Mga Kakaibang Pamahiin Ng Mga Japanese

Mga Kakaibang Pamahiin sa Bansang Japan

Mga Kakaibang Pamahiin sa Bansang Japan

Mga kakatwang pamahiin sa bansang Japan at ang mga paliwanag sa likod nito, ’yan ang tatalakayin natin ngayon!

Ang Japanese Culture ay kilala bilang isa sa pinakakakaiba at pinakainteresanteng kultura sa mundo, na sinasabing malayong-malayo kung ikukumpara sa mga western cultures, lalo na kung pag-uusapan ang lawak ng mga kawili-wili nitong folk-tales at mga pamahiin. Dahil d’yan, sa artikulong ito ay tatalakayin natin ang ilan sa mga pinakakakaiba ngunit pinakainteresante rin nilang mga pamahiin.

Una na riyan ay ang numerong apat o ang number four na itinuturing din bilang ang numero ng kamatayan. Ang dahilan kung bakit pinaniniwalaang nagbibigay daw ng kamalasan at kamatayan ang nasabing numero, ay dahil sa tunog ng mga titik nito. Ang salitang ‘apat’ kasi ay binibigkas bilang “shi” na nangangahulugan ding “kamatayan o death” sa wikang hapon. Dahil dito, madalas na nilalaktawan tuloy ng mga hotels at ospital sa Japan ang numerong apat, sa pagbibilang nila ng mga palapag.

Sumunod naman ay ang numero siyam o number nine. ’Tulad ng numero apat ay hindi rin kasi maganda ang kahulugan nito sa kanilang wika. Binibigkas kasi ang number nine sa salitang hapon bilang “ku” na siyang nangangahulugan din naman bilang “suffering o paghihirap” kaya naman madalas, ang mga ospital sa Japan ay iniiwasan ding maglagay ng ikasiyam na palapag sa kanilang mga gusali.

Ikatlo ay ang pamahiin nila tungkol sa mga gagamba. Ayon sa paniniwala ng mga hapon, kung ikaw daw ay makakakita ng gagamba sa umaga, ito raw ay maghahatid sa ’yo ng swerte kaya naman hindi mo ito dapat saktan. Ngunit kung sa gabi mo naman ito makikita, dapat ay mabilis mo itong dispatsahin, dahil pinaniniwalaang hindi lamang daw basta mga gagamba ang ’yong nakikita kundi mga alagad ng demonyo!

Ikaapat ay pamahiin tungkol sa pagtatago ng hinlalaki habang may inililibing. Itinatago ng mga indibidwal sa Japan ang kanilang hinlalaki sa kamao kapag may dumaraang karo ng yumao dahil pinoprotektahan umano ng paraang ito ang kanilang mga magulang mula sa parehong kapalaran.

Mayroon ding pamahiin ang mga hapon tungkol sa pagsinok ng isandaang beses. Ayon sa paniniwala ng mga hapon, ang pagsinok daw ng magkakasunod na isandaang beses ay nagdudulot ng kamatayan. Ito raw kasi ay maaaring senyales ng isang malalang karamdaman, kaya naman madalas ay ginagawa nila ang lahat upang matigil ang kanilang pagsinok.

Ikaanim, mga anting-anting o omamori. Ang Omamori ay ang mga anting-anting na ibinebenta sa mga shrines sa bansang Japan. Depende sa anting-anting na iyong binili, maaari itong magdala ng suwerte sa pera, pag-ibig, paaralan o trabaho.

Ikapito naman ang pagsusulat ng pangalan ng isang tao sa pula. Ang pagsulat ng pangalan ng isang tao sa isang kulay pulang bagay, papel man, tela, o kahit anong bagay na kulay pula, ay lubhang nagpapakita ng kawalang ng paggalang at itinuturing na malas sa Japan, Sa pagkat ang pagsulat ng pangalan ng isang tao sa pula ay nagpapahiwatig na ang taong ito ay pumanaw na.

Ikawalo. Pamahiin tungkol sa mga batang babae na ipinanganak sa Year of the Fire Horse. Ang Chinese zodiac ay ginagamit din sa Japan bilang bahagi ng kanilang kultura. Sinasabi na ang mga batang babae raw na ipinanganak sa Year of the Fire Horse, o ang Hinoe Uma, ay magiging masama. Ang huling taon ng fire horse ay 1966 at ang susunod ay magaganap sa 2026.

Ikasiyam, pamahiin tungkol sa pagsipol. Pinaniniwalaan sa Japan na ang pagsipol daw ay maaaring magdala o makaakit ng isang ’di inaasahang bisita sa kanilang tahanan. Ito ay alin man sa dalawa: Ahas o Multo. Ayon naman sa iba, sinasabing sa old Japan daw, ang mga human trafficker, magnanakaw, at iba pang mga kriminal ay gumagamit ng mga tunog ng sipol upang makipag-usap sa isa’t isa sa pagsapit ng gabi, kaya naman ang isang walang ingat daw na pagsipol sa dilim ay maaaring magdulot sa iyo ng hindi gustong pagbisita ng alinman sa isang halimaw o isang hoodlum.

Ikasampu, pamahiin sa chopsticks. Ang paglalagay daw ng mga chopsticks doon mismo sa iyong pagkain ay hindi lamang itinuturing na kawalan ng galang kundi pati na rin kamalasan. Ito ay dahil ang mga chopstick ay inilalagay lamang sa ganitong paraan kapag ang pagkain ay inialay sa mga patay.

Sunod ay ang pamahiin tungkol sa Diyos ng Kidlat. Sa Japan, inirerekumenda na itago ang mga pusod sa tuwing magkakaroon ng thunder storm, dahil kung hindi ay kakainin ito ’di umano ng Diyos ng kidlat!

Ikalabing dalawa, pagkakaroon ng malalaking tainga. Sa Japan, ang mga taong mayroong malalaking tainga ay ikinokonsidera bilang suwerte, dahil magiging napakayaman daw ng mga taong may tinatawag na ‘lucky ears”. Si Hotei—ang kanilang god of wealth, na kilala rin bilang, the happy budha o laughing budha, sa labas ng Japan—ay sinasabing isang nilalang na mayroon daw napakalalaking mga tainga, kaya naman sa kaniya nagmula ang paniniwalang ito.

Ang ikalabing tatlong paniniwalang nasa ating listahan ay tungkol naman sa ngipin. Sa Japan, ang mga natatanggal o nabubunot na ngipin ng mga bata ay hindi napupunta sa tooth fairy. Ang mga ngipin mula sa itaas na bahagi ay itatapon nila sa labas ng bintana, at ang mga ngipin namang mula sa ibabang bahagi ay ihahagis sa bubong upang ang mga bagong ngipin ay lumago nang malusog at matibay.

Ikalabing apat, pamahiin tungkol sa suklay. Naniniwala ang mga Hapones na ang pagsira ng suklay ay maaaring magdulot ng malas. Ito ay dahil noong mga unang panahon, ang mga suklay ay mahal at mahirap gawin. Kaya naman, ang pamahiing ito ay nagpapaalala sa mga tao sa Japan na mag-ingat sa paghawak ng suklay at huwag itong sirain.

Pinakahuli sa ating listahan ang pamahiin sa pagtulog. Sa Japan, ang pagtulog habang nakaharap sa hilaga ay itinuturing na malas at nagdudulot ng kamatayan. Ito ah dahil ang katawan lamang ng isang taong namatay ang ipinupuwesto nang nakaharap sa hilaga sa mga libing.

Hindi ba at napakainteresante ng mga pamahiing ito tungkol sa bansang Japan? Napansin mo ba ang ilang mga pamahiin nilang tila may pagkakatulad sa ating mga paniniwala? Pag-usapan naman natin ’yan sa comment section!


No comments:

Post a Comment

Sponsor