Gladys 'Chuchay' Guevarra, itinuturong bagong karelasyon ni Pambansang Kolokoy
Gladys 'Chuchay' Guevarra, itinuturong bagong karelasyon ni Pambansang Kolokoy
Ang dating "Eat Bulaga" host na si Gladys Guevarra o 'Chuchay' ang itinuturo ng maraming netizens na ipinalit ng sikat na vlogger na si Pambansang Kolokoy o Joel Mondina sa totoong buhay sa kanyang misis na si Marites.
Nag-ugat ang espekulasyong ito matapos mapansin ng netizens ang pagkakahawig ni Gladys sa babaeng kasama ni Joel sa latest vlog nito na may pamagat na "Girl Friend".
Kontrobersyal na hiwalayan nina Joel at Marites:
Isa sa malaking kontrobersiya noong 2022 ay ang hiwalayan nina Joel at Marites. Agosto noong nakaraang taon nang kumpirmahin ni Joel sa kanyang vlog na nagwakas na ang 20 taong pagsasama nila ni Marites.
Ibinunyag din niyang may iba na siyang kinakasama at masaya raw sila.
Aniya, “Yes, I have someone else and we are happy.”
Ibinahagi naman niyang matapos ang kanilang hiwalayan, nagkaroon sila ng co-parenting agreement ni Marites para sa tatlo nilang anak.
Nilinaw din niyang kahit na hiwalay na sila ni Marites ay maayos naman daw ang relasyon nila ng kanyang mga anak.
Rumored Girlfriend:
Kasunod naman nito ay naispatan ng netizens si Joel kasama ang aktres at singer na si Mystica. Ngunit iginiit ni Joel na magkaibigan lang sila ni Mystica. Nanatili ngang palaisipan sa netizens kung sino ang bagong karelasyon ni Joel.
Hanggang sa pagpasok lang ng taong 2023, sa wakas ay unti-unti nang binibigyang mukha ni Joel ang kanyang bagong karelasyon.
Sa kanyang vlog nitong Enero 10, makikitang isang babae ang kasama ni Joel. Bukod dito, may kasama rin silang isang bata na mukhang wala pang isang taong gulang.
Malakas nga ang palagay ng netizens na ang nasabing babae ay ang bagong karelasyon ni Joel at ang kasama nilang sanggol ay kanilang anak.
Hinuha rin ng netizens na ito raw ang babaeng naging dahilan ng hiwalayan niya at ni Marites. Pero hindi ipinakilala ni Joel ang kasama niyang babae.
Hindi rin makilala ng netizens ang babae dahil naka-sunglasses at mask ito mula simula hanggang katapusan ng video.
Tumanggi rin ito noong sinabihang tanggalin niya ang kanyang mask. Tila ay ayaw niyang may makakilala sa kanya.
Sa kabila nito, isang tao ang agad na pumasok sa isipan ng netizens dahil malaki raw ang pagkakahawig nito sa babaeng kasama ni Joel.
Hula ng netizens, ang babaeng kasama ni Joel ay walang iba kundi si Gladys.
Kung titingnan umano kasi, tila malaki ang pagkakahawig ng babae kay Gladys lalo na sa hugis ng mukha at katawan.
Hindi rin umano nagkakalayo ang boses ng babae kay Gladys.
Pahayag ni Gladys hinggil sa isyu:
Hindi naman pinalampas ni Gladys ang pag-uugnay sa kanya bilang bagong karelasyon ni Joel.
Kamakailan ay nagsalita siya tungkol sa isyu kung saan mariin niyang pinabulaanan ang akusasyon ng netizens na siya ang 'kabit' ni Joel.
Nagbahagi rin siya ng isang video kung saan pinakita niya ang kanyang manipis na tiyan na tila nagpapatunay na hindi siya bagong kapapanganak lang.
May patama rin siya sa mga netizen na nagpapaka-'NBI' umano. Tanong pa ni Gladys, kung may nakuha bang ebidensya ang mga ito na siya nga ang babae ni Joel.
Aniya, ”O shoutout sa mga nagpapaka NBI hahaha? Kumusta? May nakuha ba kayong mga ebidensya? Para sa inyo to . . . Mukha ba akong nanganak?”
Bwelta pa niya sa mga tsismosa na huwag padalos-dalos sa kanilang mga paratang laban sa kanya.
Aniya, “Yan tayo eh! Huwag padalos dalos sa pagbintang mga kapitbahay. Tinawag mo nako’ng kabit wala ka naman alam. Ano tawag pag wala alam? Diba BOBO? Relax lang muna, chill sabi nga. Pati kusina daw pareho. Hahaha Naku naku naku, wag sasanga sanga. Ayan tayo eh!"
Samantala, wala pang pahayag si Joel hinggil sa kumakalat ngayong tsismis na si Gladys ang bagong karelasyon niya.
Inaabangan naman ng mga netizen ang susunod na vlog ni Joel kung saan nangako siyang ipapakilala ang babaeng kasama niya.
No comments:
Post a Comment