Mga Pinakadelikadong Insekto Sa Buong Mundo
Mga Pinakadelikadong Insekto Sa Buong Mundo
Madalas, ang batayan natin upang matawag na ‘nakakatakot’ ang isang hayop o anumang bagay na may buhay sa ating mundo ay kung gaano ito kalaki. Kung gaano ito kabangis, o ’di kaya’y kung paano ito umatake.
Ngunit pagdating sa mga insektong pag-uusapan natin ngayon ay talagang mapapaniwala ka nga na “looks can be decieving”!
Kaya naman huwag na tayongmagpaligoy-ligoy pa. Narito na ang listahan ng sampu sa pinakadelikadong insekto sa buong mundo!
Botfly
Mayroon pa bang mas nakadidiri kaysa sa mga langaw na nabubuo o nabubuhay sa ilalim ng iyong balat na sa huli ay kakainin ito upang siya ay makalabas? ’Yan ang tinatawag na Botfly. Kilala rin ito sa mga tawag na warble flies, heel flies, at gadflies. Ito ay isang pamilya ng langaw na kilala bilang Oestridae.
Ang kanilang mga larvae ay internal parasites ng mga mamma at ng iba pang mga species. Ito ay lumalaki sa loob ng katawan ng mapipili nitong host at pagkatapos ay kakainin nito ang ang kaniyang daan palabas ng katawan.
Ang Dermatobia hominis ay ang tanging species ng botfly na kilalang madalas na nag-parasitize ng mga tao, habang ang ibang mga species ng langaw ay nagdudulot naman ng myiasis sa atin. Upang magparami, nangingitlog ang mga babaeng botflies sa mga arthropod na sumisipsip ng dugo ’tulad ng mga lamok o garapata. Ang mga infested na arthropod ay nagdedeposito ng larvae mula sa mga itlog kapag kumagat sila ng tao o ibang mammal.
Ang isang botfly larva ay pumapasok sa balat ng host sa pamamagitan ng kagat na sugat o isang follicle ng buhok at bumabaon ito sa subcutaneous tissue. Sa madaling salita, maaari natin itong makuha sa pamamagitan lamang ng isang kagat ng lamok.
Louse
Ang Louse o mas kilala sa tawag na ‘Kuto’ sa tagalog ay matagal nang problema ng mga tao at iba pang uri ng hayop sa iba’t ibang panig ng mundo. Sila ay ang mga maliliit at walang mga pakpak na insektong kilalang sumisipsip ng dugo.
Bagama’t ang mga kuto sa ulo ng tao ay hindi kilalang nagkakalat ng sakit, ang mga ito naman ay talagang nakakainis dahil ang presensya nito ay maaaring maging sanhi ng pangangati at pagkawala ng tulog. Minsan, ang pangangating dulot ng kuto ay maaaring humantong sa labis na pagkamot ng isang tao na kung maaaring maging sanhi ng isang secondary skin infection.
Monarch Butterfly
Ang larvae ng ilang insekto ay maaaring kainin. Sa katunayan, ang iba sa mga ito ay masustansya. Ngunit hindi kasali rito ang mga Monarch butterfly.
Ang inosente, maganda, at iginagalang na ‘monarch’ ay isa sa mga pinakadelikado at pinakanakakalasong insekto sa planeta. Ito ay hindi nangangagat o nanunusok, ngunit babawiin nito ang buhay ng isang tao na susubok na kainin ito. Ito ay dahil ang mga insektong ito ay halos kumakain lamang ng milkweed na isang uri ng nakalalasong dagta ng halaman.
Dahil doon, ang lasong hatid nito ay naiimbak sa kanilang katawan simula sa kanilang pagkabata hanggang sa sila ay tumanda na. Ang isang tao o hayop na kumakain ng insektong ito ay makakakuha ng isang mataas na dosage ng milkweed poison, na maaaring humantong sa cardiac arrest.
Blister Beetle
Ang Blister Beetle ay mga uri ng salagubang sa pamilya ng Meloidae, na ang pangalan ay kinuha sa lasong kanilang inilalabas na siya namang tinatawag na ‘cantharidin’. Ito ay odorless at colorless na fatty substance ng terpenoid class. Nakakapaso ito sa balat at maaari ding makalason kung makukunsumo ito sa malalaking dosage, ngunit kung ito ay ginamit nang maayos ay maaari itong mag-alis ng warts o kulugo sa balat.
Gayunpaman, kung hinahangad ng isang tao na kainin ang insektong ito, makasisigurado kang sisirain ng cantharidin ang lining ng iyong gastrointestinal tract at na siyang maaaring ikapahamak ng iyong buhay.
Ang mga Blister Beetle ay kabilang sa pamilya Meloidae at mayroong higit sa 7000 species. Karamihan sa mga ito ay mayroong matingkad na kulay, at ang makikinang na kulay ay isang senyales na ang mga bug na ito ay hindi mo dapat lapitan man lang.
Flea
Ang Flea o pulgas ay uri ng mga external parasites sa mga mammals o ibon. ’Tulad ng mga kuto, ang mga pulgas ay mga primitive insects na walang pakpak at nabubuhay sa pagsipsip ng dugo ng ibang mga hayop. Kung minsan ay maging ang mga hayop na hindi kanais-nais sa mga kuto, ’tulad ng mga paniki, ay hindi rin nila pinaliligtas.
Bagama’t wala silang kakayahang lumipad, ang mga ito naman ay may kakayahang tumalon ng hanggang dalawang daang beses na haba ng kanilang katawan, katumbas ng isang 6-foot-tall na tao na tumatalon ng 1200 feet sa hangin.
Ang isang fleabite mismo ay maaaring maging sanhi ng pangangati at pamamaga, at ang isang infestation ay maaaring maging napakalubha na ang host nito ay maaaring magkaroon ng anemia. Ang mga pulgas ay nagpapadala ng lahat ng uri ng pathogens, kabilang ang mga virus, bacteria, at worms.
Ang mga sakit na ipinadala ng mga nilalang na ito ay kinabibilangan ng typhus at ang sikat na bubonic plague na siyang bumawi sa buhay ng limampung milyong tao at sinira ang karamihan sa populasyon ng Europa noong 14th century. Nagpapadala rin ang mga pulgas ng tapeworm at Trypanosoma protozoan na maaaring magdulot ng sleeping sickness at Chagas disease.
Kahit na ang salot ay hindi na karaniwan sa buong mundo at maaaring gamutin sa pamamagitan ng isang kurso ng mga antibiotic, ang mga pulgas ay responsable pa rin para sa isang nakatatakot na sakit sa balat na tinatawag na tungiasis. Ang sakit na ito ay nagdudulot ng pamamaga ng balat, pangangati, at mga sugat.
Wasps, Bees, Ants, And Hornets
Bagama’t ang mga insektong ito ay kilalang higit na kapaki-pakinabang, sila ay maituturing pa ring mapanganib at sila ay kabilang sa Hymenoptera order na siyang marahil ang pinakamakamandag na insekto sa mundo.
Ang mga babae ay madalas na may panusok at ang mga tusok na dulot nito ay maaaring maghatid ng matinding sakit o pagkirot. Ang ilang mga tao na allergic sa mga stings ng hymenopterans ay dapat na tumanggap ng agarang pangangalagang medikal.
Ang Asian Giant Hornet, na binansagan bilang murder hornet dahil sa ugali nitong umatake ng mga pulot-pukyutan, ang siyang pinakamalaki sa mga putakti at maaaring lumaki ng hanggang dalawang pulgada. Ito ay may mas malakas na lason kaysa sa karamihan ng mga hymenopteran. Ganoon pa man, hindi ito ang itinuturing na pinakamakamandag.
Ang titulong iyon ay napupunta sa isang Philippine species na tinatawag na Vespa luctuosa. Ang tibo nito ay hindi lamang masakit ngunit maaaring humantong sa kombulsyon, dugo sa ihi, at cyanosis.
Assassin Caterpillar
Siguradong marami sa inyo ang sasang-ayon na ang mga Assassin Caterpillar o mas kilala sa tawag na ‘Higad’ sa tagalog ay isa na yata sa pinakakinatatakutang insekto ng marami sa atin. Ang caterpillar ng Lanomia Obliqua ay nagiging isang malaki, at medyo kayumangging silkworm moth. Ito ay karaniwang matatagpuan sa South America.
Ito ay isa sa mga pinakanadelikadong insekto sa Amerika. Lumalaki ito ng halos dalawang pulgada ang haba at maaaring berde, kulay abo, o kayumanggi, ang kulay ng balat nito at natatakpan ito ng mga spine. Ang mga spine na ito ay napakadaling matanggal, tumutusok sa balat at naghahatid ng lason na nakakaabala sa kakayahan ng dugo na mamuo.
Kung ang isang tao ay nalantad sa sapat na lason nito, ito ay maaaring maging bingit ng kanilang kapahamakan habang ang kanilang mga mahahalagang organs, kabilang ang utak, ay magsisimulang magdugo.
Kinakailangan ng maraming tusok ng spine upang makapinsala ito nang seryoso sa isang tao, ngunit dahil ang Lonomia obliqua caterpillar ay madalas na magtipun-tipon at napakahusay na naka-camouflag, ito ay may posibilidad na mangyari.
Kissing Bug
Gaano man ka-decieving ang pangalan nito, ang mga Kissing bug ay isang blood-sucking parasites na naaakit sa pamamagitan ng paghinga. Ibig sabihin, kung ikaw ay humihinga mula sa iyong bibig ay isa ka sa kanilang mga target.
Ang mga insekto ’tulad ng lamok ay malinis kapag kumagat. Ang kissing bug ay hindi, na nagdaragdag sa kanyang pagiging kakila-kilabot. Mayroong 130 species ng insektong ito, at ang ilan sa kanila ay may pananagutan sa pagkalat ng sakit na Chagas.
Ang Chagas disease ay isang napakasamang karamdaman na hindi ito nagdudulot kaagad ng mga life-threatening symptoms. Ito ay maaari pang maramdaman mula sampu hanggang tatlumpung taon pagkatapos nitong kagatin ang isang tao. Ang isang sintomas ay karaniwang sakit sa puso, at ang tao ay maaari ding magkaroon ng mga problema sa kanilang digestive tract at kanilang nervous system.
Tsetse Fly
Ang kakaiba at mapanganib na mga insektong ito na nagpapakain sa kanilang larvae ng gatas at nagsisilang sa kanila sa ganoong pagkakasunud-sunod ay matatagpuan sa tropical Africa. Ang tsetse fly ay may pananagutan para sa isa sa pinakamapangwasak na sakit ng tao, ang sleeping sickness. ’Tulad ng kissing bug, ang tsetse ay isang vector ng trypanosome.
Ang parasite na nagdudulot ng sleeping sickness ay ang Trypanosoma brucei at ang mga subspecies nito. Ang langaw ay maaaring magdala ng parasite na nakuha nito mula sa isang nahawaang host o maaari itong magdala ng mga parasites na naninirahan mismo sa sarili nitong katawan.
’Tulad ng Chagas disease, ang sleeping sickness ay tumatagal ng ilang sandali bago ito umepekto. Mga isa hanggang tatlong linggo pagkatapos makagat ang isang tao ay lalagnatin ito at makadarama ng pananakit ng ulo, na may pananakit ng kasukasuan at pangangati.
Maaari rin silang magkaroon ng namamagang mga lymph node at pantal. Ang ikalawang yugto ay maaari muling sumibol pagkalipas ng ilang buwan habang ang parasite ay namumuo sa nervous system ng tao. Pagkatapos, ang pasyente ay mako-confuse at magiging insomniac at mawawalan ng balanse.
Kung ang tao ay hindi magamot, sila ay mauuwi sa pagkawala ng malay, magdaranas ng organ failure at sa huli ay maaari din itong maging sanhi upang bawian sila ng buhay.
Mosquitos
Ang Anopheles mosquito ay ’di hamak na siyang pinakadeloikado sa lahat ng mga mapanganib na insekto sa mundo. Ang parasite na nai-inject mula sa kagat ng maliit na nilalang na ito ay nagdudulot ng mas maraming kamatayan at sakit kaysa sa kagat o tusok ng alinmang insekto.
Ang lahat ng ito ay dahil ang babaeng lamok ay nangangailangang kumain ng dugo upang siya ay magkaanak. Noong 2019, mahigit apat na raang libong katao ang binawian ng buhay dahil sa malaria, karamihan sa kanila ay mga bata sa ilalim ng limang taong gulang.
Gayunpaman, hindi lamang ito ang karamdamang hatid ng mga lamok. Kabilang din diyan ang Chagas disease, Dengue or breakbone fever, West Nile virus, Zika virus, Rift Vally fever, Chikungunya fever, Yellow fever, at St. Louis encephalitis. Walang dudang napakarami nito kaysa sa ibang mga insektong nabanggit.
No comments:
Post a Comment