Pon Festival, Ang Selebrasyon Ng Pagtatalik Sa Indonesia?

Facts About Pon Festival Sa Indonesia

Pero sa Pon Festival, huwag kang magkakamali na dalhin ang iyong pamilya lalo na ang iyong anak. Bakit? Simple lang — dahil ang Pon Festival ay isang selebrasyon ng pagtatalik.

Sa Pilipinas, karamihan sa ating mga pista ay hango sa iba’t ibang relihiyon primarya na ang relihiyong Katoliko. Ipinagdiriwang ang mga ito bilang parte ng pagbubunyi at pasasalamat kung saan ang buong pamilya ay hinihikayat na sumama.

Pero sa Pon Festival, huwag kang magkakamali na dalhin ang iyong pamilya lalo na ang iyong anak. Bakit? Simple lang — dahil ang Pon Festival ay isang selebrasyon ng pagtatalik.

Ang Pon Festival ay idinaraos sa bansang Indonesia kung saan libo-libong mga tao ang dumadayo sa isang espesyal altar o shrine para makipagtalik sa isa’t isa. At kahit isa itong pagdiriwang ng senswal na kasiyahan, ang pagtatalik tuwing Pon Festival ay parte ng isang ritwal na ilang daang taon nang isinasagawa ng mga piling komunidad sa bansang ito.

Hindi mo na kailangang lumipad pa patungong Indonesia para malaman ang kabigha-bighaning kwento at tradisyon sa likod ng Pon Festival. Narito ang Interesting facts tungkol sa Pon Festival.

Fact #1: May halong kasaysayan ang pinagmulan ng Pon Festival

Walang may alam kung kailan eksaktong nagsimula ang tradisyon ng Pon Festival pero may kwento at kasaysayan ang selebrasyon na ito. 

Nagsimula ang tradisyon ng Pon Festival sa isang prinsipe noong 16th century na nagngangalang Pangeran Samudro na anak ng isang Javanese monarch. May lihim na relasyon si Samudro sa kanyang stepmother na si Nyai Otrowulan at nang malaman ito ng kanyang ama ay pinalayas silang dalawa sa kanilang kaharian.

Napadpad si Samudro at si Otrowulan sa isang probinsya ng Indonesia na kung tawagin ay Solo. Dito namuhay ang dalawa bilang mag-asawa. Kinalaunan, nabalitaan ng mga mamamayan ng Solo ang pagtataksil na ginawa nina Samudro at Otrowulan. Ang pakiki-apid ay isang malaking kasalanan kaya naman nagalit ang mga mamamayan ng Solo. Natagpuan nila sina Samudro at Otrowulan sa gitna ng pagtatalik at pinatay.

Depende sa iyong tatanungin, may iba’t ibang bersyon kung bakit naging tradisyon ang pakikipagtalik sa ibang tao tuwing Pon Festival. Sabi nila, idineklara ng prinsipe ng monarkiya na pwedeng maki-apid at makipagtalik sa hindi mo asawa tuwing Pon Friday kaya walang ginawang masama ang prinsipe. Kaya naman ang pagdiriwang ng Pon Festival ay isang paalala na ang dating prinsipe ay inosente.

Fact #2: Ang Pon Festival ay ginaganap sa puntod ni Samodro

Kung tatanungin mo naman ang iba kung bakit ipinagdiriwang ang Pon Festival, ito raw ay para mabiyayaan sila ng swerte at pagpapala.

Matapos ang pagpapaslang kila Samodro at Otrowulan, may umikot na pamahiin na kung sino man ang gumawa ng mas eskandalosong krimen kumpara sa pag-apid nila Samodro at Otrowulan ay mabibiyayaan sila ng kayamanan at matutupad ang kanilang mga hiling. 

Ito raw ay dahil ayaw ng dating prinsipe na mabuhay ang mga tao sa striktong pamamahala kaya naman hinikayat niya ang mga tao na sundin lamang ang kanilang puso at kagustuhan pagdating sa pakikipagtalik. Ang sinumang makakuha ng apruba galing sa prinsipe ay magkakaroon ng pagkakataon na humiling ng kahit ano.

Kaya naman tuwing araw ng Jumat Pon ay dumarayo ang mga tao sa Mount Kemukus kung saan matatagpuan ang libingan nila Samodro at Otrowulan at doon sila nakikipagtalik sa isa’t isa. 

Fact #3: May ritwal na dapat gawin tuwing Pon Festival

Hindi lang basta-bastang pagtatalik ang ginagawa tuwing Pon Festival. May palatuntunin din na sinusunod ang mga peregrino para matupad ang kanilang hiling.

Ang Pon Festival ay ginagawa tuwing ika-35 araw. Tinatawag itong Jumat Pon kung kailan ang Biyernes sa Gregorian calendar ay tumatama sa  isa sa mga limang araw ng Javanese calendar. Tinuturing na maswerte ang araw ng Jumat Pon lalo na sa pagsasagawa ng mga ritwal.

Sa pagdating ng Jumat Pon ay umaakyat ang mga peregrino sa Mount Kemukus patungo sa puntod ni Samodro at Ontrowulan. Pagkatapos nilang magbigay ng bulaklak at maglaan ng dasal sa puntod, bababa sila sa isang sagradong batis kung saan kailangan nilang paliguan ang kanilang sarili.

Ang pagligo sa batis ay isang simbolo ng pagtatanggal ng kasamaan sa iyong katawan at para hindi mo rin ito maipasa sa iyong katalik. Pagkatapos ay kailangan mong maghanap ng isang hindi mo kakilala na gustong makipagtalik sa iyo.

Para maging matagumpay ang ritwal, kailangang makipagtalik sa parehong tao tuwing Jumat Pon sa taong iyon. Kaya dapat bawat Pon Festival ay magkikita muli ang dalawa upang makipagtalik sa isa’t isa. Kailangan gawin ito ng pitong beses.

Ang ritwal na ito ay hango sa pagkamatay nila Samodro at Ontrowulan. Dahil namatay sila sa kalagitnaan ng pagtatalik, kailangan ngayong tapusin ito ng mga deboto. 

Fact #4: Sikat ang Pon Festival sa mga mag-asawa at business owners

Inaasahan na dadayuhin ng mga turista ang Pon Festival sa Indonesia dahil curious sila sa ritwal o kaya naman ay titignan lang nila kung totoo ito. Pero para sa mga debotong Indonesians, karamihan sa kanila ay matindi ang kanilang paniniwala sa tradisyon habang ang iba naman ay gusto lamang makipagtalik sa ibang tao.

Malaking porsyento sa mga dumadalo sa Pon Festival ay kasal na. Ang iba ay palihim na dumadayo sa Mount Kemukus habang ang iba naman ay magkasamang pumupunta. Pero pagdating sa ritwal ng pakikipagtalik ay hahanap sila ng ibang tao dahil hindi gagana ang ritwal kapag nakipagtalik ka sa iyong kakilala.

Iba-iba ang rason kung bakit may mga mag-asawang nakikilahok sa Pon Festival. Ang iba ay gustong lamang  magkaranas muli na makipagtalik sa hindi nila karelasyon. May dumadayo rin na mga mag-asawang nahihirapan sa pagbubutis at umaasa na sa pagkumpleto ng ritwal ng Pon Festival ay mabibiyayaan sila nina Samodro at Ontrowulan.

Marami rin sa mga deboto ng Pon Festival ay mga may-ari ng negosyo. Naging kasabihan na ang Pon Festival ay nagdadala ng swerte sa estadong pinansyal. 

Fact #5: Maraming mga Indonesians ang hindi sang-ayon sa Pon Festival

Kahit umaabot sa 8,000 ang dumadalo sa Mount Kemukus tuwing Pon Festival, marami pa rin na mga Indonesians ang hindi sumasang-ayon sa pagdiriwang nito.

Malaking parte ng dahilan nito ay ang pagnonormalisa raw ng Pon Festival sa pakiki-apid at pakikipagtalik nang hindi pa kasal. Isang konserbatibo at relihiyosong bansa ang Indonesia na halos 90% ng populasyon nito ay mga Muslim kaya naman hindi na nakakapagtaka na itinuturing skandaloso ang Pon Festival.

Tinawag din na isang “paradox” ang Pon Festival. May mosque at altar sa Mount Kemukus na ginagawang dasalan ng mga Muslim ngunit pagkatapos agad ng pagdadasal ay gagawa na sila ng kasalanan. Hindi rin daw kasama sa relihiyon ng Muslim ang Pon Festival dahil sa Indonesia lamang ito nangyayari at hindi sa mga iba pang bansa na maraming mga Muslim.

Dahil sa laki ng pagkadismaya ng mga Muslim sa Pon Festival, naghain noong 2014 si Central Java Governor Ganjar Pranowo ng isang batas na ipinagbabawal ang pagdaraos ng Pon Festival. Ngunit hindi ito nagtagumpay at hanggang ngayon ay marami pa ring mga Indonesians ang lumalahok dito.

Fact #6: Naging kabuhayan ng nakararami ang Pon Festival

Ang pagdaraos ng mga iba’t ibang pista ay nakabubuti para sa lokal na ekonomiya at hindi liban dito ang sikat na Pon Festival. Hangga’t maraming mga dumadayo at handang gumastos para lamang masaksihan ang Pon Festival, marami sa mga residente na malapit sa Mount Kemukus ang kumikita dahil dito.

At dahil bawat 35 days isinasagawa ang Pon Festival, maraming mga residente ang ginawang full-time na negosyo ang pagdiriwang na ito. Bago pa man makarating sa puntod sa Mount Kemukus ay puno ang mga kalsada ng mga motel at inn kung saan pwedeng mag-check in ang mga dumadayo rito.

Bukod sa mga murang motel, puno rin ito ng mga club at karaoke bars kung saan makikitang buhay na buhay ang industriya ng turismo at pista sa bayan ng Kemukus. 

Nang makita ng gobyerno ng Indonesia kung gaano kalaki ang kita sa kultura ng Pon Festival, nagtayo na rin sila ng mga sarili nilang negosyo malapit sa Mount Kemukus. May entrance fee at renta na binabayaran. Kaya kahit marami ang mga bumabatikos sa Pon Festival, hindi ito tuluyang napapatigil dahil sa malaking kontribusyon nito sa lokal na ekonomiya.

Fact #7: Itinatanggi ng mga taka-Kemukus ang pagtatalik sa publiko

Para sa isang lugar na binabansagang “Sex Mountain”, ayaw ng mga taga-Kemukus at mga negosyante rito na publikong aminin ang malawakang pagtatalik na nagaganap tuwing Pon Festival.

Kung sila ay tatanungin, sasabihin lang nila na ang Pon Festival ay isang kasiyahan lamang. Ito ay dahil sensitibo pa rin para sa kanila ang usaping pakikipagtalik. Bukod dito, malaki ang problema ng Pon Festival pagdating sa prostitusyon. 

Kung dati ay puro mga deboto ang dumadalo sa Mount Kemukus para makipagtalik sa iba, ngayon ay naging pugad na ng prostitusyon ang lugar na ito. Ang Mount Kemukus ay kasama sa red-light districts sa Indonesia kung saan talamak ang negosyo ng prostitusyon. At dahil iligal ang bayad na pakikipagtalik, maraming mga underground prostitution rings ang naka-base sa Mount Kemukus at ginagamit ang Pon Festival bilang panakip sa kanilang operasyon.

Ang mga motel at karaoke bars din sa paligid ng Mount Kemukus ay madalas na nagiging “love shacks” na nag-ooperate kahit hindi panahon ng Pon Festival. At pagdating ng araw ng Jumat Pon, mas nagiging talamak pa ang operasyon ng prostitusyon sa lugar.

Sa isang dokumentaryo, nalaman na halos kalahati ng mga babaeng dumadalo sa Pon Festival ay mga prostitutes at hindi mga peregrino. Makikipagtalik sila sa araw ng Pon Festival nang libre para makakuha ng mga kliyente. At dahil kasama sa ritwal ang pakikipagtalik ng pitong beses sa isang taon, hihingin ng kanilang kliyente ang kanilang mga detalye at sa susunod na Pon Festival ay makakakuha na sila ng bayad. 

Ayon sa mga ilang mga babae na kabilang sa prostitusyon, marami sa mga dumadalong lalaki sa Pon Festival ang hindi naman naniniwala sa swerte na pwedeng dalhin nito. Gusto lamang nila na maranasan ang pakikipagtalik sa iba at pwede nilang gawing dahilan ang kultura ng Pon Festival.

At kahit hindi araw ng Jumat Pon ay marami pa ring lihim na pumupunta sa Mount Kemukus para maghanap ng makakatalik. Ang bunyag nila, hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ng Indonesia ang pumupunta sa Mount Kemukus para rito, kung hindi kasama na ang mga kilalang artista, pulitiko, at mga mayayamang negosyante sa Indonesia.

Fact #8: Ang Pon Festival ay parte ng mahalagang kultura ng Java 

Kahit maraming hindi sang-ayon sa Pon Festival dahil sa umanong kalaswaan nito, marami pa ring mga taga-Kemukus ang nananatili sa nosyon na ang Pon Festival ay mahalagang parte ng kultura ng Java na ngayon ay nanganganib nang maglaho.

Ang mga Javanese ay itinuturing isa sa mga pinakamalaking grupo ng mga katutubo sa Indonesia. Sila ay dating may sariling relihiyon ngunit dahil sa pananakop ng mga Islam ay karamihan sa mga Javanese ay naging Muslim.

Dahil konti na lang ang mga Javanese na isinasabuhay ang kulturang Java, nanganganib nang maglaho ang purong kultura ng Javanese. Hindi rin nakatulong na ang tingin sa kulturang Javanase ay primitibo dahil hindi ito sumusunod sa teksto ng Islam. 

Kaya para sa mga natitirang Javanese sa Mount Kemukus, malaking parte ang Pon Festival para makilala ang kanilang kultura at ang aktong pakikipagtalik sa puntod ni Samudro at Ontrowulan ay kinikilala sa kanilang kultura. Bukod pa roon, rason din mga katutubong Javanese na ang paniniwala na ang pakikipagtalik ay magdadala ng swerte ay makatuwiran para sa kanila katulad ng kahit anong paniniwala ng mga Islam. 

Ang pagpigil umano sa daan-daang taong tradisyon na Pon Festival ay isang halimbawa ng patuloy na pagbubura ng kasaysayan ng mga Java dahil pinansin lamang ito ng gobyerno ng Indonesia nang maging prominente ang relihiyong Islam sa bansa. 

Para sa mga katutubo, ang mahalagang gawin ay pigilan ng gobyerno ng Indonesia ang kumakalat sa iligal na prostitusyon na umano’y sumisira sa kapurihan ng pagdiriwang ng Pon Festival. Bukod sa nagbibigay ito ng maling persepsyon sa pagdiriwang ng Pon Festival, kailangan din na mailigtas ang mga babaeng kasama sa prostitusyon at mabigyan ng sapat na tulong at kabuhayan para hindi nila piliin ang pagbebenta ng katawan bilang hanapbuhay. 

Ang Pon Festival ay isang interesanteng kaganapan sa isang konserbatibong bansa. Hindi maikakaila na sa kabila ng mga batikos ay maraming mga naniniwala na sa tradisyong ito. Kung bibigyan ka ng pagkakataon, dadalo ka rin ba sa pagdiriwang ng Pon Festival?


No comments:

Post a Comment

Sponsor