula sa China, na naging pamahiin din sa ilang mga bansa ’tulad ng Japan at Korea, kung saan ang salita para sa bilang na “apat” ay katulad ng salitang para sa naman “kamatayan”.
Totoo ito para sa Sino-Korean, na nag-ugat sa wikang Chinese. Maraming elevator sa South Korea ang aktwal na gumagamit ng letrang "F" bilang kapalit ng numerong "4" upang kumatawan sa ikaapat na palapag, katulad ng kung paano tumalon ang ilang American elevator mula sa twelve hanggang fourteenth floor, na nilaktawan ang ikalabingtatlong palapag.
Pampito, pamahiin tungkol sa pintuan. Sa Korea, pinaniniwalaang ang pagtapak sa isang bukana ng pintuan ay maaaring magdulot ng misfortune. Ang pamahiing ito ay nagsimula noong panahon ng pagsalakay ng Mongol sa Goryeo Korea, kung saan ang bangkay ng namatay ay mananatili sa tahanan nang ilang panahon.
Pagkatapos, siya ay dadalhin palabas ng bahay sa isang kabaong. Kapag ang kabaong ay tumawid sa bukana ng pintuan, ang hangganan sa pagitan ng buhay na mundo at ang kabilang buhay ay nalampasan na rin. Dahil doon, pinaniniwalaang malas para sa isang buhay na tao na tumapak dito.
Pangwalo, ang pamahiin tungkol sa salamin. Ang mga salamin ay ang pundasyon para sa maraming mga pamahiin sa buong mundo. Habang nag-iingat ang mga Europeo at North American na huwag masira ang mga salamin, iniiwasan naman ng mga Koreano na ilagay ang mga ito nang direkta sa harap ng isang pinto, dahil mapipigilan daw nito ang pagpasok ng suwerte sa kanilang bahay.
Ang pangsiyam ay pamahiin tungkol sa paghuhugas ng buhok. Sa Korea, ang Araw ng Bagong Taon ay nagbibigay ng perpektong pagkakataon upang magkaroon ng bagong simula. Kadalasan, ang mga Koreano ay hindi maghuhugas ng kanilang buhok sa araw na ito, dahil pinaniniwalaang ito ay maghuhugas din ng kanilang suwerte. Gayundin, ang mga mag-aaral ay hindi maghuhugas ng kanilang buhok bago ang pagsusulit upang hindi ‘mahugasan’ ang lahat ng kaalamang kanilang nakuha sa pag-aaral.
Pangsampu, last but not the least, ang pamahiin tungkol sa pagsipol. Bagama’t ang pagsipol ay madalas na nauugnay sa damdamin ng kaligayahan, ito ay lubos na dini-discourage sa South Korea, lalo na kung ito ay gagawin sa gabi.
Sa katunayan, matagal nang pinaniniwalaan na ang pagsipol sa gabi ay maaaring tumawag ng mga espiritu, multo, demonyo at iba pang hindi makalupang nilalang. Sa ibang version naman ng paniniwalang ito, ang pagsipol daw sa gabi ay maaaring makatawag ng mga ahas. Ang pamahiing ito ay kilala at pinaniniwalaan din sa iba pang bansa ’tulad ng Japan.
Ano ang masasabi mo sa paksang tampok ngayon ng ating artikulo? Pag-usapan natin ’yan sa comment section!
No comments:
Post a Comment